Naisip ng Binata na Sandaling Takasan ang Kaniyang mga Problema sa Pagsama sa ‘Hangout’ ng Kaklase Niya; Makatulong Kaya Ito sa Kaniya?
“Pag-uwi ko, ganoon pa rin, walang pagbabago,” malungkot na wika ni Carlo na napabuntung-hininga pa habang nakasakay sa dyip.
Sawang-sawa na kasi ang binata sa hirap ng kanilang buhay. Namayapa na ang tatay niya na inatake sa puso habang naghahalo ng semento sa pinagtatrabahuhang construction site noon. Ang nanay naman niya ay mag-isang itinataguyod silang tatlong magkakapatid sa pamamagitan ng paglalako ng gulay at prutas pero ilang araw na hindi nakapagtrabaho dahil nagkaroon ito ng trangkaso at kasalukuyang nagpapagaling sa maliit nilang barung-barong.
Nais niyang tulungan ang ina subalit tumatanggi ito, ang pag-aaral na lamang daw ang atupagin niya. Magpapahinga raw muna ito ng isa pang araw pagkatapos ay babalik na ulit sa paglalako.
Pagbaba niya ng dyip ay naglakad siya patungo sa kanila. Nang umalis siya kanina para pumasok sa eskwela ay isang mabaho at makipot na eskinita ang dinaanan niya pero sa kanyang pag-uwi ay wala pa rin pinagbago, mabaho pa rin sa daraanan niya at amoy pusali pa rin.
“Pagod na pagod na ako sa ganitong buhay,” bulong pa niya sa isip habang papasok sa loob ng bahay nila. Mas lalo siyang pinanghinaan ng loob nang marining na umubo ang ina.
“O, ba’t di pa kayo natutulog, inay? Inuubo na naman kayo, uminom na ba kayo ng gamot?” tanong niya.
“Oo, anak, kanina pa. Hinihintay kasi kita, eh. Bakit ngayon ka lang? Kumain ka na ba? May sardinas diyan at nagsaing na rin ang kapatid mo,” wika sa kanya ng ina na nakahiga sa papag.
“Sige po, inay, magpapalit muna ako ng damit. May ginawa po kaming projects sa eskwela kaya ako ginabi. Magpahinga na po kayo at ako na bahala sa sarili ko,” matamlay niyang sagot.
Nang makatulog ang ina ay nag-isip na naman siya.
“Wala na nga yatang pag-asa, sobra-sobra na ang hirap na dinaranas namin. Mababaon na yata kaming talaga dito sa iskwater,” sambit niya sa sarili habang pinagmamasdan ang natutulog na ina at mga kapatid.
Kahit ayaw ng nanay niya ay nagdesisyon siyang maghanap ng trabaho at isinabay iyon sa pag-aaral niya. Pagkagaling sa eskwela ay nagtatrabaho siyang staff sa isang burger stand kaya madaling araw na siya nakakauwi sa kanila, pero may mga pagkakataon pa rin na pinanghihinaan siya ng loob.
“’Di ba, kaya ka nagworking student para makatapos ka sa kolehiyo at maiahon mo sa kahirapan ang iyong pamilya? Tapos sasabihin mo, parang hindi mo na kaya, nawawalan ka na ng pag-asa,” wika ng isa sa mga kasama niya sa trabaho.
“Jerick, second year pa lang ako, dalawang taon pa ang bubunuin ko para kami makaraos lahat. Baka nga hindi pa ako makapagtapos sa dami ng problema’t iniisip ko,” sagot niya.
Nasabi niya iyon dahil siya na ang tumatayong ama sa mga kapatid niya kaya alam niya lahat ng problema. Nararamdaman niya iyon sa araw-araw.
“Haynaku, pare, ang kailangan mo lang ngayon ay magtiis at magtiyaga ‘yan ang lagi mong iisipin. Huwag kang susuko sa laban ng buhay, kapag sumuko ka talo ka,” payo pa ng kaibigan niya.
“Magtitiis, magtitiyaga…para kasing nawawala na ang mga ‘yan sa akin, parang unti-unti nang nilalamon ang tapang ko ng lumalabo kong pag-asa,” sambit niya sa isip.
Nang matapos ang trabaho niya ay pagod na pgod siyang umuwi. Habang naglalakad patungo sa sakayan ng dyip ay nakasalubong niya ang isa sa mga kaklase niya.
“Uy, pareng Carlo saan ka galing? Nakita ko nagmamadali kang lumabas sa school kanina,” tanong nito.
