Binibili ng Matanda ang Lahat ng Inilalako ng Bata Kahit Wala Itong Pera; Paglipas ng Panahon ay Babalik ang Kaniyang Kabutihan
Labis ang hagalpakan ng mga kabataan na nagkukumpulan malapit sa tahanan ng matandang si Aling Helen nang makita ang batang si Adan na nagtitinda ng malunggay.
“Ganyan na ba talaga kayo kahirap, singaw? Pati iyang malunggay ay nagagawa mong ibenta. Alam mo namang bawat bakuran dito ay may tanim na ganiyang puno,” sigaw ng isang binata sa batang si Adan.
Napayuko na lamang ang bata sa kahihiyan.
“Baka sa susunod ay mga bato naman ang itinda mo! Grabe ka, malupit ka pa sa mga negosyante! Kung ano ang maisipan mo ay itinitinda mo! Umuwi ka na kasi wala kang mapapala!” kantiyaw pa ng isang binate habang patuloy ang kanilang tawanan.
Inawat na lamang sila ng matanda nang makitang tila paiyak na ang batang si Adan.
“Tigilan niyo nga si Adan. Walang masama sa ginagawa niya. Mas nakakahiya iyang ginagawa niyong pagtambay-tambay dito sa tapat ng bahay ko. Mga wala pakinabang sa inyo ang mga magulang niyo!” sigaw sa kanila ni Aling Helen.
“Halika nga dito, Adan. Magkano ba ang isang tali ng malunggay?” tanong pa ng matanda kay Adan.
“Dalawang piso po, Aling Helen,” nahihiya nitong tugon.
“Limang tali ang lahat ng ito, ito ang kinse, pasensiya ka na at ito lang talaga ang laman ng pitaka ko. Umuwi ka na sa inyo,” wika pa ni Aling Helen.
Labis naman na natuwa si Adan ngunit labis siyang nagtataka.
“Sigurado po ba kayong bibilhin niyo ito, Aling Helen? May puno po kayo ng malunggay,” tanong ng bata.
“Hindi ganoong kaganda ang dahon ng malunggay ng puno ko. Sa tingin ko ay mas masarap itong sa’yo. Sige na, tanggapin mo na itong labaing limang piso at umuwi ka na sa inyo,” muling saad ni Aling Helen.
“At kayo naman! Magsiuwi na kayo sa mga bahay ninyo! Ke tatamad ninyo. Hindi niyo tularan ang batang ito. Maliit pa lamang ay ginagawa na ang lahat para makatulong sa magulang,” muling sermon ng matanda sa mga kabataan.
Dahil sa sinabi ni Aling Helen ay napahiya ang mga ito at isa-isang nagsialisan.
Madalas na kutyain sa kanilang lugar itong si Adan. Singaw kung ito ay tawagin sapagkat wala itong kinikilalang ama. Tanging ang kaniyang inang si Ditas ang kaniyang kasama na nakatira sa isang barung-barong. Walang permanenteng trabaho ang ginang kaya naman dahil sa kagustuhan na makatulong sa kaniyang ina ay naglalako ng kung anu-ano si Adan.
“’Nay, nakabenta po ako ng malunggay. May labing limang piso po ako. Makakabili na po tayo ng kalahating kilong bigas,” masayang balita nito sa ina.
“Aba, ang galing mo talagang magbenta, anak. Magaling ka talagang negosyante,” nakangiting sambit ni Aling Ditas.
Ngunit sa loob-loob nito ay ayaw niya ang ginagawa ng anak. Labis siyang naaawa sa kahihiyan na kinakailangan nitong damhin sa pagtitinda. Isa pa ay napakabata pa nito upang magtrabaho. Ngunit hindi ito iniinda ni Adan. Ang tanging nais lamang niya ay h’wag nang mamublema pa ang kaniyang ina.
Kinabukas ay muli siyang nagbenta ng bunga naman ng puno ng kanilang malunggay. Nang makita siyang muli ni Aling Helen ay binili kaagad ito ng matanda kahit na nakita ng bata na may bunga ang sariling puno ng malunggay sa bakuran ng bahay nito. Muli ay pinakyaw ng ginang ang paninda ni Adan at nakauwi na ito.
“Nakakatuwa po si Aling Helen, nanay. Kahit ano po ang ialok ko sa kaniya ay binibili niya. Minsan nga po kahit wala po siyang pera ay binibili pa rin niya ang paninda ko. Napakabait talaga niya” kwento ni Adan kay Ditas.
“Palagi mong isasama sa mga dalangin mo si Aling Helen. Nang sa gayon ay lalo siyang pagpalain ng Maykapal,” saad ng ina.
Sa paglaki ni Adan ay hindi niya malimutan ang kabaitang ipinakita ni Aling Helen sa kaniya. Nangako siya sa kaniyang sarili na balang araw ay maibabalik din niya ang kabutihan na ginagawa ng matanda.
Dahil sa pagsusumikap ay nakapagtapos ng pag-aaral itong si Adan. Pinagsabay niya ang pagtatrabaho at ang pag-aaral. Kahit suntok sa buwan at labis siyang nahirapan ay hindi niya isinuko ang kaniyang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral at maiahon ang kaniyang ina sa kahirapan.
Nakaalis na rin sila sa kanilang tinitirahan. Simula noon ay umasenso na sa buhay ang mag-ina.
Isang araw ay nabalitaan na lamang ni Adan na nanghihina raw si Aling Helen at mayroong karamdaman. Agad siyang bumalik sa kinagisnang lugar. Laking gulat ng mga taga rito ang kinahinatnan ng mag-ina ngayong isang magaling at mayamang negosyante na talaga si Adan.
Nagpunta ang binata sa tahanan ni Aling Helen upang magbigay ng tulong dito.
Habang iniaabot ni Adan ang kaniyang tulong para sa matanda ay pilit na inaalala ni Aling Helen ang itsura nito. Laking gulat niya nang malamang ito na ang batang si Adan.
“Maraming salamat sa napakalaking halagang ito, Adan. Sobra-sobra naman ito,” walang humpay sa pagpapasalamat ang matanda.
“Kulang pa po iyan sa lahat ng tulong ninyo sa akin, Aling Helen,” tugon naman ni Adan.
“Ngunit wala pa ata sa isang libo ang naitulong ko sa iyo, Adan. Napakalaking halaga ng ibinabalik mo sa akin,” wika pa ng ni Aling Helen.
“Kahit kailan po ay hindi ko matutumbasan ang kabutihan na ginawa niyo sa akin at sa aking ina. Kahit po walang-wala na kayo noon ay binibili niyo pa rin ang mga paninda ko. Hinding-hindi ko po iyon nakakalimutan. Kayo po ang naging inspirasyon ko sa pagtulong sa iba,” wika pa ni Adan.
Labis na galak ang naramdaman ni Aling Helen. Maging si Adan at ang inang si Ditas ay labis din ang tuwa sapagkat sa pagkakataong ito ay maibabalik na nila sa matanda ang kabutihan nito.
Dahil sa bigay ni Adan ay napagamot ang karamdaman ni Aling Helen. Patuloy naman ang pag-aabot ng tulong ni Adan sa matanda habang ito ay nabubuhay.