Inday TrendingInday Trending
Binulyawan ng Babaeng Ito ang Delivery Boy nang Mahuli Ito sa Paghahatid ng Kaniyang Order; Mapapahiya pala Siya sa Susunod Nilang Pagkikita

Binulyawan ng Babaeng Ito ang Delivery Boy nang Mahuli Ito sa Paghahatid ng Kaniyang Order; Mapapahiya pala Siya sa Susunod Nilang Pagkikita

Panay ang suri ni Faye sa kaniyang relos. Paano kasi ay limang minuto nang huli sa pinag-usapang oras ang rider na siyang magde-deliver ng pagkaing in-order niya sa isang sikat na fastfood chain. Ayaw pa naman niya ng ganito. Istrikta talaga si Faye dahil ayaw niyang nasasayang ang kaniyang oras na ginto kung kaniyang ituring. Negosyante kasi si Faye kaya naman ganito ang klase ng kaniyang pag-iisip. Iyon nga lang, minsan ay hindi niya namamalayang sumusobra na siya sa pagiging istrikta.

Para sa kaniya, bawat oras na lumilipas ay may katumbas na pera. Iyon din ang pinaniniwalaan niyang dahilan kung bakit umaangat ang kaniyang negosyo simula nang umpisahan pa lamang niya ito. Dahil doon, pagdating na pagdating pa lang ng rider na kanina niya pa hinihintay ay mainit agad ang ulong hinarap niya ito.

“Alam mo bang halos kinse minutos kang late?!” galit na anas niya sa rider na agad namang nagulat sa kaniyang reaksyon.

“P-pasensiya na po, ma’am. May nadaanan po kasi akong aksidente kaya—”

“So, problema ko pa ba ’yon?” putol naman ni Faye sa akmang pangangatuwiran ng rider.

Umiling ito. “Hindi po, ma’am. Sorry po,” hinging paumanhin na lamang nito bago iniabot sa kaniya ang kaniyang binili ngunit hindi iyon tinanggap ni Faye.

“Ayaw ko na n’yan. O-order na lang ako sa ibang kainang may mas magandang serbisyo kaysa sa inyo. Iuwi mo na ’yan at ikaw na rin ang magbayad, tutal ay malamig na rin naman ’yan!” bulyaw niya pa sa kawawang delivery boy na halatang nanlumo sa ginawa niya.

“Pero, ma’am, wala naman po akong ibabayad dito, e. Estudyante lang po ako. Nagsa-sideline lang po akong delivery boy para may maipangtustos sa pag-aaral ko kaya please naman po, kunin n’yo na po ito,” pagsusumamo pa nito, ngunit nananatiling bato ang puso ni Faye para dito.

“Wala akong pakialam d’yan! Kung gusto mo, ibenta mo na lang ’yan sa iba. Lumayas ka na sa harapan ng bahay ko kung ayaw mong magpatawag pa ako ng pulis!” sabi pa niya sabay sarado ng kaniyang pintuan.

Masama ang tinging nilisan naman ng rider na si Eric ang bahay ng salbaheng kostumer niya ngayong araw. Habang sakay ng kaniyang motorsiklo ay umiiyak niyang ipinangako sa kaniyang sarili na balang araw ay matuturuan niya rin ng leksyon ang babaeng iyon na napakamapang-api.

Dahil doon ay nagsumikap nang maigi si Eric. Ginawa niya ang lahat upang siya ay makatapos ng pag-aaral at makahanap ng magandang trabaho, habang si Faye naman ay hindi inaasahang unti-unting naghirap buhat nang bumagsak ang kaniyang negosyo.

Dahil doon, kinailangan ni Faye na subukan ang iba’t ibang trabaho, kabilang na ang pagiging isang rider na siyang nagde-deliver ng mga kagamitang ibinibenta sa isang sikat ngayong online shopping app na tumatanggap ng babaeng aplikanteng katulad niya. Doon ay napagtanto niyang napakahirap pala ng ginagawa nila. Nariyan ang iba’t ibang klase ng kostumer na makakasalamuha niya araw-araw na talaga namang nakakaubos ng pasensiya.

Ngayon ay nararanasan na ni Faye ang hirap na dinaranas ng mga rider na noon ay minamata-mata lang niya at madalas ay binubulyawan kaya naman hindi niya maiwasang magsisi sa mga nagawa niyang kasalanan sa kanila.

Huli na si Faye sa itinakdang oras ng pagde-deliver niya sa isa sa kaniyang mga parsela nang araw na iyon dahil may nadaanan siyang banggaan sa daan habang papunta na siya sa kaniyang destinasyon. Dahil doon ay kabado niyang kinatok ang pintuan ng kaniyang kostumer…

“Sir, delivery po—”

Biglang natigilan si Faye nang makilala ang lalaking nagbukas sa kaniya ng pintuan. Pakiramdam niya ay muli lang naulit ang nakaraan, ngunit sa pagkakataong ito ay nagkapalit na sila ng posisyon. Ang kostumer niya pala kasi ngayon ay ang delivery boy na noon ay binulyawan niya at inapi dahil nahuli ito nang ilang minuto sa kanilang usapan! Hindi tuloy alam ni Faye ang gagawin. Ibang-iba na ang hitsura nito dahil ang hitsura nito ngayon ay nagsusumigaw ng kayamanan!

“Kilala kita, a! Ikaw ’yong—” Hindi itinuloy ng lalaki ang sinasabi nito sa kaniya dahil nakita nitong napayuko agad siya.

“Ako nga po, sir. S-sorry po,” tanging naisagot naman ni Faye.

Ang buong akala niya ay bubulyawan din siya ng binata katulad ng ginawa niya rito noon, ngunit imbes ay inabot nito ang hawak niyang parsel at ibinigay sa kaniya nang maayos ang bayad nito na hindi niya inaasahang may kasama pang tip!

“Huwag kang mag-alala dahil matagal ko nang kinalimutan ’yon. At least ngayon, natutunan mo na ang ’yong leksyon,” sabi pa nito bago ito nagpaalam na papasok na muli sa loob ng kaniyang magara at malaking tahanan. Wala namang ibang nagawa si Faye kundi ang mapatango bilang pagsang-ayon sa sinabi nito.

Advertisement