Iwas na Iwas sa Tao ang Kapitbahay Nilang Ito; Iyon Pala’y May Bantay Itong Hindi Nakikita ng Ibang Tao
“Huwag na, huwag mo na akong tulungan, please,” mabilis na tanggi ni Trina na kapitbahay ng lalaki habang nagmamadali ito sa pagpulot ng mga natapong kalamansi sa tabing kalsada.
“Pasensya na, gusto ko lang naman tumulong,” sagot agad ni Gino at inabot ang mga kalamansing nakuha niya sa babae.
Hindi naman ito sumagot at nakayuko lamang saka mabilis na pumasok sa bahay nito.
“Nay, may sakit ba ‘yung kapitbahay nating si Trina? Hindi ba tatlong buwan na rin ‘yun dito sa lugar natin? Bakit parang takot na takot sa tao?” tanong naman kaagad ng binata sa kaniyang ina habang abala ito sa pagse-selpon.
“Hay, naku, Gino, tantanan mo ‘yang babaeng ‘yan. Ang chika galing sa mga amiga ko ay kerida raw ‘yan ng matandang mayaman at itinira lamang dito sa subdivision natin para itago sa misis niya. Kaya rin daw hindi ‘yan naglalabas kasi kilalang tao raw ang lalaki niyan!” siwalat agad ni Aling Serya, ang nanay ng binata.
“Ha? E bakit parang ka-edad ko lang naman yata ‘yun si Trina o ‘di naman kaya matanda lang ng ilang taon sa akin para maging kabit,” banat naman muli ng lalaki.
“Hay naku, Gino, ang mga kabataan ngayon lalo na ‘yung mga dalagang puro lang ganda ang mayroon ay pinampupuhunan na ang mga katawan para lang mabuhay! Hindi na bago ‘yang ganyang eksena ni Trina kaya huwag ka masyadong mag-alala para sa babaeng ‘yun. Isa pa, huwag na huwag kong mababalitaan na nakikipagharutan ka sa babaeng iyon! Gino, pumili ka naman ng babaeng pwede mong maipagmalaki!” baling muli ng kaniyang ina sabay kusot ng kaniyang mata.
Hindi naman nagsalita pa ang binata at dumiretso na lang sa kwarto niya. Doon, natatanaw niya nang palihim ang kapitbahay nilang si Trina sa salas nito at sa tatlong buwan niyang pagmamasid, kailanman ay hindi niya ito nakitaan ng bisita.
Palagi lang itong umiinom ng wine habang nagbabasa at kung minsan ay nakakatulog na lamang ang babae sa ganoong posisyon.
“Sh!t!” nanginginig niyang sabi sa sarili nang biglang tumanaw ang babae sa mismong direksyon kung saan niya pinagmamasdaan ito.
Kahit malakas ang kabog ng dibdib ay sinilip niyang muli si Trina at nakatingin pa rin ito. Mabilis siyang kumaway noong ginantihan siya ng ngiti ng babae.
Ilang araw pa ang lumipas at aminado si Gino na lumaki ang interes niya sa kapitbahay nilang si Trina hanggang sa nagkaroon siya ng lakas na kausapin muli ang babae nang makita niyang pauwi na ito.
“Hello, pasensya ka na nga pala nung nakaraang araw ha. Baka kasi iniisip mo ano e, pero hindi ha,” bungad ni Gino sa babae.
“Wala ‘yun,” mahinang sagot nito sa kaniya at binilisan pa ang paglalakad na tila ba takot na takot ito kay Gino.
“Trina, wala naman akong masamang intensyon sa’yo. Huwag ka sanang matakot sa akin,” habol na pahayag muli ni Gino at hinayaan na ang babae sa mabilis na paglalakad nito.
Ilang buwan pa ang lumipas ay hindi pa rin nagbabago ang babae sa mailap na pakikitungo nito sa mga tao. Hanggang sa isang tanghali, nawalan ng kuryente ang buong subdibisyon nila kaya naman halos lahat ng tao ay nasa labas dahil sa sobrang init ng panahon.
