Inday TrendingInday Trending
Ininsulto ng Babaeng Ito ang Maitim at Kulot na Kapitbahay; Sa Huli ay Siya pa pala ang Magiging Tampulan ng Tawanan

Ininsulto ng Babaeng Ito ang Maitim at Kulot na Kapitbahay; Sa Huli ay Siya pa pala ang Magiging Tampulan ng Tawanan

Tuwang-tuwa si Ginang Mildred matapos ibalita sa kaniya ng kaniyang panganay na anak na kumuha ito ng pahulugang bahay sa isang exclusive village, matapos nitong makuha ang kaniyang separation pay mula sa kompaniyang dati nitong pinagtarabahuhan. Malaki talaga ang pasasalamat niya sa anak dahil buhat nang makatapos ito ng pag-aaral ay ito na ang nagtaguyod ng kanilang pamilya hanggang sa araw na iyon.

Ngunit kasabay ng pag-ahon ng kanilang pamilya mula sa kahirapan ay ang unti-unti ring pagbabago sa ugali ng dati ay mapagmahal at butihing ilaw ng tahanang si Ginang Mildred. Naging mayabang kasi ito at matapobre sa ibang tao na para bang noon ay hindi rin siya nanggaling sa hirap. Naging masiyado itong mapanlait na kahit kaunting maling bagay lang na makita nito sa iba ay kaniya nang pinapansin. Simula nang lumipat sila sa eksklusibong nayong iyon ay wala na itong ginawa kundi ang magyabang sa kaniyang mga kumare at kamag-anak. Sa totoo lang ay napapansin din iyon ng kaniyang anak ngunit minabuti nitong huwag na lamang siyang pakialaman sa pag-aakalang lilipas din naman iyon. Ngunit mukhang nagkakamali ng hinala ang anak ni Ginang Mildred…

Isang umaga ay naalimpungatan si Aling Mildred sa tunog ng isang sasakyan. Dahil doon ay naisipan niyang silipin sa kanilang bintana kung kaninong sasakyan ba ang maingay na dumaraan sa tapat ng kanilang bahay, at doon ay namataan niyang bumababa ang isang babaeng mayroong maitim na balat at kulot na kulot na buhok. Narinig niyang inuutusan nito ang drayber ng naturang sasakyan na ibaba ang kaniyang mga gamit dahil ngayon ang araw na lilipat ito sa kaniyang bagong bahay.

Ikinagulat ni Ginang Mildred na ganito pala ang hitsura ng may-ari ng isa sa pinakamalaking bahay sa loob ng kanilang village. “Ang pangit!” Hindi niya napigilang matawa sa mga salitang lumabas sa kaniyang bibig. Ngunit hindi pa siya kuntento roon. Napagpasiyahan pa ni Ginang Mildred na sumilip sa kanilang gate kahit pa wala pa siyang hilamos dahil kagigising lamang niya.

“Hello, miss!” nakangising bati ni Ginang Mildred sa babaeng kanina lang ay pinagtatawanan niya dahil sa hitsura nito.

“Hello din po!” ganting-bati naman nito.

“Ano’ng pangalan ng amo mo? Katulong ka ng may-ari n’yang bahay na ’yan, hindi ba? Gusto ko lang kasing makilala ang bago kong kapitbahay,” tanong pa ni Ginang Mildred kahit na ang totoo ay alam naman niya na hindi ito isang katulong. Narinig naman kasi niya iyon kanina.

“Naku, hindi po ako katulong. Bale, ako po ang may-ari ng bahay na ’yan,” magalang pa rin namang sagot sa kaniya ng maitim at kulot na babae, ngunit imbes na pakitaan na niya ito ng maganda sa pagkakataong iyon ay hindi pa rin siya tumigil!

Humalakhak nang malakas si Ginang Mildred sa naging sagot ng naturang babae. Dahil doon ay napakunot naman ang noo nito at agad na nawala ang ngiti sa kaniyang mga labi. “Ano kamo? Ikaw ang may-ari? Akala ko kasi, katulong ka lang. Bagay kasi sa kulay at hitsura mo,” tumatawa pang sagot ni Ginang Mildred sa babae.

Siya namang dating ng anak niya galing sa trabaho. “O, mama, ang aga-aga’y ang lawak yata ng ngiti n’yo?” takang tanong sa kaniya nito.

“Paano kasi, anak, tingnan mo ’yang bago nating kapitbahay. Napakapangit, ano? Ang itim na’y kulot na kulot pa ang buhok, mukhang—” Ngunit bago pa man maituloy ni Ginang Mildred ang sinasabi ay agad siyang nasabihan ng kaniyang anak.

“Mama, tumigil po kayo!” tila namumutlang sabi nito sa kaniya. “Hindi n’yo po ba alam na siya si Mrs. Paloma Buenaventura? Siya po ang may-ari ng buong village na ito at siya rin ang taong pinagkakautangan natin ng bahay at lupang ’to! Siya ang nagbigay sa akin ng mas magandang trabaho, mama. Bakit ho kayo ganiyan?!” naiinis pang tanong sa kaniya ng anak na ikinasinghap naman ni Ginang Mildred.

Bigla siyang napahiya, lalo na nang kaniyang mapansing hindi lang pala sila-sila ang nakakarinig sa mga pinagsasabi niya kundi pati na rin ang iba nilang kapitbahay na ngayon ay pinagbubulungan na siya! Agad na bumalik sa kaniya ang karma sa ginawa niyang pang-iinsulto sa bagong kapitbahay dahil lamang sa hitsura nito. Ngayon ay siya na tuloy ang tampulan ng katatawanan sa lugar na ito.

Mabuti na lang at mabait pa rin si Mrs. Paloma Buenaventura at pinalampas nito ang ginawa niya. Sising-sisi tuloy si Ginang Mildred at dahil doon ay natauhan siya sa sobrang pagkalunod niya sa tagumpay ng kaniyang anak.

Advertisement