Inday TrendingInday Trending
Pinuntahan at Isinauli ng Lalaki ang Napulot na Maleta sa May-ari Nito Gamit ang Kaniyang Skateboard; Namangha Siya sa Pabuya Nito

Pinuntahan at Isinauli ng Lalaki ang Napulot na Maleta sa May-ari Nito Gamit ang Kaniyang Skateboard; Namangha Siya sa Pabuya Nito

“Pera ‘tol… ang laking pera!”

Hindi makapaniwala si Timothy sa napulot nilang attache case na naglalaman ng mahahalagang dokumento ng lupa, ID, at 50,000 piso habang sila ay papauwi ng kaniyang kaibigang si Fred, matapos nilang mag-skateboard sa paborito nilang bakanteng lote.

Nanlaki ang mga mata ni Timothy sa malaking halaga ng pera na nasa loob nito. Tamang-tama ang halagang iyon upang maipandagdag sa puhunan ng kaniyang inang nagbabalak na magtayo ng maliit na kainan sa palengke.

“Anong gagawin natin dito, Timothy? Paghatian natin ang pera. Tig-25,000 piso tayo para masaya, tutal tayong dalawa naman ang nakapulot nito,” sabi ni Fred.

“Teka muna… narito ang ID niya. Nakasulat dito ang tirahan niya. Hindi ba mas maigi kung isasauli natin ito? Baka kailangang-kailangan ng may-ari yung pera, lalo na ang mga dokumento,” sansala ni Timothy sa kaniyang kaibigan.

“Eh madali lang naman iyan eh. Ganito ang sabihin natin, nakita natin ang mga dokumento at IDs niya tapos wala nang lamang pera. Iba ang kumuha. Lusot tayo! Hindi naman nila siguro maiisip na nasa atin din ang pera, kasi naisauli nga natin ang mga dokumento niya eh,” mungkahi ni Fred.

Maganda ang naisip ni Fred, sa isip-sip naman ni Timothy. Kamuntik na siyang mapa-sang-ayon, subalit tila narinig niya ang tinig ng kaniyang inang si Aling Mercedes, na paulit-ulit na nagpapaalala sa kaniya.

“Hindi baleng mahirap tayo basta maging tapat lamang tayo sa lahat ng panahon at pagkakataon.”

“Teka muna, Fred. Hindi kaya ng konsensya ko iyang sinasabi mo. Hindi iyan ang turo sa akin ng Nanay. Dapat nating isauli nang buo kung anuman ang napulot natin, dahil hindi naman sa atin ito. Hindi ako makakatulog sa gabi na alam kong may ginawa akong pagkakasala,” saad ni Timothy sa kaniyang kaibigan.

“Hay naku, bahala ka na nga! Iyan ka na naman sa pagkamabuti mo. So anong ibig mong sabihin, hindi ako tapat na tao?” medyo naiinis na sabi ni Fred.

“Hindi naman sa ganoon, Fred. Pero siyempre ilagay natin sa sarili nating sitwasyon. Kapag tayo rin ang nagawan nang ganoon, hindi ba masakit din? Kaya isauli natin ito,” amuki ni Timothy sa kaniyang kaibigan.

“Bahala ka na nga. Magpakabanal ka. Balitaan mo na lang ako kapag santo ka na,” badtrip na sabi ni Fred at umalis na ito sakay ng skateboard. Iniwang mag-isa si Timothy.

Napailing na lamang si Timothy. Magkaiba talaga sila ng prinsipyo ni Fred kahit matagal na silang matalik na magkaibigan. Kinuha ni Timothy ang ID. Binasa niya ang tirahan ng may-ari ng attache case. Kung pupunta siya sa subdivision ng mga ito ngayon, maisasauli niya kaagad.

Isang desisyon ang ginawa niya. Sakay ang kaniyang skateboard, nagtungo siya sa tirahan ng may-ari ng attache case upang isauli ito. Mga isang oras bago siya nakarating sa tapat ng bahay ng mga ito. Tamang-tama naman na nakita niyang papasok sa kotse ang lalaking nasa larawan ng ID. Tila balisa ito.

“Magandang gabi ho, sir. Kayo ho ba si Arturo Mandapat?” tanong ni Timothy sa lalaki.

“Oo, ako nga. Anong maipaglilingkod ko sa iyo?” balik na tanong nito.

Ipinakita ni Timothy ang attach case, gayundin ang ID.

“Sir, habang pauwi po kasi kami ng kaibigan ko, napansin namin ang attache case na ito. Nasa lapag po kaya kinuha namin. May mahahalagang bagay po sa loob, kasama ang 50,000 piso. Mabuti na lamang po at may ID sa loob kaya natunton ko po kayo rito,” saad ni Timothy sabay abot kay Arturo ng attache case.

Ganoon na lamang ang pagliliwanag sa mukha ni Arturo. Binuksan niya ang laman ng attache case, at binilang ang perang nasa loob nito.

“Kompleto po iyan, sir. Walang labis at walang kulang,” saad ni Timothy.

“Maraming salamat, iho. Napakabuti mo! Bibihira na ang mga taong kagaya mo. Madali na lamang para sa iyo na itakbo ang pera ko, pero minabuti mong isauli sa akin. Ang totoo niyan, wala na akong pakialam sa pera, ang talagang habol ko sana ay maibalik ang mahahalagang mga papeles at dokumento na nasa loob ng aking attache case. Aksidente kasing nabuksan pala ang pinto ng aking sasakyan, at nahulog ito. Maraming salamat, iho,” masayang-masayang pasasalamat ni Arturo.

Isinalaysay ni Timothy na tanging skateboard lamang ang ginamit niya upang makarating sa tirahan ni Timothy, kaya nagmagandang-loob itong ihatid na siya pauwi gamit ang kaniyang sasakyan. Bago umuwi, may bilin si Arturo kay Timothy.

“Magkita tayo bukas ha? Susunduin kita.”

Kinabukasan, sinundo nga ni Arturo si Timothy. Nagtungo sila sa isang car shop.

“Ano pong ginagawa natin dito?” tanong ni Timothy.

“Kailangang gantimpalaan ang mga kagaya mo, iho. Kaya mamili ka ng gusto mong kotse. Iyan na ang pabuya ko sa iyo.”

Hindi makapaniwala si Timothy sa suwerteng dumapo sa kaniya, dahil sa kaniyang katapatan.

Bukod sa kotse, binigyan din siya ng 50,000 piso. Hinatian na lamang ni Timothy ang kaniyang kaibigang si Fred, tutal ay dalawa naman silang nakapulot nito. Pera lang iyan, naisip ni Timothy.

Tunay ngang nakatatangap ng mga nakagugulat na gantimpala ang mga taong may mabubuting kalooban at naghahatid ng pagpapala sa kapwa!

Advertisement