Minsan nang Niloko ng Kaniyang Nobyo ang Babae Ngunit Mabilis Niya Itong Pinatawad; Paano Kung Hindi pa rin pala Ito Natututo?
Malapit na ang third anniversary nina Sarah at Micoy kaya naman sabik na sabik na si Sarah. Nag-ipon siya ng pera para makabili siya ng cake at lobo dahil nais niyang sorpresahin ang nobyo. Balak niya itong puntahan sa tinutuluyan nitong apartment ngayon.
Wala na kasing oras si Micoy na lumabas ng bahay dahil sa sobrang dami nitong ginagawa. Nagtatrabaho kasi ito bilang isang homebased call center agent bilang pangsuporta sa pag-aaral nito. Pareho silang nag-aaral pa ng kolehiyo.
Maagang nagising si Sarah dahil maaga ring dumating ang cake na kaniyang in-order online. Inilagay na niya ito sa ref dahil mamayang alas tres ng hapon pa naman siya pupunta sa apartment ni Micoy. Nagluto si Sarah ng paboritong pagkain ni Micoy at ang iba naman ay binili na lang niya. Talagang pinag-ipunan at pinaghandaan ni Sarah ang anibersaryo nilang ito ng kaniyang nobyo.
Mabilis siyang nakarating sa apartment ni Micoy dahil swerteng walang trapiko habang papunta siya roon. Dahan-dahang binuksan ni Sarah ang pintuan ng apartment ng kaniyang nobyo, tutal ay hindi naman iyon naka-lock.
“Babe?” tawag niya kay Micoy, ngunit walang sumagot kaya naman dumiretso na lamang siya sa kwarto nito.
Ngunit ikinagulat na lang si Sarah ang sitwasyong naabutan niya roon…
Nahulog ang cake na hawak niya at nabitiwan niya rin ang mga lobo, nang makita niyang may ibang babaeng kasama si Micoy sa kwarto… ang masakit pa’y pawang parehong walang suot na saplot ang mga ito!
“B-babe?!” halatang gulat na nasambit ni Micoy nang siya’y makita. “A-ano’ng ginagawa mo rito? Hindi ko alam na… pupunta ka!”
“Ano’ng ginagawa ko rito?! Nakalimutan mo na ba? Third anniversary natin ngayon, Micoy!” naluluhang sagot naman ng dalaga.
“Babe, I-I’m sorry!”
Sinubukan siyang pigilan ni Micoy ngunit wala na itong nagawa dahil mabilis siyang nakatakbo palayo at nakasakay sa taxi. Pagkauwi ni Sarah ay dumeretso agad siya sa kaniyang kwarto at doon umiyak nang umiyak. Nang gabing iyon ay nilunod ni Sarah ang sarili sa pag-inom ng alak, hanggang sa wala na siyang maalala.
Pagkagising niya nang umagang iyon ay sobrang sakit ng ulo niya. Agad siyang uminom ng tubig at naligo. Pagtapos niyang maligo ay pumasok siya sa kaniyang trabaho. Halos araw-araw ay gan’on ang naging sernaryo niya simula nang mahuli niya ang panlolokong iyon ng kaniyang nobyo. Pinapagod niya ang kaniyang sarili.
Makalipas ang halos isang linggo ay ‘di inaasahang nagpunta sa kaniyang bahay si Micoy. Humingi ito ng tawad para sa nagawang kasalanan. Masiyadong malambot ang puso ni Sarah kaya naman mabilis niyang pinatawad ang nobyo.
Ngunit anim na buwan, makalipas silang magkabalikang muli, muling inulit ni Micoy ang kaniyang ginawang pagkakasala.
Galing si Sarah sa trabaho noon nang makita niya si Micoy na may kahalikang babae. Dumaan kasi siya sa mall nang araw na iyon upang bumili ng make-up at naisipan niyang magpunta sa C.R. matapos iyon. Doon ay natagpuan niya ang kaniyang manlolokong nobyo!
“M-micoy?” nauutal na tawag ni Sarah noon sa nobyo. Nang lingunin siya nito ay isang malakas na sampal ang ipinadampi niya sa pisngi nito bago niya ito iniwan, kasama ang babaeng nahuli niyang kahalikan nito.
Ngunit agad siyang hinabol ni Micoy. Nahablot nito ang kaniyang braso at nang harapin niya ito’y may pagmamakaawa sa mukha nito.
“Magpapaliwanag ako, Sarah. Hindi ko sinasadya ’yong nangyari! Inakit niya lang ako! Patawarin mo ako, please!” anang binata.
“Patawarin?” Natatawang inulit naman ni Sarah ang tinuran ng nobyo. “Pinatawad na kita noon at tinanggap kita ulit! Sabi mo magbabago ka na, sabi mo itutuwid mo ang mga pagakakamali mo! Hindi ba, nangako ka? Nangako kang babaguhin mo na sarili mo at hindi mo na ako lolokohin? Pero hindi ka nagbago, Micoy. Nagkamali akong tinanggap kita ulit at nagsisisi ako. Once a cheater, always a cheater! Sa pagkakataong ’to, kahit lumuha ka ng dugo ay hindi na kita patatawarin pa,” mahabang sabi ni Sarah kay Micoy.
Pinahid ng dalaga ang luhang pumatak sa kaniyang mga mata at huminga siya nang malalim. “Hindi dapat iyakan ang katulad niya,” pagpapaalala niya sa kaniyang sarili.
Makailang ulit pa siyang tinangkang suyuin ni Micoy, ngunit talagang natuto na siya. Mabuti na lamang talaga at habang maaga pa ay nakita na niya ang tunay na kulay ng nobyo.
Habang si Micoy naman ay naging miserable ang buhay nang mawala ang kaniyang pinakamamahal palang si Sarah. Saka niya lamang iyon napagtanto nang wala na ito sa kaniya. Magsisi man siya ay huli na ang lahat. Hindi na niya maibabalik pa ang dating tiwala at pagmamahal ng dating nobya.