Inday TrendingInday Trending
Nadismaya ang Babae sa Regalo ng Kaniyang Kinakasama na Isang Pasong May Nakatanim na Halaman;  Nagulat Siya sa Tunay Na Laman Nito

Nadismaya ang Babae sa Regalo ng Kaniyang Kinakasama na Isang Pasong May Nakatanim na Halaman; Nagulat Siya sa Tunay Na Laman Nito

“Kapag hindi pa rin niya ako inaya ng kasal, iiwanan ko na si Joaquin at sasama na ako kay Yael.”

Iyan ang tiyak na pahayag ni Beverly sa kaniyang kaibigang si Ditas habang sila ay nasa bahay ng huli. Si Joaquin ang matagal nang kinakasama ni Beverly. Si Yael naman ang bagong lihim na kasintahan niya. Alam ni Yael na may kinakasama na siya, subalit ayos lamang dito ang kaniyang sitwasyon. Si Ditas lamang ang nakakaalam sa “gulong” pinasok niya, na alam niyang kapag nalaman ni Joaquin, ay tiyak na magagalit at iiwanan siya nito.

Bagay na wala siyang pakialam. Ang totoo niyan, sawang-sawa na siya sa piling ni Joaquin. Masyadong matipid sa pera. Laging ipon nang ipon, na tila wala namang patutunguhan. Masyado na siyang “deprived” sa mga bagay na gusto niya. At dahil mahigpit nga ito sa pera, pakiramdam niya ay may iba pang lalaking makapagbibigay sa kaniya ng mga materyal na bagay na gusto niya. Nakilala niya si Yael na isang manager ng isang kumpanya. Kabaligtaran ni Joaquin, galante ito at ibinibigay ang mga gamit na gusto niya.

“Sigurado ka na ba diyan, Bevs?”. Tandaan mo, pitong taon na kayong nagsasama ni Joaquin. Hindi naman sa kinakampihan ko si Joaquin, pero siyempre mas nakilala ko na siya. Mabuti siyang tao, Bevs. Baka naman pinag-iipunan lang niya talaga ang kinabukasan ninyo kaya hindi siya masyadong gumagastos para sa inyo,” paliwanag ni Ditas.

“Oo. Gusto ko na si Yael eh. Hindi naman ako materyalistikong tao, pero Ditas naman, sawang-sawa na ako na laging idinadahilan sa akin ni Joaquin na mas mahalaga ang pag-iipon. Oo naroon na tayo, mahalaga naman talaga. Pero hindi ko alam kung ano ba talaga ang pinag-iipunan niya, saka wala siyang binabanggit sa akin kung may balak ba siyang pakasalan ako o hanggang dito na lang kami. Ipinagpapasalamat ko na lamang na wala pa kaming anak, bagay na ginusto rin naman niya,” paliwanag ni Beverly.

“Nag-usap na ba kayo sa bagay na iyan? Alam mo sa isang relasyon Bevs kailangan may bukas na komunikasyon sa isa’t isa. Iparating mo sa kaniya ang mga nararamdaman mo para alam din niya, at sabay ninyong masosolusyunan o magagawan nang paraan,” payo ni Ditas.

“Bukod doon, nababagot na rin ako sa relasyon namin. Pitong taong paulit-ulit lang at parang walang plano. Trabaho siya nang trabaho, alam kong malaki ang suweldo niya, pero wala siyang sinasabi sa akin sa mga balak niya. Masisisi mo ba ako kung maghanap ako ng better, o best para sa sarili ko?”

Napabuntung-hininga na lamang si Ditas. Minsan talaga, hindi pare-pareho ang mga gusto ng tao.

Dumating ang anibersaryo ng pagiging magkasintahan nina Joaquin at Beverly. Nagulat siya sa regalo nito: isang pasong may tanim na halamang ornamental. Sa ibabaw ng lupa ay may nakatusok na parang popsicle stick na hindi niya alam kung para saan. Labis na nainsulto si Beverly.

“Ito lang? Ito lang ang ireregalo mo sa akin?” pang-uuyam ni Beverly kay Joaquin.

