Ibang Babae ang Sumagot sa Tawag ng Mapaghinalang Asawang Ito Kaya Agad Siyang Naghisterikal; Ngunit Mali pala ang Kaniyang Inaakala
Kanina pa tawag nang tawag si Georgia sa kaniyang mister na si Romel, ngunit hindi pa rin ito sumasagot. Dahil doon ay ganoon na lang ang panggagalaiti niya lalo pa at kagagaling lamang nila sa pagtatalo kagabi.
Paano kasi ay pinagbibintangan ni Georgia ang asawa na may babae ito, dahil lang nahuli ito nang uwi galing sa trabaho nang gabing ’yon. Masiyado kasi siyang napa-paranoid buhat nang masaksihan kung papaano naging miserable ang buhay ng kaniyang ate matapos itong lokohin ng asawa nito, kaya naman ganoon na lang ang takot ni Georgia na maranasan din iyon.
Ilang oras pa ang lumipas at talagang hindi pa rin sinasagot ni Romel ang kaniyang tawag. Alam naman niyang nasa trabaho ito, ngunit naiinis pa rin siyang isipin na hindi man lang ito gumawa ng paraan para makausap siya. Lalo tuloy tumitindi ang hinala niya na may babae nga ito… hanggang sa bigla na lang tumunog ang kaniyang telepono.
“Hello, Romel? Alam mo bang kanina pa ako tawag nang tawag sa ’yo? Bakit ngayon mo lang—” ngunit naputol ang sinasabi ni Georgia nang biglang nagsalita ang nasa kabilang linya.
“Hindi ito si Romel, Misis…” anang babaeng sumagot sa kaniyang tawag.
Dahil doon ay agad na nag-init ang ulo niya at hindi na niya napigilan pa ang sarili. Agad siyang naghisterikal at galit na inaway ang nasabing babae nang hindi man lang pinagkakaabalahang pakinggan ang sasabihin nito!
“Sinasabi ko na nga ba at talagang may babae ang magaling kong asawa! Ang lakas ng loob mo, ano?! Ikaw pa talaga ang siyang sumagot sa tawag ko! Bakit? Nagpapalitan na ba kayo ng telepono ng mister ko, ha? Mga walanghiya kayo! Mga baboy!” tuloy-tuloy na sabi pa ni Georgia sa babae na halata namang nabigla sa naging tugon niya.
“Ano kamo? Misis, makinig ho muna kayo—”
“At bakit naman ako makikinig sa ’yo, ha? Akala mo ba maloloko mo ako? Huling-huli na kayo, magde-deny ka pa? Huwag ako, babae. Alam na alam ko na ang mga ganiyang galawan kaya hinding-hindi n’yo ako mauuto! Sinisigurado ko sa ’yo na ipakukulong ko kayo ng asawa ko dahil sa ginawa n’yong panloloko sa akin!” putol pa ni Georgia sa tangkang pagpapaliwanag ng babae sa kabilang linya. Talagang hindi niya ito hinayaang makapagsalita at patuloy siyang nagbunganga.
Ipinagtataka naman niya kung bakit hindi pa rin nito tinatapos ang tawag at nakikinig lang ito sa sinasabi niya hanggang sa siya ay mapagod.
“Tapos ka na bang maghisterikal, Mrs. Boromeo?” maya-maya ay tanong muli ng babae sa kabilang linya. “Nagkakamali ka sa inaakala mo. Hindi ako babae ng asawa mo dahil ako si Mrs. Alegria. Ang may-ari ng kompaniyang pinagtatrabahuhan ng mister mo. Gusto ko lang sanang ipaalam sa ’yo na isinugod namin si Romel sa ospital, misis. Ako at ang anak ko ang kasama niya nang biglang manikip ang kaniyang dibdib kaya naman kami na rin ang nagsugod sa kaniya sa ospital. Pasensiya ka na at hindi ka agad naimporma dahil nag-panic na kami. Ngayon, para makasigurado kang totoo ang sinasabi ko ay maaari mo siyang puntahan sa ibibigay kong addres…”
Dahil sa naging sagot na iyon ng babae sa kabilang linya ay tila umurong ang lahat ng tapang sa katawan ni Georgia. Bigla siyang namutla at nanghina. Bukod doon ay nag-panic na rin siya at hindi na nag-abalang magbihis. Dali-dali niyang tinapos ang tawag at kumaripas na papunta sa ospital na pinaglagakan sa kaniyang mister.
Nang makarating siya sa nasabing ospital ay agad niyang hinanap ang silid ng asawa. Doon ay napatunayan niyang totoo nga ang sinasabi ng babaeng tumawag sa kaniya kanina na walang iba kundi ang boss ng kaniyang mister.
Hiyang-hiya si Georgia nang humingi siya ng paumanhin kay Mrs. Alegria, na mabuti na lang ay agad siyang pinatawad, habang sising-sisi naman siya nang malamang ‘stress’ ang sanhi ng pagkakaroon ni Romel ng biglaang atake sa puso. Masiyado kasi nitong dinibdib ang naging pag-aaway nila ni Georgia kaya naman ganoon ang kinahantungan nito.
Dahil doon ay taos-pusong humingi rin ng tawad si Georgia sa asawang si Romel at ipinangakong hindi na muling magpapakain sa kaniyang paghihinala lalo na at wala naman iyong matibay na basehan. Natutunan niyang napakalaki pala talaga ng halaga ng pagkakaroon ng tiwala sa isang relasyon, lalo na sa mag-asawa.