Mag-Isang Idinaos ng Ginang ang Sariling Kaarawan Dahil Nagpositibo ang Buo Niyang Pamilya; May Puwang pa Kayang Maging Masaya sa Ganoong Sitwasyon?
Tiningnan ni Serena ang bawat cake na naka-display at tahimik na namili kung alin ang nais niyang bilhin para sa kaniyang kaarawan. Simpleng regalo para sa sarili ngayong kaarawan niya, kahit na ang hirap maging masaya dahil sa sunod-sunod na problema na kinakaharap ng buo niyang pamilya.
Nasa quarantine site kasi ang dalawa niyang anak, pati na ang kaniyang asawa. Tanging siya lang ang hindi nag-positibo sa kumakalat na sakit, ngunit ang kaniyang dalawang anak na sina Lora at Lorie, pati na ang asawang si Danny, ay tinamaan sa nakakahawang virus na kumakalat ngayon. Kung paano nangyaring hindi siya nakasali sa nahawaan ay hindi niya rin alam.
“Ma’am, ano po ang ilalagay namin sa ibabaw ng cake?” tanong ng tindera.
Ngumiti si Serena. “Birthday ko kasi miss, at alam kong masyadong pambata ang gusto ko. Pero pwede bang ilagay mo d’yan ay ‘Happy Birthday, Serena?'” aniya.
Matamis na ngumiti ang dalaga at maya maya ay tumango. Agad na nga nitong ginawa ang ipinakiusap niya. Habang nilalagyan ng disenyo ang cake niya’y nais niyang humagulhol ng iyak. Hindi niya kailanman naisip na pwede pala siyang maging sobrang emosyonal sa simpleng disenyo lamang ng cake.
Ngayon ang ikalimapung kaarawan niya, kung normal na araw lamang ay dapat enggrande ang selebrasyon dahil umabot siya ng singkwenta, kalahati sa isang daan. Pero dahil sa nangyayari sa mundo at sa buo niyang pamilya, ang hirap magsaya kung walang dapat ikasaya sa sitwasyon nila ngayon.
Sa totoo nga lang ay hindi niya ramdam ang magdaos ng kaarawan, dahil mas gusto na lamang niyang umiyak at magmukmok sa sulok. Ngunit naisip niyang hindi pa tapos ang mundo, humihinga pa siya at dapat na magpasalamat dahil wala siyang sakit.
“Happy 50th birthday ma’am, more birthdays to come po,” anang tindera. Matamis itong ngumiti at magiliw na iniabot sa kaniya ang binili niyang cake.
Muli ay nais na naman niyang umiyak sa simpleng pagbati nito. Kakaibang saya ang naihahatid sa puso niya sa simpleng pagbati, na para bang sinasabi ng mga bumabati sa kaniya na ngumiti siya, dahil may bukas pang naghihintay para sa kaniya.
“Salamat miss,” aniya, maluha-luha niyang wika.
Tumalikod na siya at lumabas sa tindahan upang sumakay sa dyep na maghahatid sa kaniya doon sa kung nasaan ang kaniyang pamilya. Dahil hindi naman siya maaaring pumasok sa quarantine facilities, nagpasya ni Serena na magdala ng sariling banig at doon ilalatag sa labas kung saan matatanaw siya ng kaniyang pamilya ang cake at iba pa niyang handa sa kaniyang kaarawan.
Kanina, sa bahay nila ay nagluto siya ng adobong baboy at bumili siya ng dalawang buong letchon manok, at cake. Iyon lamang ang handa niyang pagkain sa kaarawan. Sa panahon ngayon, hindi na mahalaga kung gaano ka-bongga ang handa mo, dahil ang mahalaga ngayon ay kung paano mo pasasayahin ang sarili mo sa iyong kaarawan.
Matapos niyang ipadala ang mensahe sa kaniyang dalawang anak at asawa na dumungaw ito sa may binatana, ay agad niyang inilatag ang dalang banig at ang dalawang putaheng ulam at ang cake, lihim siyang napangiti sa ginawa. Simpleng handaan pero hindi madaling kalimutan.
Gamit ang kaniyang selpon ay nakakausap niya ang tatlo, kahit na malayo sila sa isa’t-isa. Hindi niya lubos akalain na magagawa niya ang ganitong pakulo. Hindi niya lubos akalain na ang ika-singkwenta anyos niyang kaarawan ay sa kalsada niya maidaraos nang mag-isa at parang timang na selpon lamang ang kausap.
“Ito na! Naihanda ko na lahat,” maluha-luha niyang kausap sa selpon.
“Happy birthday mama,” mangiyak-ngiyak na bati ng kaniyang bunsong anak.
“Hindi ito ang birthday celebration na pina-plano natin noon, Serena,” anang kaniyang asawa. Bahagyang pinunasan ang luhang dumungaw sa mga mata. “Golden year mo ito e. Pasensya na ah, hindi namin ginustong magsabay-sabay na pumasok rito at iwanan kang mag-isa,” dugtong nito.
“Ano pa bang magagawa ko? Hayaan niyo na, ang mahalaga, tuloy ang kaarawan ko, kahit nand’yan kayo at nandito ako,” aniya saka kinawayan ang mga ito.
Hindi napigilan ng dalawa niyang anak ang hindi maiyak sa sitwasyon nila.
“Kapag naging okay na kami, ‘ma, ituloy natin ang selebrasyon ng 50th birthday mo,” humihibing wika ng panganay niyang anak na si Lora.
Ngumiti si Serena at mangiyak-ngiyak na ngumiti. “Wala akong ibang hinihiling ngayong kaaarawan ko, kung ‘di sana’y gumaling na kayong lahat na nand’yan, lalong-lalo na kayong tatlo. Magpakalakas kayo at lumaban, tandaan niyo… nandito ako, hinihintay ang paglabas niyo,” aniya.
Hindi na napigilan ang pag-iyak. Kahit wala nang materyal na bagay, basta gumaling lamang ang pamilya niya sa sakit ay sapat na sapat na upang mas maging masaya siya.
Nagsimula nang kumanta ang kaniyang dalawang anak at asawa ng happy birthday para sa kaniya nang mapansin ang ilang pasyente ring nakidungaw at nakisabay na rin sa pagkanta ng happy birthday para sa kaniya.
Kahit mag-isa siyang nasa labas ng quarantine facility, masaya pa rin siya kahit papaano dahil alam niyang nand’yan pa rin ang pamilya niya at may pag-asa pa ang mga itong makalabas at gumaling sa sakit. Masaya rin siyang makita ang iba pang nandoon sa loob na masayang nakikisali sa selebrasyon nilang pamilya.