“O-Oo.. hindi mo ba… nagustuhan ang sopresa ko…”

“Anong gagawin ko rito? Hindi naman ako plantita! Hindi ako mahilig sa halaman. Ayoko na, Joaquin. Ayoko na sa ganito na para bang wala naman akong halaga sa iyo. Maghiwalay na tayo! Gusto kong sabihin sa iyo na mayroon na akong ibang mahal, at siya, maibibigay niya ang mga gusto ko, hindi kagaya mong saksakan ng kuripot!”

Nabigla si Joaquin sa mga rebelasyon ni Beverly. Nakaimpake na pala ito, at talagang pinaghandaan ang mga mangyayaring gaya nito. Wala na siyang nagawa nang tuluy-tuloy na umalis si Ditas. Sumama na ito kay Yael sa ibang bansa.

Lumipas ang dalawang taon. Kagaya ng gusto ni Beverly, ibinibigay nga ni Yael ang lahat ng mga layaw at luho niya. Subalit isang katotohanan ang sumambulat sa kaniyang harapan. Hindi rin siya mapakakasalan ni Yael dahil pamilyado na pala ito. Sinugod pa siya ng misis nito at ipinahiya sa maraming tao, nang mahuli silang kumakain sa isang restaurant.

Agad na bumalik sa Pilipinas si Beverly at sising-sisi siya sa kaniyang mga ginawa. Isang tao lamang ang alam niyang maaaring balikan, si Joaquin. Gayon na lamang ang pagkagulat ni Joaquin nang makita siya.

“Maaari ba akong bumalik sa buhay mo? Matatanggap mo pa ba ako?, umiiyak na tanong ni Beverly.

Hindi sumagot si Joaquin. Kinuha nito ang isang paso, na lanta na ang nakatanim. Ito ang halamang ibinibigay nito sa kaniya noong anibersaryo nila. Hindi naalagaan ang halaman. Naluoy na ito.

“Kung nakapaghintay ka lamang sana ay engaged na tayo ngayon. Sana nakalipat na tayo sa mas malaking bahay at hindi na tayo nangungupahan dito. Kalkalin mo ang lupa sa paso,” utos ni Joaquin.

Sinunod naman ito ni Beverly. Gamit ang popsicle stick na nakatusok sa lupa, hinalukay nga niya ang lupang tuyot na tuyot at nagkulang sa dilig at pag-aalaga. Nanlaki ang kaniyang mga mata sa nakita. Isang mamahaling singsing at isang susi ng bahay ang naroon.

“Noong araw na iyon, hihingin ko na sana ang iyong kamay dahil handa na akong pakasalan ka. Ang susi na iyan ay para sa malaking bahay na ilang taon ko ring pinag-ipunan upang mabili ng cash. Diyan sana tayo maninirahan. Diyan sana tayo bubuo ng mga pangarap nang sabay. Pero hindi ka na nakapaghintay,” malungkot na turan ni Joaquin.

“Patawarin mo ako, Joaquin. Kasalanan ko ang lahat. Naging materyalistiko akong karelasyon. Hindi ko nakita ang mga pagpupunyagi mong makaipon para sa ating dalawa sa hinaharap. Nagpokus lamang ako sa ngayon, sa kasakulukuyan. Sana ako na lang ulit? Mahalin mo ako ulit?”, malungkot na pakiusap ni Beverly.

Malungkot na umiling si Joaquin.

“Noon, nangarap ako para sa ating dalawa. Pero noong iniwan mo ako, napagtanto kong mas dapat ko munang planuhin ang kinabukasan ko… na ako lamang mag-isa. Masaya ako. Nagawa mo akong iwan noon, paano ako makasisigurong hindi mo na uulitin? Pasensiya ka na Beverly. Sana, hindi ka bumalik dito dahil wala ka nang mapuntahang iba. Sa ngayon, nakikita ko ang kinabukasan kong ako lamang mag-isa.”

Sising-sisi si Beverly sa mga nangyari. Sinayang niya ang pagmamahal sa kaniya ni Joaquin na kayang-kayang ibigay ang pagmamahal at pag-aarugang ninanais niya dahil sa kaniyang mga pansariling interes. Tinanggap niya ang lahat, masakit man. Hangad niya ang kaligayahan ni Joaquin sa ngayon, at kung may makikilala itong babaeng karapat-dapat sa kaniya, tatanggapin niya ito nang maluwag. Sadyang malalaman mo lamang ang halaga at importansiya ng isang tao kapag wala na ito sa piling mo.

Advertisement