Inday TrendingInday Trending
Makalipas ang Dalawang Taon ay Nagulantang Siya sa Labis na Pagbabago ng Lalaking Anak; Matanggap Niya Kaya ang Bago Nitong Katauhan?

Makalipas ang Dalawang Taon ay Nagulantang Siya sa Labis na Pagbabago ng Lalaking Anak; Matanggap Niya Kaya ang Bago Nitong Katauhan?

Nasasabik na umuwi si Alfonso sa bahay nila dahil dalawang taon na rin ang nakakalipas mula noong huli niyang makita at mayakap ang naiwang pamilya. Isa siyang sundalo at nagkataong nadestino siya sa ibang bansa ng dalawang taon, kaya nahirapan siyang umuwi sa ‘Pinas kung nasaan ang kaniyang buong pamilya. Kaya naman ngayong pinayagan na siyang makabalik sa lupang sinilangan, dala ng pananabik ay nais na niyang makauwi agad at hindi na nagawang sabihin pa sa asawa ang kaniyang pag-uwi.

Labis ang gulat ni Ester, ang kaniyang asawa, nang makita siya. Mangiyak-ngiyak na niyakap siya nito, pati na ng kaniyang panganay na anak na si Danna, nagkataong wala itong pasok sa trabaho nang araw na iyon kaya naroon lamang ito sa bahay.

“Namiss ka namin, papa,” maluha-luhang sambit ni Danna.

“Mas namiss ko kayo, anak,” aniya.

Dalawang taon lang ang lumipas pero ang laki na nang ipinagbago ng panganay niyang anak. Neneng-nene pa ito noong huli niyang makita, ngayon ay dalagang-dalaga na. Marami siyang nakaligtaang impormasyon sa paglaki nito, kahit na hindi naman naputol ang komunikasyon nilang pamilya. Kahit kasi nasa ibang bansa siya’y kapag may bakante siyang oras ay tinatawagan niya ang mga ito at paminsan-minsan ay nakikipag-video call, kaso madalang nga lang dahil na rin sa pahirapang signal sa field.

“Nasaan ang bunso mong mga kapatid?” tanong niya sa panganay na anak.

“Si Karen at si Junior po ay nasa school pa,” sagot naman nito.

Matapos nilang kumain tatlo ay pumahik si Alfonso sa itaas upang tingnan ang kaniya-kaniyang kwarto ng mga anak. Matagal-tagal rin talaga ang dalawang taon, dahil ang huli niyang natatandaan ay hindi pa gaya ng nakikita niyang disenyo ang mga kawarto ng anak dati.

Noon ay nasa iisang kwarto lamang ang tatlo niyang anak at ang natitirang dalawang bakante ay para sa mga bisita. Pero ngayon ay pare-pareho nang okupado ng tatlo ang bawat kwarto. Itong kinaroroonan niya ngayon ang siyang kwarto ng kaniyang panganay na anak. Kulay peach na sinamahan ng rebeteng lila ang bawat gilid ng kwarto ni Danna, sa klase pa lang ng kulay, alam mong babae ang may-ari ng kwartong ito.

Nakangiting isinara lumabas si Alfonso sa kwarto ni Danna, matapos usisain ang mga gamit nito. May anak na nga talaga siyang dalaga. At sa totoo lang, bilang ama ay ang hirap tanggapin na ilang taon na lang ay baka makahanap na ng mapapangasawa ang kaniyang prinsesa.

Sunod naman niyang inusisa ang kwarto ni Karen, simple lamang ang kwarto nito. Kulay puti ang bawat sulok ng dingding, at kulay light blue naman ang kulay ng bawat gamit nito, gaya ng bed sheet at kurtina sa may bintana. Noon pa man ay hindi na kikay ang pangalawang anak, ‘di gaya ng panganay.

Ang sumunod niyang tiningnan ay ang sa bunso niyang anak at nag-iisang lalaki. Malamang dahil lalaki ito’y ang makikita niyang kulay sa kwarto nito’y dark at pang-maskuladong kulay, ganoon naman talaga ang gusto ng mga lalaki, medyo emo ‘ika nga.