“O, ikaw pala, John. May trabaho kasi ako, eh, alam mo na para makaipon at para sa tuition fee,” aniya.
“Ganoon ba? Kaya mo pa ba? Anong oras na? Ngayon ka lang uuwi sa inyo? Mapupuyat ka niyan,” sabi pa ng kaklase niya.
“Kailangan, eh, para sa pangarap,” tugon niya.
“Napakasipag mo talaga kaya nga hanga ako sa iyo, eh, pero dapat minsan ay magsasaya ka rin paminsan-minsan, pare. Ang buhay ay hindi lang puro aral at trabaho, ang buhay ay hindi lang puro problema,” sabi sa kanya ng binata.
“A-anong ibig mong sabihin?”
“Basta kapag gusto mong lumimot sa mga problema mo, alam mo naman ang hangout ng barkada anytime, pare,” anito.
Napag-isip isip niya ang sinabi ng kaklase niya na ang buhay ay hindi lang puro problema, pero bakit siya, puro problema ang pasan-pasan niya?
Pag-uwi sa bahay nila ay naabutan pa niyang gising ang bunso niyang kapatid.
“Kuya, kanina ka pa namin hinihintay. Pabalik-balik na kasi rito si Aling Tonyang, ‘yung bayad daw natin sa upa at kuryente?” tanong nito.
“Huwag kayong mag-alala, bukas ay suweldo ko na kaya makakabayad na tayo. Pakisabi sa kanya na ibibigay ko na lang pag-uwi ko,” aniya.
Nang sumunod na araw pagkatapos niyang ibayad ang kalahati ng suweldo niya sa upa at kuryente sa maliit na barung-barong na tinitirhan nila ay lulugu-lugo siyang nagmuni-muni sa labas, parang nagdaan lang kasi sa hangin ang kinita niya. Kulang na kulang pa sa pamilya at sa sarili niya.
“Bakit ganito? Hanggang dito na lamang ba ang buhay namin? Saan kaya papunta ang buhay ko? Pagod na pagod na ako…parang hindi ko na kaya,” bulong niya sa isip.
At doon niya naalala ang sinabi ng kaklase niya na pumunta lang siya sa hangout ng mga ito at makakalimot siya, panandaliang mawawala ang kanyang mga problema.
“Si John, p-pupuntahan ko sila sa hangout.”
Samantala, kanina pa nag-aalala ang nanay niya dahil hindi pa siya umuuwi.
“Bakit kaya wala pa si Carlo? Baka kaya kung ano na ang nangyari sa batang iyon,” di mapakaling sabi ng ina sa sarili habang nakatanaw sa bintana.
Madaling araw na nang umuwi si Carlo. Sandali siyang tumakas sa kanyang mga problema. Ang tanong, nakalimot ba talaga siya?
“Hay…wala pa rin pinagbago, mabaho pa rin dito,” bulong ng binata habang pauwi sa kanila.
Pagdating niya ay naabutan niya na gising pa ang nanay niya at mga kapatid, nag-aalala sa kanya.
“Bakit gising pa kayo?” tanong niya.
“Hinihintay ka namin. Kanina pa kami nag-aalala sa iyo, anak. Saan ka ba galing?” tanong ng kanyang ina.
“Sumama po ako kina John sa hangout nila…sa simbahan. Matagal na po kasi akong hindi nakakapasok sa simbahan, eh. Bukod po sa nagdasal ako’y pinanood ko po ang pagpa-practice ng grupo ni John na mga choir doon,” tugon niya.
Bago siya matulog ay muli siyang nanalangin at bago niya ipinikit ang kanyang mga mata ay may napagtanto siya.
“Hindi pala ako dapat mawalan ng pag-asa, kung ang Diyos nga, simbigat ng daigdig ang Kanyang problema, tiniis Niya, hinarap Niya. Titiisin ko rin ang lahat dahil alam ko, darating din ang liwanag,” sambit niya sa sarili.
‘Di nagtagal, dahil sa pagtitiyaga ay nakatapos din siya sa kolehiyo at nagkaroon ng magandang trabaho. Naialis niya sa mabahong iskwater ang kanyang pamilya at ngayon ay ipinapatikim na niya sa mga ito ang marangyang buhay na bunga ng kanyang pagsisikap.
Ipinakita sa kwento na ang problema ay hindi tinatakasan, anumang problema ay malulutas kung ito ay hinaharap at sa tulong ng taos pusong pananalig ay mararating at maabot din ang iyong mga pinapangarap.