“Sino ba sa dalawang Delilah ang pipiliin mo pare? Bago pa nila malaman ang totoo…”
Napainom na lamang si Mang Antonio sa kaniyang nilalagok na alak. Happy-happy sila ng kaniyang mga tropa. Kaarawan kasi ng isa sa kanilang mga kumpare, at nagpa-house party ito.
“Sa totoo lang wala pa akong mapili sa kanilang dalawa. Pareho kong mahal ang dalawang Delilah sa buhay ko,” tugon ng biyudong si Mang Antonio.
“Naku pare, ano iyan, kakanta ka pa ng ‘Sana Dalawa ang Puso Ko?’ Kapag nagkabukingan, tiyak na maghahalo ang balat sa tinalupan. Masyado kang chickboy! Daig mo pa ang teenager sa kalandian ah!” banat sa kaniya ng isa sa mga kaibigan, at nagkatawanan sila.
“Kung ako sa iyo pare ang piliin mo yung mas masarap sa kama! O kaya naman yung hindi palahingi!” biro naman ng isa, hagalpakan ulit ang kaniyang mga kaibigan.
Napailing na lamang si Mang Antonio. Hirap na hirap siyang mamili sa kanilang dalawa. Ang dalawang Delilah nang buhay niya, na magkahiwalay niyang nakilala sa hindi inaasahang panahon, pagkatapos mawala ang kaniyang misis dahil sa malubhang karamdaman.
Ang unang Delilah ay si Delilah Santos na nakilala niya sa simbahan. Oo, sa simbahan. Sa paghudyat ng pari ng “Peace be with you,” si Delilah Santos ang unang nabati niya, na bumati rin naman sa kaniya. Hindi na siya nakapagbigay ng pagbati sa iba pa niyang mga katabi dahil napagkita na ang kaniyang mga paningin dito, gayundin naman sa kaniya. Kahit na may edad na si Mang Antonio at hindi kaguwapuhan, malakas pa rin ang karisma niya sa mga babae, matinik pa rin siya dahil dinadaan niya sa karinyo, lalo na sa mga edad 25 hanggang 30.
Matapos ang misa, nilapitan niya ito at tinanong kung may kasama ito. Mag-isa lamang, kaya inaya niyang magkape, bagay na nagpaunlak naman. Doon na nagsimula ang kanilang madalas na pagkikita. Inamin niya rito na isa na siyang biyudo, at halos kaedad nito ang mga anak niya. Pumayag naman ito, wala naman daw sa edad ang pag-ibig. Kung gaano ito mukhang konserbatibo at tila matimtimang birhen, ay napakaliberal naman nito pagdating sa kama. Hindi makapaniwala si Mang Antonio. Nakakailang beses sila, at hindi niya maunawaan kung bakit hindi siya nagsasawa rito. Sa paglabas, para na itong isang babaeng walang muwang sa mundo.
Ang ikalawang Delilah naman ay ibang-iba sa ugali ni Delilah Santos. Siya si Delilah Martinez. Kung gaano naman kakonserbatibo at makalumang manamit si Delilah Santos, halatang moderno at agresibo naman si Delilah Martinez. Nakilala niya naman ito sa isang bar. Subalit ang kakaiba sa babaeng ito, puro patikim lamang ang ibinibigay sa kaniya.
Kapag alam na nitong nag-iinit na siya, bigla itong kumakalas, at nagpapasabik. Hanggang ngayon, hindi pa rin nakakaiskor si Mang Antonio kay Delilah Martinez. Bagay na ipinagtataka naman niya kay Delilah Santos, na kung titingnan mo ay parang walang karanasan sa pakikipagtalik sa lalaki, subalit ito pa ang nag-aaya at mahilig.
Sa dalawang Delilah na ito na may magkaibang katangian, masasabi niyang pareho niyang itinatangi ang dalawa. Wala siyang gustong pakawalan. Pareho kasi silang sweet at mapagmahal, idagdag pa ang kanilang mga alindog na hinahanap ni Mang Antonio sa mga babae.
“Nagpapasalamat na lamang din ako at nangyari ang lahat ng ito na wala na si Esmeralda na asawa ko. Kung hindi magkakaproblema tayo,” nasabi na lamang ni Mang Antonio.
“Antonio, inimbita mo ba ang mga Delilah mo? Hindi ba’t sila iyon?” sabi ng isa sa mga kainuman nila. Napatingin naman si Mang Antonio sa may bandang pintuan, at natigalgal siya. Nariyan ang dalawang Delilah niya! Tuloy-tuloy na dumiretso ang dalawa sa kaniyang kinalalagyan.
“A-Anong ginagawa ninyo rito?” kinakabahang tanong ni Mang Antonio. Paanong nagkakilala ang dalawa?
“Nasorpresa ka ba? Puwes, kami hindi. Matagal na naming hinintay ang pagkakataon na ito na maipahiya ka sa lahat. Hayop ka. Pinagsabay mo pa kaming dalawang Delilah!” isang sampal ang pinakawalan ni Delilah Santos sa kanang pisngi ni Mang Antonio.
“Hindi ka marunong magtago at magloko. Hindi ka magaling. Akala mo ba hindi namin matutuklasan ang kalokohan mo? Diyan ka nagkakamali!” at isa ring sampal ang pinakawalan ni Deliah Martinez sa kaliwang pisngi ni Mang Antonio.
“Mabuti na lang at nagkataong pareho ang pangalan namin. Sa susunod mag-iingat ka. Huwag kang malilito sa mga pinadadalhan mo ng mensahe para hindi ka mabubuko!” turan ni Delilah Santos sabay talikod. Sumama na rin sa kaniya si Delilah Martinez. Bago tuluyang umalis ay nag-apir pa ang dalawa, at nagselfie pa.
Pinagtawanan ng kaniyang mga kaibigan si Mang Antonio. Tiningnan niya ulit ang kaniyang mga mensahe. Tama nga. Nalito na siya sa mga pinadadalhan niya ng mensahe dahil naro-wrong send siya kina Delilah 1 at Delilah 2.
“O pare, hindi mo na kailangang mamili. Sila na mismo ang umalis.”
Napakamot na lamang ng ulo si Mang Antonio. Dala-dalawa ang Delilah niya, subalit ngayon, wala na maski isa. Napagtanto niyang walang lihim na hindi nabubunyag.