Ngunit ang ngiting nakapaskil sa labi niya kani-kanina lang ay agad na nabura nang sa pagbukas niya ng kwarto ni Junior ay bumungad sa kaniya ang makintab na kulay pink.

Inisip niyang baka nagkamali siya ng pinasok na kwarto. Ang kwartong ito talaga ang kay Karen at iyong kanina’y iyon ang sa bunso niyang anak. Ngunit hindi siya pwedeng magkamali dahil nasa ding-ding ang mga litrato ni Junior, na nakasuot pambabae.

“B-b@kla ang nag-iisa kong anak na lalaki?” nauutal at hindi makapaniwalang sambit ni Alfonso.

Hindi niya kayang tanggapin ang katotohanang hindi tunay na lalaki ang nag-iisa niyang anak na lalaki. Kailangan niyang klaruhin ang lahat ng ito. Kung pwede pang ituwid ang pagiging baluktot nito’y kanyang itutuwid.

“Sorry po ‘pa,” ani Junior sa seryosong ama.

Hindi niya alam na uuwi pala ang papa niya sa araw na iyon. Ang seksi pa naman ng suot niyang damit. Kaso agad na umatras ang buntot niya nang makita ang ama sa may pintuan pa lang ng bahay nila.

Sa tuwing nagkakausap sila sa video call, naitatago ni Junior ang kaniyang pagiging malambot, ayon kasi sa mama niya’y ayaw ng papa niya sa b@kla at baka hindi nito matanggap ang pagiging malambot niya. Ngayong nasa harapan na niya ang ama’y ngayon niya kayang sabihin na totoo ang sinasabi noon ng kaniyang ina.

“Hindi ko po ‘to ginusto pa,” mangiyak-ngiyak niyang wika. “Hindi naman isang sakit ang pagiging b@kla para makahawa, kaya hindi ko po alam kung bakit ako nagkaganito. Pero dito po ako masaya pa, mas kumportable po ako sa ganito kaysa pilitin ko ang sarili kong magpakalalaki.” Umiiyak nang paliwanag ni Junior.

Agad naman siyang dinaluhan ng dalawang kapatid na babae at ng kaniyang ina na simula’t sapol pa lang ay tanggap na ang buo niyang pagkatao. Ang iniisip lang talaga nila ay ang magiging reaksyon ng kanilang papa. Hindi naman nila ito masisisi. Sundalo ito at naniniwala itong… kapag lalaki, dapat matikas! Pero hindi siya ganoon.

Tumayo si Alfonso upang yakapin ang umiiyak na anak.

“Hindi kasalanan ang maging b@kla, Junior, kaya wala kang dapat ihingi sa’kin ng tawad. Nagulat ako, oo, umalis akong ang alam ay lalaki ka, pero bumalik ako ngayon at bigla’y babae ka na. Nasasaktan ako, kasi ang nag-iisang anak kong lalaki’y hindi totoong lalaki, pero hindi pa rin iyon sapat na dahilan upang ihingi mo ng tawad ang pagiging kakaiba mo, anak,” ani Alfonso.

“Tanggap kita, at tatanggapin kita, kahit anuman ang kasarian mo, dahil anak kita. Hindi magbabago ang katotohanang iyon, Junior. Kaya tahan na,” aniya habang inaalo ang humahagulhol na anak.

“Salamat, papa,” ani Junior.

Magalit man si Alfonso sa lalambot-lambot niyang anak ay balewala pa rin ang lahat. Tama si Junior, hindi sakit ang pagiging binabae at hindi iyon nakakahawa. Kahit pilitin niya pang ituwid ito’y masasaktan lamang niya ang damdamin nito, kaya mas maiging tanggapin na lamang ito at mahalin.

Baliktarin man niya ang mundo ay hindi mawawala ang katotohanang anak niya ito, at dapat lamang na mahalin niya si Junior, kahit sino o anuman ang katauhan nito.

Advertisement