Inday TrendingInday Trending
Tira-Tirang Pagkain ang Ibinibigay sa Kanila sa Tuwing may Handaan ang Kanilang Amo; Hindi Sila mga Aso Upang Tira-tira ang Kainin

Tira-Tirang Pagkain ang Ibinibigay sa Kanila sa Tuwing may Handaan ang Kanilang Amo; Hindi Sila mga Aso Upang Tira-tira ang Kainin

“Oh! Naluto na ba ang lahat ng pagkaing ihahanda sa okasyong ito?” tanong ni Mrs. Suarez sa tatlong katulong na naroroon at abala sa paghahanda ng mga pagkaing kailangan para sa pangatlong kaarawan ng panganay na anak ng kanilang amo, o sa madaling salita ay unang apo ng matanda. Kaya naman hindi kataka-taka kung bakit bongga at enggrande ang kaarawang iyon dahil para ito sa pinakamamahal niyang apo.

“Ano pang ginagawa mo d’yan, Melba?” anito sa katulong na hindi pa tapos itakal sa maayos na lagayan ang bagong lutong ulam. “Pagkatapos mo d’yan, ilabas mo na ang pagkaing iyan at para iyan sa mga bisita,” mando pa nito.

“P-pero ma’am, hindi pa po kami nakakapagtabi ng sa’min,” atubiling sambit ni Melba.

“Ano’ng pakialam ko?! Bisita ba kayo? Bilisan mo na!” taboy nito sa kasambahay.

Walang nagawa si Melba, natataranta itong lumabas dala ang ulam para sa mga bisita.

“Wala kayong ititira d’yan ah. Para iyan lahat sa mga bisita, ‘yong sa inyo, dapat tira-tira lang ang kakainin niyo,” anang matandang amo.

Inusisa at tiningnan pa nito kung may itinira nga ba ang mga katulong na pagkain. Nang makumpirmang wala ay saka ito tumayo nang tuwid at mataray na itinaas ang kanang kilay at humalukipkip.

“Pero bakit naman po kailangang tira-tira ang kainin namin, misis? Ang dami naman pong handa at paniguradong hindi naman iyan kayang ubusin ng mga bisita niyo. Pwede naman na bago ang kainin namin, bakit wala kaming karapatang kumain ng mga handang iyan?” ani Alice, isa sa baguhang katulong.

Ang naunang katulong ay si Aling Freda, ang sumunod naman ay si Melba, at ang baguhan ay si Alice. Buwan pa lang yata ang tagal ni Alice sa pamilyang Suarez, at wala naman siyang masabi sa ugali mag-asawang Zyra at Melvin, maliban nga lang talaga sa matandang biyenan ng kaniyang among babae, ang nanay ng kaniyang among lalaki.

Ayaw nito sa mga kasambahay na kung tutuusin ay malaking kakulangan sa buhay nila kapag walang mga kagaya nilang kasambahay. Ayon kasi kay Mrs. Suarez, mga mangmang at walang pinag-aralan ang mga kagaya nila, kaya hindi ito nakapag-aral at kumuha ng kursong pang-propesyonal.

Harap-harapan silang nilalait ng matanda, at nilulunok lamang nila iyon, dahil ayon nga sa mismong amo nilang babae ay talagang matapobre ang biyenang babae, kaya pagpasensyahan na lang. Ang kaso nga lang minsan ay sumosobra na ito, gaya ngayon.

Ininspekyon nito ang bawat sulok ng kusina dahil nagdududa itong may itinatago silang pagkain at ayaw nitong kumain sila ng bagong handa, ang nais nito’y tira-tirang pagkain ang kainin nila, na para bang mga aso sila kung ituring ng matandang amo.

“Kasi nga mga kasambahay lang naman kayo, at hindi nararapat na kumain ng bagong handa. Tama ka, na hindi mauubos ng bisita ang mga pagkaing iyan, kaya nga kayo nariyan, upang kainin ang tira nila. Kaya nagkakaintindihan tayo na huwag niyo akong pagtaguan ng pagkain, dahil malalaman ko rin naman kung pumuslit kayo ng pagkaing hindi nararapat sa inyo.” Mataray nitong pahayag.

“Talagang hindi makain ng aso ang ugali mo, madam,” ismid ni Alice.

Ngumisi lamang ang ale at naglakad palabas ng bahay, nang masigurong wala nang natirang pagkain sa loob at lahat na’y nailabas.

Nagpupuyos sa inis si Alice, habang patawa-tawa namang umiiling si Freda.

“Magpasalamat ka pa rin, Alice, dahil hindi siya ang naging amo natin. Nandito lamang siya kapag may okasyon, at saka hindi naman hahayaan ni Ma’am Zyra na kumain tayo ng tira-tirang pagkain. Sakyan mo na lang ang matapobreng matanda kaysa patol ka pa nang patol d’yan.” ani Freda. Sa tagal nitong naninilbihan sa pamilya ay kabisado na nito ang ugali ng ale at sobrang haba na ng pasensyang ibinigay nito sa matanda, kaya wala na itong panahon na patulan pa ang matandang babae. Ayon naman kay Freda ay si misis lang naman ang ganoon, ang asawa nito’y mabait naman, pati na ang mga anak.

Sadyang mababa nga lang ang tingin nito sa mga kagaya nilang kasambahay lamang ang kayang abutin na trabaho, kahit sa mga tindera’t tindero ay ganoon rin ang ginang. Ang nirerespeto lamang nito ay ang mga taong mas nakakaangat.

Nahinto ang pagsesentimyento ni Alice nang pumasok si Melba at nakatawa.

“Sabi ni Ma’am Zyra, tatabihan niya raw tayo ng pagkain mamaya, kaya huwag na kayong mag-alala,” nakangising wika ni Melba.

“Sabi ko naman sa inyo, hindi tayo pababayaan ni ma’am,” ani Freda.

“Salamat at kahit napaka-demonyo ng ugali ng biyenan niya’y may mala-anghel pa rin tayong amo na si Ma’am Zyra,” komento ni Alice.

Nagtawanan na lamang silang tatlo at nagpatuloy sa mga dapat nilang gawin. Ang hirap magkaroon ng among hindi pantay ang tingin sa mga kagaya nilang nasa mababang posisyon ng buhay. Hindi maganda sa pakiramdam ang pakakainin ka lamang ng tira-tirang pagkain.

Pero kahit ganoon ay nagpapasalamat pa rin sila sa tunay nilang amo dahil mahal at nirerespeto sila nito.

Advertisement