Inday TrendingInday Trending
Ipinahiya ng Dalaga ang Mamáng Hindi Marunong Magbasa; Kahit Sinita na’y Hindi man lang Nabawasan ang Pagtataray Nito

Ipinahiya ng Dalaga ang Mamáng Hindi Marunong Magbasa; Kahit Sinita na’y Hindi man lang Nabawasan ang Pagtataray Nito

“Next po,” anang kahera.

Sa awra pa lang ng mukha nito ay alam na ni Pedio na wala sa mood ang dalaga at tila bagot na bagot na ito sa trabaho na para bang kaunting pitik lang rito’y magagalit ito kaagad at masisinghalan siya.

“Ano po ang order niyo, sir?” anito. Pabagsak ang boses at mukhang galit.

Mas lalo tuloy nanlamig ang kamay ni Mang Pedio at parang nais na lamang niyang umatras at lumabas sa kainang iyon, ngunit muli ring nadalawang-isip nang maramdaman ang pangangalam ng sikmura.

Mula pa kaninang umaga ay wala pa siyang kinakain, anong oras na kasi siyang nagising, dahilan upang ma-late siya sa pinapasukang trabaho. Kaya ngayong pananghalian ay nais niyang kumain ng marami at dito siya dinala ng kaniyang mga paa, na ngayon ay nais niyang pagsisihan. Sana pala ay sa simpleng karinderya na lamang siya pumunta.

“Miss, pwede mo bang sabihin sa’kin kung alin d’yan ang masarap at mabubusog ako? Kaninang umaga pa kasi akong hindi kumakain, kaya gutom na gutom ako.” Mahinang kausap ni Mang Pedio sa kahera.

Nahihiya siyang marinig ng mga kasabay niyang kustomer ang sinasabi niya kaya mas pinili niyang hinaan ang boses.

Bahagyang tumaas ang kilay ng dalaga at tumingin sa kaniya na animo’y mas naiirita.

“Pili na lang po kayo d’yan, sir, kung ano ang gusto niyong orderin,” anito saka umirap.

Muling tiningala ni Mang Pedio ang nakapaskil na menu, ngunit wala siyang naintindihan doon at wala man lang kasing litrato na magsasabi kung ano’ng itsura ng pagkaing nais niya sanang bilhin.

“Pasensya na talaga, miss, ah. Hindi kasi ako marunong magbasa, kaya wala talaga akong naintindihan sa mga nakasulat d’yan,” aniya. Muli ay hininaan niya pa rin ang boses upang hindi marinig ng mga kasunod ang kaniyang sinasabi.

“Naku! Matatagalan ako sa’yo, sir,” anito na may kasamang pagdadabog.

Nanliit si Mang Pedio sa naging reaksyon ng kahera. Parang gusto na niya talagang umalis sa kinatatayuan at lisanin ang kainan.

“Hindi niyo po ba nakikita na ang haba-haba na ng pila sa likuran niyo?” anito saka itinuro ang nakapilang kustomer sa kaniyang likuran. “Tumabi na muna po kayo, sir. Ang laki niyo naman pong abala,” inis na sambit ng kahera.

Humakbang pagilid si Mang Pedio upang bigyang daan ang lalaking kasunod. Gusto niyang manliit at labis siyang nahihiya sa kahera at sa iba pang naroroon. Hindi niya maiangat ang ulo upang tingnan ang mga naroon sa labis na pagkapahiya. Gusto lang naman niyang kumain ng masarap, ang kaso nga lang ay hindi siya marunong kung paano umorder.

Akmang tatalikod na sana siya upang umalis sa kainang iyon ng hawakan siya ng lalaking pumalit sa pila niya at marahang iniharap upang ituro sa kaniya ang masarap at dapat niyang orderin upang swak ang kaniyang busog.

“Gusto niyo po ba iyon, kuya?” tanong ng binata. Matapos ipaliwanag sa kaniya ang lahat ng nasa menu. “Marami po kasi ang serving no’n at tiyak na mabubusog kayo kung kanina pa kayong umaga walang kinain,” dugtong pa nito.

“S-sige, iyon na lang ang kukunin ko. Magkano kaya iyon?” aniya. Labis ang sayang naramdaman dahil may isang binata ang tumulong sa kaniya na walang kahit anong panghuhusga.

Matapos sabihin ang presyo ay binayaran niya iyon at saka tahimik na tumayo sa tabi ng binata upang hintayin ang kaniyang order.

“Alam mo, miss, dapat malaman ng manager mo ang kabastusan mong ito,” maya maya ay kausap ng binata sa kahera. “Napakasimple lang ng hinihingi ni kuya, hindi mo nagawa. Alam mo ‘no, kung nababagot at ayaw mo na sa trabaho mo, mag-resign ka na at ipaubaya ang posisyong iyan sa mga may nais. Ang daming tao ngayon ay walang trabaho, at ang daming tao ang gusto iyang posisyon mo. Mag-resign ka na, mukhang hindi ka naman kailangan ng tindahang ito!” gigil na litanya ng binata sa kahera.

“Kahera ako rito, hindi ko obligasyong turuan ang mangmang na gaya niya,” mataray na sagot ng babae.

Inis na tumawa ang binata, pati na rin ang iba pang kustomer na nakikinig sa pagtatalo nilang dalawa.

“Alam mo, wala naman sa posisyon mo ang pinag-uusapan natin kung ‘di kung paano ka makipagkapwa-tao. Simpleng pag-unawa lang naman sa taong nakiusap sa’yo, hindi mo pa nagawa. Hindi lahat ng tao sa mundo’y marunong magbasa, kung marunong kang umunawa, maiintindihan mo iyon. Hindi mo kailangan maging guro, para ipaintindi kay kuya ang dapat niyang orderin, maging makatao ka lang ay sapat na!” inis na wika ng binata.

Lahat naman ay sumang-ayon sa sinabi ng binata. Habang si mang Pedio ay hiyang-hiya sa nangyari. Isinumpa niyang iyon na ang una at huling papasok siya sa ganoong klaseng kainan.

Nang maibigay ang kaniyang order ay agad niyang pinasalamatan ang binatang nagtanggol sa kaniya kanina sa mataray na kahera.

“Hindi lahat ng trabahante, kuya, ay kagaya nang babaeng iyon ah. Kaya huwag kang madadalang umorder sa mga gusto mong kainan. Basta may pambayad ka at hindi mo sila tatakasan ay karapatan mong pumasok at kumain sa kahit saan. Nagkataon lang talagang bastos ang nakaharap mo kanina. Sana mapatalsik iyon sa trabaho, hindi iyon dapat pinapamarisan,” anang binata.

“Salamat pa rin sa kabutihan mo. Kung wala ka doon ay baka tuluyan na akong umalis kanina. Salamat talaga.”

Ngumiti ito at inakbayan siya. “Kahit naman po wala ako doon kanina, panigurado namang may magtatanggol sa’yo sa kaherang iyon, kuya. Wala ka namang ginawang mali, kaya walang rason para hindi ka ipagtanggol ng iba. Nagkataon lang na ako ang gumawa no’n dahil ako ang sumunod sa’yo kanina sa pila,” anito saka matamis na ngumiti.

Hindi na nagawang kunin ni Mang Pedio ang pangalan ng binata, pero labis niya itong pinasalamatan dahil sa ginawang pakikipagsagutan nito sa mataray na kahera. Ang hirap maging mangmang, pero salamat at may mga tao pa ring hindi nanghuhusga ng mga kagaya niya.

Advertisement