Inday TrendingInday Trending
Dalawampu’t Pitong Taon na rin ang Lumipas Mula Noong Nalamatan ang Relasyon ng Kambal; May Pag-Asa pa Kayang Sila’y Magkabati?

Dalawampu’t Pitong Taon na rin ang Lumipas Mula Noong Nalamatan ang Relasyon ng Kambal; May Pag-Asa pa Kayang Sila’y Magkabati?

“Greg, Cheska,” masayang salubong ni Amanda sa anak at asawa nito. “Uy, binatang-binata na talaga ang apo kong si Joseph,” anito.

“Hello po, lola, matagal-tagal rin tayong hindi nagkita,” magiliw na kausap ni Joseph sa abuela sabay halik sa pisngi nito.

Sakto namang lumabas si Cheky, may dalang pagkain kaya binati na rin ito ni Joseph at hinalikan sa pisngi ang tiyahin. Kaswal naman itong tumingin at bumati kay Cheska, at magiliw na bumati naman sa kaniyang amang si Greg.

Hindi maiwasan ni Joseph ang magtaka sa dalawang magkambal na si Cheska at Cheky, napaka-kaswal lamang kasi ng batian ng dalawa na para bang hindi magkapatid at magkambal.

“Hali na kayo’t kumain na,” aya ni Cheky sa mag-asawa. “Joseph, puntahan mo muna roon ang mga pinsan mo’t kanina ka pa nila hinihintay,” kausap naman ng tiyahin sa kaniya.

Nagtataka man sa nasaksihan na ilangan ng dalawang kambal ay ngumiti siya sa tiyahin at saka sinunod ang sinabi nito, kasama ang kaniyang abuela patungo sa mga pinsan niyang abala sa tsismisan, tawanan at kumustahan.

“Lola, may napansin po akong ilang sa pagitan ni mama at tita,” aniya.

Ang totoo ay noon pa niya iyon napapansin. Sa tuwing may tipon-tipon ang bawat pamilya ay hindi niya minsan man nakitang nagkausap o nagtawanan ang kambal. Naturingang kambal, pero hindi malapit sa isa’t-isa.

Noong kabataan niya’y hindi niya iyon binibigyang pansin. Pero ngayong dalawampu’t pitong taon na siya’y hindi niya maiwasang pansinin ang dalawa. Kaya siya mas naghihinala ay dahil mas malapit pa sa isa’t-isa ang kaniyang tiyahin at ang kaniyang papa, na asawa lamang ito ng kaniyang ina. Pero ang ina niya at ang mismong kambal nito’y malayo sa isa’t-isa.

Malungkot na ngumiti ang abuela at bahagyang tumingin sa malayo saka muling lumingon sa kaniya.

“Sa totoo lang apo, matagal na panahon na naming pinakiusapan ang dalawang iyan na kalimutan na lang ang nakaraan at mas tingnan ang hinaharap sa mabuting paraan. Sa totoo lang, wala namang problema para sa Tita Cheky mo, pero hindi sa iyong ina,” anang abuela.

Kumunot ang noo ni Joseph at mas lalong nagtaka sa sinabi ng abuela. Bakit naman ayaw ng mama niya? Ano bang malalim na nangyari at bakit inabot ng dalawang dekada ang samaan ng loob ng magkambal?

“Mag-kasintahan noon ang iyong Tita Cheky at ang papa mong si Greg,” panimulang kwento ng kaniyang abuela na mas lalong nagpahatak sa kuryusidad ni Joseph.

“Minsang nalasing ang iyong ama at inakalang si Cheska ay ang kaniyang kasintahan na si Cheky. May nangyari sa dalawa nang hindi sinasadya. Lingid sa kaalaman namin ay gusto rin pala ni Cheska noon si Greg, at iyon ang naging paraan ni Cheska upang pansinin siya ng nobyo ng iyong tiyahin,” malungkot na balik alaala nito.

“Inilihim iyon ni Cheska, ngunit tunay ngang walang lihim ang hindi nabubunyag, apo, dahil makalipas lamang ang ilang buwan ay nagulat na lang kami kung bakit biglang nabuntis si Cheska, wala naman kaming alam na may nobyo siya. Noong una’y ayaw niyang umamin kung sino ang ama ng kaniyang ipinagbubuntis, sa palagay ko’y handa siyang ilihim iyon habambuhay, dahil ayaw niyang saktan si Cheky, ngunit dala ng konsensya’y umamin si Greg sa kasalanang nagawa sa kambal ng kaniyang kasintahan,” anito, may namumuong luha sa mga mata.

“Nagparaya ang iyong Tita Cheky at ikinasal si Greg at ang iyong ina… at makalipas ang ilang buwan ay isinilang ka apo,” anito. “Ikaw ang bunga ng kasalanang nagawa ni Greg at Cheska sa iyong tiyahin.”