“Buti na lang tanghali nawalan ng kuryente kahit papano pawis lang ang kalaban,” birong bati pa rin ni Gino sa kapitbahay nilang si Trina na noon ay nakasalampak lamang sa damuhan sa labas ng bahay nito.
“Hindi mo talaga ako sinusukuan, ano? ‘Wag mo na akong pormahan, may pamilya na ako,” natatawang sagot ni Trina sa kanya at sa unang pagkakataon ay ngayon niya lamang nakitang hindi ito balisa.
“Hala, hindi po, pasensya na kayo. Ayaw kong isipin niyo na ‘yun po ang intensyon ko sa inyo pero hindi po talaga.Nalulungkutan lang po talaga ako sa itsura niyo kasi palagi ka lang mag-isa riyan sa bahay na ‘yan. Alam ko na rin naman ang sitwasyon niyo kaya huwag niyo po sanang masamain ang pakikipag-usap ko,” biglang galang na sagot ni Gino sa babae.
Bahagya itong natawa at napailing, “Bakit ano bang sitwasyon ko ang alam niyo?” natatawang tanong ng babae sa kanya.
“Ah, wala po,” mabilis na iling ng binata.
“Pero kung ano man ang alam nila sa akin, bahala na sila. Alam mo ba kung bakit ako nandito? Kasi kailangan kong patunayan sa fiance ko na karapatdapat ako sa kaniya,” malungkot na bahagi ni Trina sa kaniya.
“Nahuli kasi niya akong may iba, kasalanan ko rin naman siguro kasi nagloko ako. Kaya ito ang parusa ko, pinatira niya ako rito sa bahay na ‘to kung saan puro CCTV ang kasama ko. Pagsubok daw ito kung kaya kong makatiis na hindi manlalaki,” halakhak muli ng babae sa kaniya.
“Ha? Teka. Ilang buwan ka na rito ha, para ano? Para subukan ka niya? Bakit? Ilang beses mo na ba siyang niloko?” bulalas ni Gino sa babae at hindi niya napigilan ang sarili.
“Isang beses lang, isang beses na halos isang taon ko na ngayong pinagdudusahan. Kaya hindi ako nakikipag-usap sa kahit na sino o nakikihalubilo kasi sobrang seloso niya,” bakas ang lungkot sa boses nito kahit malaki ang ngiti sa kaniyang mukha.
“Hindi ko alam kung anong relasyon ang mayroon kayo ng fiance mo at ayaw kong manghimasok pero para sa akin, ang tunay na pag-ibig ay marunong magpatawad at makalimot. Sana makita mo ang nakikita ko, wala akong intensyon na panghimasukan ka, pero maikli lang ang buhay at matagal ka na masyado rito kung hindi mo pa rin napapatunayan ang sarili mo sa kaniya,” ngiti ni Gino sa babae at siya na ang naunang nagpaalam dito.
Hindi nagtagal ay mabilis din kumalat ang balita tungkol sa babae mula nang mai-kwento ni Gino ito sa kaniyang ina ngunit makalipas lamang ang ilang araw ay nawala rin si Trina sa kanilang lugar.
Tanging dasal na lang ng binata na nagising nawa sa katotohanan ang babae. Dahil para kay Gino, kung hindi natin matatanggap ang isang tao nang dahil sa pagkakamali nito, mas mabuti na lang na pakawalan natin sila at matutunan nating magpatawad sa ating sarili. Dahil kahit anong pagbabago ng isang tao, kung mananatili ang galit, ang poot at ang pagkakamali sa ating sarili ay hindi pa rin pag-ibig ang dadaloy sa isang relasyon, kung ‘di ang paulit-ulit na paghihinala at pagbuklat ng nakaraan.
Ikaw, katulad ka rin ba ni Gino? O mas naniniwala kang dapat magdusa ang isang taong nagloko?