Idinaan na lang ng Dalawang Batang Pulubing Ito sa Pagkanta ang Iniinda Nilang Gutom; Tadhana ang Gagawa ng Paraan upang Sila’y Makaahon
“Tiisin na lang natin, Jepoy. Napakatumal talaga ngayong araw, e,” pag-aalo ng nakatatandang si Ato sa kapatid na si Jepoy habang kapwa nila hawak ang kani-kaniya nilang sikmura. Kanina pa nila iniinda ang matinding pagkalam ng mga iyon dahil simula kahapon ay isang pirasong tinapay lang ang kanilang kinain, na pinaghatian pa nila. Maghapon silang namalimos at naghanap ng makakain sa basurahan, ngunit sa kamalas-malasang pagkakataon ay hindi nila alam kung bakit ni isa ay wala silang mahagilap.
Nagpasiya silang maupo na lamang sa isang mahabang upuan sa tapat ng isang magarang restawran dahil iyon lang ang tanging pwesto na maaari nilang pagpahingahan sa lugar na ’yon. Nasa gitna kasi sila ng kalsada at kabi-kabila ang mga nagdaraang tao sa paligid.
Bakas ang lungkot sa mukha ng dalawa habang nilalanghap ang mabangong amoy ng mga putaheng iniluluto sa loob ng restawran na bagama’t napapaligiran ng salamin ay hindi magawang makita mula sa labas dahil sa pagiging tinted ng mga ito. Nagkasya na lamang sila sa pagsamyo upang kahit papaano ay maisip nilang nalalasahan nila ang mga iyon.
Ngunit tila lalo lang yatang tumindi at lumakas ang pagkalam ng kanilang sikmura dahil doon, kaya naman upang mabaling ang kanilang atensyon ay naisipan ni Ato na magsimula na lamang umawit…
“Bakit kumakanta ka, kuya?” Napahinto si Ato sa tanong na iyon ng kapatid na si Jepoy.
“Para makalimutan ko ang gutom,” sagot naman niya. “Kumanta ka rin, dali! Para hindi na natin maramdaman ang pagkulo ng sikmura natin,” aya niya pa sa kapatid. Nanghihinang nginitian naman ni Jepoy ang kaniyang kuya bago ito tinanguan. Nang magsimulang kumantang muli si Ato ay sumabay na rin ang bunso.
Para sa dalawang bata, ang pag-awit nilang ’yon ang paraan upang mapawi ang nararamdaman nilang gutom, ngunit ang hindi nila alam ay nakakaagaw na pala sila ng atensyon. Masiyado kasing maganda ang tinig ng dalawa na bagama’t nanginginig dahil sa gutom ay hindi maikakailang masarap talaga sa tainga.
Nagsimula silang palibutan ng mga taong nakikinig sa kanilang awitin, na hindi naman napapansin ng magkapatid sapagkat kapwa sila nakapikit. Ang iba sa mga taong iyon ay halos maluha dahil sa ganda ng kanilang pinagsamang mga boses, habang ang iba naman ay nangingiti at bumibilib sa kanila.
Nang matapos ang magandang awitin ng dalawang bata ay ginulat sila ng isang masigabong palakpakan mula sa mga tao na agad namang nakapagpamulat sa kanila. Hindi nila inaasahang mapapansin sila ng mga ito, gayong kanina ay halos ni hindi man lang nila sila tapunan ng tingin.
“Napakaganda ng boses n’yo, mga bata!” komento ng isang lalaking nabibilang sa mga tagapakinig nila kanina. Nakasuot ito ng magarang damit na halatang hindi biro ang halaga.
“Maraming salamat po,” sagot naman ng dalawa.
“Pero bakit n’yo naisipang umawit dito sa kalsada, mga hijo? Saka, gabi na… hindi ba kayo hinahanap ng mga magulang n’yo?” tanong pa nito sa kanila.
Dahil doon ay napakamot sa kaniyang ulo si Ato. “E, wala naman po kaming bahay at mga magulang. Palaboy po kami. Saka, kumakanta lang po kami ngayon para makalimutan namin ang gutom. Kahapon pa po kasi kami hindi kumakain, e,” sagot pa niya na ikinabigla naman ng mga tao sa kanilang paligid.
“Ganoon ba? Siya, halikayo at saluhan n’yo ako sa loob. Ako ang bahala sa lahat ng gugustuhin n’yong pagkain. Masiyado akong nagandahan sa pag-awit n’yo kaya naman ito ang reward ko para sa inyo,” alok pa ng nasabing lalaki. Nagkatinginan naman ang magkapatid at agad silang napangiti. Walang pagdadalawang isip na pumayag sila.
Sa hapag, habang nilalantakan ng dalawa ang mga pagkaing in-order ng lalaki para sa kanila ay nagpakilala ito. “Ako nga pala si Kuya Chito Alemania. Isa akong producer at marami na akong napasikat na mang-aawit at artista. Dahil nagustuhan ko talaga ang boses ninyong magkapatid ay gusto kayong tulungang makaahon sa hirap, kung papayag kayo,” anang nagpakilalang si Kuya Chito sa magkapatid na bagama’t nabigla ay halatang nasabik din sa narinig.
Sa madaling sabi ay tinanggap ng dalawang bata ang alok na iyon sa kanila ng mabuting lalaki, na tila ba hulog ng langit. Dahil simula nang araw na iyon ay tuloy-tuloy nang umangat ang kanilang buhay at hindi na kailanman nagutom ang magkapatid.
Napatunayan nilang lahat talaga ng nangyayari sa buhay ng tao ay may dahilan, katulad na lang ng kawalan nila ng makakain nang araw na iyon na naging dahilan upang umawit sila sa tapat ng restawrang iyon kung saan eksaktong kumakain si Kuya Chito na nagbigay naman sa kanila ng pag-asa. Dahil doon ay lalo namang lumawak ang tiwala nila sa Diyos.