Hindi inaasahan ni Joseph ang kwentong iyon. Walang nababanggit ang mama at papa niya sa nakaraan nila. Kaya wala siyang ideya na bunga pala siya ng kasalanan. Nilingon niya ang kaniyang tiyahin at ang amang seryosong nag-uusap.

Sa mga mata ng dalawa ay hindi na kailanman makikita ang poot, galit at paninisi. Nakikita niyang tanggap na ni Tita Cheky at Papa Greg na hindi talaga sila ang para sa isa’t-isa, sila ang halimbawa ng pinagtagpo pero hindi tinadhana. Tapos na ang istorya nilang dalawa at talagang hanggang doon na lamang iyon, pero bakit hindi pa rin magawa ng magkambal ang magbati?

Kinagabihan ay masinsinan niyang kinausap ang ina tungkol sa nalamang kwento ng nakaraan nito at ng kambal.

“Bakit hindi pa kayo makipagbati kay Tita Cheky, mama? Mukhang wala na rin naman para sa kaniya ang nangyari noon at saka dalawang dekada na ang nakalipas mama, bakit hindi niyo ibalik ang dating samahan niyo? Magkapatid kayo at kambal pa,” ani Joseph sa ina.

Nilingon siya ng ina at malungkot na ngumiti. “Tama ka anak, dalawang dekada na ang nakakalipas kaya ano pang saysay upang magtanim ng galit. Pero sa totoo lang, hindi naman talaga ako nagalit sa Tita Cheky mo, anak,” anito.

Tumayo at tiningala ang bintana, dumungaw sa ibaba kung nasaan ang buong pamilya ay naroon at nagkakasiyahan. Naroon ang kaniyang ama, nakikipag-usap sa tiyahin niya at sa iba pang pamilya.

“Walang kasalanan si Cheky para pagtaniman ko siya ng galit. Dahil kung tutuusin, ako ang may kasalanan sa kambal ko. Kung maibabalik ko nga lang ang panahon, Joseph, hindi ko gagawin ang kat@ngahang ginawa ko noon kay Greg. Ang kaso’y kung ano na ang nagyari ay hindi na maaaring mabago pa. Mahal na mahal ko ang kambal ko, higit pa sa buhay ko. Pero ang hirap kasing ibalik ng tiwalang nabasag na,” humihibing wika ni Cheska.

“Alam ng Diyos, kung ilang beses akong humingi ng tawad sa Kaniya dahil nasaktan ko si Cheky, trinaydor ko ang kambal ko. Winasak ko ang puso ng mahal kong kapatid, Joseph,” hagulhol ni Cheska. “Kaya wala akong mukhang ihaharap sa kambal ko, dahil hanggang ngayon… dalawampu’t pitong taon na ang nakakalipas. Nakokonsensya pa rin ako sa nagawa kong kasalanan sa kambal ko, anak,” ani Cheska. Tuluyan nang hinayaan ang sariling tumangis sa harapan ng anak.

Hindi maiwasan ni Joseph na umiyak din sa nakikitang pag-iyak ng ina. Ramdam niya ang sakit na matagal nitong itinago sa puso. Ngayon niya mas naintindihan ang sinabi kanina ng kaniyang abuela. Walang problema kay Tita Cheky na makipagbati sa kaniyang ama at ina, ngunit ang kaniyang ina ang may ayaw.

Madali lamang para kay Cheky na patawarin ang kambal na kapatid, dahil wala naman itong ginawang kasalanan kay Cheska, ngunit kabaliktaran naman para kay Cheska, hindi nito kayang maging kaswal at umaktong parang walang nangyari at basta na lang ibalik ang samahan nila, dahil higit sa lahat ay galit ito sa sarili. Galit ito sa sarili dahil sa kasalanang nagawa nito sa sariling kapatid. Dahil sa konsensyang lihim nitong bitbit, kaya hindi nito kayang patawarin ang sarili.

“Darating rin ang araw ‘ma, na maghihilom ang lahat. Sana hayaan niyong paghilumin ang sarili niyo sa kasalanang matagal na panahon nang nangyari,” umiiyak na kausap ni Joseph sa ina.

Walang ibang hinihiling si Cheska kung ‘di sana’y dumating ang araw na kaya niya nang harapin si Cheky nang pormal at walang dinadalang bigat sa dibdib. Miss na miss na niya ang kaniyang kambal, at alam ng Diyos iyan.

Sana nga’y dumating pa ang araw na muling magbalik ang samahan nilang magkambal, ang samahang nabuwag, mula noong minahal niya si Greg.

Advertisement