Pinaghinalaan Niyang Beki ang Kaniyang Pihikang Kaibigan; Hindi Niya Inaasahang Mayroon pala itong Itinatagong Malalim na Dahilan
“O, Annika, bakit aalis ka na?” takang tanong ni Carla sa kaniyang katrabaho nang makitang balak na nitong umuwi gayong bago pa lang nagsisimula ang date na i-s-in-et up niya para dito at sa best friend niyang si Kael.
Sinimangutan naman siya ni Annika bago ito sumagot. “Hindi mo naman kasi sinabing hambog ’yang kaibigan mo, Carla! Kauupo ko pa lang sa harap niya, biglang sinabi sa akin na hindi niya raw ako type!” nakangiwing sabi pa nito na nagpanganga nang malaki kay Carla!
Hindi na siya nakapagsalita pa hanggang sa talikuran siya ni Annika at iwang naiinis sa kinatatayuan niya, kaya naman nang makabawi ay marahas niyang nilingon ang puwesto ng kaibigang si Kael at galit siyang lumapit sa binata.
“Ilang beses mo bang gagawin ’to, Kael? My gosh! Pang-ilang date na ba itong sinira mo?” naiinis na tanong ni Carla sa kaibigang ngayon ay prenteng kumakain lamang ng kaniyang in-order na dessert sa coffee shop na ’yon. Sa totoo lang ay hindi naman ito ang unang beses na sinira ni Kael ang date na inihanda niya para dito. Matagal na kasi niyang gustong magkaroon ng girlfriend ang kaibigan niyang ito, ngunit hindi naman ito gumagawa ng paraan, kaya naman naisipan ni Carla na siya na lang ang maghanap ng babaeng maaari nitong makatuluyan.
Natatakot kasi siya na baka ayaw lang nitong magkanobya dahil sa traumang inabot nito noong maghiwalay ang mga magulang nito. Iniisip niya na baka takot itong magmahal kaya naman gusto niyang tulungan ang kaibigan.
“Ikaw na lang ang umupo d’yan, Carla. Tayo na lang ang mag-date,” nangingising sagot lang naman sa kaniya ni Kael na nagpabuntong-hininga na lang sa kaniya.
“Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko sa ’yo, Kael. Nauubusan na ako ng mga kakilalang babae na mairereto sa ’yo dahil lahat sila, inaayawan mo,” sapo ang noong aniya pa sa kaibigang tuloy lamang sa pagnguya ng kinakain nitong pie. “Minsan tuloy, napapaisip ako sa dahilan kung bakit ganiyan ka…”
Napataas naman ang kilay ni Kael sa narinig na sinabi niya. “At ano naman ang dahilang nasa isip mo, aber?” tanong pa nito sa kaniya.
“Hindi kaya, beki ka?” bulalas niya na nagpaubo kay Kael.
“A-ano?!” utal pang reaksyon nito.
“Alam mo, matatanggap naman kita, bro. Umamin ka na! Beki ka b—”
“Tumigil ka nga, Carla. Hindi ako beki, ’no! Napaka-judgemental mo.” Napairap pa sa kaniya ang kaibigan. “Manhid ka lang kasi kaya hindi mo alam ang dahilan kung bakit ayaw kong makipag-date sa mga babaeng inirereto mo,” dagdag pa nito matapos bumaling sa ibang direksyon.
Sa pagkakataong ito ay si Carla naman ang nagtaas ng isang kilay. “Ano’ng ibig mong sabihin d’yan?” Humalukipkip pa siya bago isinandal ang kaniyang likuran. Bigla naman siyang tinitigan ni Kael nang mataman. Dahil doon ay tila biglang nakaramdam ng pagkailang si Carla, lalo pa at ngayon lang siya tiningnan ni Kael nang ganoon.
Ilang sandaling namayani ang katahimikan sa kanilang paligid, hanggang sa bigla ’yong basagin ng binata sa pamamagitan ng isang nakabibiglang balita. “Ayaw ko sa mga babaeng ’yon dahil ikaw ang gusto ko, Carla. Ikaw ang gusto kong ligawan at hindi sila,” pag-amin nito sa lihim na matagal na niyang kinikimkim.
Biglang natahimik si Carla sa narinig. Malakas ang naging kalabog ng kaniyang dibdib dahil hindi niya inaasahan ang sasabihing iyon ng kaibigan. Ang buong akala niya, kailan man ay hindi magagawang ibalik ni Kael ang damdamin niya kaya naman natakot siyang umamin dito. Bukod doon ay ayaw niya ring masira ang pagkakaibigan nila… ngunit ngayon ay nalaman niyang nagkamali pala siya ng hinala.
“Okay lang naman kung hindi mo ako gusto pabalik, Carla… pero sana, itigil mo na ang ginagawa mong pagrereto sa akin ng kung sino-sinong babae. Hayaan mo na lang akong gustuhin ka kahit ayaw mo sa ak—”
“Pero gusto rin naman kita…” biglang putol ni Carla sa sinasabi ni Kael. “Matagal na kitang gusto, Kael. Natatakot lang akong baka hindi mo ’yon masuklian at ikasira pa ’yon ng pagkakaibigan natin.”
Napanganga si Kael sa naging sagot ni Carla ngunit nang makabawi ang binata ay halos mapunit naman sa lawak ng pagkakangiti ang kaniyang mga labi! Bigla siyang tumayo sa kaniyang kinauupuan pagkatapos ay sinunggaban ng mahigpit na yakap si Carla na malugod namang tinugon ng dalaga.
Hindi na dumaan pa sa ligawan ang dalawa dahil agad na silang nagdesisyong maging opisyal na magkasintahan. Ganoon pa man ay ginawa ni Kael ang lahat upang iparamdam kay Carla kung gaano niya ito kamahal habang tinugon naman iyon ni Carla ng katumbas na pag-ibig. Kaya’t hindi nagtagal ay humantong din sa kasalan ang dalawa.