Inday TrendingInday Trending
Pasaway ang Batang Ito sa Tahanan man o Eskwelahan; Makikilala Niya ang Isang Kaibigang Magpapabago ng Kaniyang Pananaw sa Buhay

Pasaway ang Batang Ito sa Tahanan man o Eskwelahan; Makikilala Niya ang Isang Kaibigang Magpapabago ng Kaniyang Pananaw sa Buhay

“Kelly!” malakas na hiyaw ng kaniyang ina sa pangalan ng dalagang si Kelly. “Tanghali na, hindi ka pa rin ba babangon d’yan? Papasok ka pa!”

“Ito na!” pabalang namang sagot ng dalaga habang pupungas-pungas pa siya ng kaniyang mga mata. Bubulong-bulong pa ang dalaga habang kumikilos at naghahanda sa pagpasok sa eskuwela. Alam naman kasi ng kaniyang ina na ayaw niyang binubulahaw sa umaga pero ginagawa pa rin nito iyon, araw-araw!

Nang matapos sa paghahanda si Kelly ay dire-diretso siyang umalis ng bahay. Ni hindi niya na pinagkaabalahan pang magpaalam sa kaniyang ina o ’di kaya’y kainin man lang ang almusal na inihanda nito.

Simula nang iwan sila ng kaniyang ama, naging ganoon na ang pakikitungo nila ng kaniyang ina sa isa’t isa. Paano’y ang ina ang sinisisi ni Kelly kung bakit sila iniwan ng kaniyang ama. Katuwiran niya ay hindi naman ito sasama sa ibang babae kung naging sapat lang ang pag-aalaga ng kaniyang ina rito.

Naging rebelde si Kelly sa ina, kaya naman maging sa eskuwelahan ay sakit siya sa ulo ng mga guro. Lapitin siya ng mga gulo, mahilig siya sa kalokohan ’tulad na lang ng pagka-cutting classes, pagsagot sa guro, at pagsisimula ng mga birong hindi naman nakakatuwa.

Pasado alas otso na nang makarating si Kelly sa eskuwelahan. Huli na siya sa klase nang halos isang oras. Binuksan niya ang pintuan ng kanilang classroom at tuloy-tuloy siyang pumasok sa silid na para bang hindi niya nakitang may gurong nagtuturo sa unahan. Ni hindi man lang siya bumati.

Napailing na lamang ang guro nang basta na lamang isalampak ni Kelly ang kaniyang bag sa sahig at animo sigang naupo sa kaniyang upuan. Ganoon pa man ay hindi na lamang siya nito pinansin at nagpatuloy na lamang sa pagtuturo.

Maya-maya, napansin ni Kelly na mayroong bagong mukha sa kanilang klase. Katabi niya ito sa upuan. Naalala niyang nabanggit nga pala ng kaniyang guro na mayroong magta-transfer na bagong estudyante sa kanilang eskuwelahan at sa section nila ito itatalaga.

Kinalabit ni Kelly ang binatang tahimik lang na nakatulala sa kaniyang tabi. Agad naman siya nitong nilingon.

“Ako nga pala si Kelly.” Inilahad niya ang kaniyang kamay bilang pakikipagkilala.

“D-darren,” sagot naman nito na inabot din ang kaniyang palad.

Nang araw na iyon ay nagpasya si Kelly na huwag munang mag-cutting classes upang samahan ang bagong kakilala. Paano’y mukha itong malungkot. Naaalala ng dalaga sa binata ang kaniyang sarili noong mga panahong bago pa lamang silang iniwan ng kaniyang ama.

Nang mag-uwian ay sinundan pa ni Kelly ang kaklase upang malaman kung saan ito nakatira. Ngunit nakita niyang dumiretso ito sa bangketa. Pinuntahan ng binata ang isang matanda at agad siyang nagmano rito. Pagkatapos ay naglatag ito ng isang tela sa sahig at doon ay isa-isang isinalansan ang mga gulay na laman ng bayong na dala ng matanda. Doon ay natanto ni Kelly na nagtitinda pala ang kaniyang kaklase ng gulay sa bangketa pagkatapos ng kanilang klase.

Nagpasiya siyang lapitan si Darren at kausapin, at dahil doon ay napag-alaman ni Kelly na ang binata pala ay nakatira lamang sa ilalim ng tulay kasama ang kaniyang lola mula nang iwanan ito ng mga magulang upang sumama sa kani-kaniya nilang bagong pamilya.

Biglang naalala ni Kelly ang ina. May pagpipilian din ito na iwan na lamang din siya sa puder ng isa sa kanilang mga kamag-anak lalo pa at napakapasaway niya, ngunit kailan man ay hindi nito iyon ginawa. Bagkus ay pilit pa rin siyang inintindi nito. Pilit siyang binubuhay kahit na mag-isa lamang siya.

Ngayon niya napagtatantong walang karapatang magloko ang kaniyang ama dahil simula’t sapul ay ang kaniyang ina naman ang nagtatrabaho para sa kanila.

Hindi namalayan ni Kelly na tumutulo na pala ang luha niya habang kausap si Darren. Nang magpaalam siya rito na uuwi na siya ay ngumiti lamang ito at saka siya tinanguan.

Madaling-madali si Kelly. Nang sa wakas ay makarating na siya sa kanila ay naabutan niyang naghahain na ng hapunan ang kaniyang ina.

“O, anak, halika na’t kumain na tayo,” sabi nito pagkakita sa kaniya.

Lalong nag-ulap ang mga mata ni Kelly nang masilayan ang pagod na mukha ng kaniyang mama. Hindi na niya napigilan ang sarili at tinakbo na niya ito at niyakap nang mahigpit.

Nagtataka ang kaniyang ina ngunit hinayaan lang siya nito. Ilang sandali silang nanatili sa gan’ong p’westo hanggang sa lumabas sa bibig ni Kelly ang mga katagang hindi niya inaasahang sasabihin niya sa ina…

“Mama, sorry po. Mahal kita, mama!” Iyon ang naging simula nang muling pagganda at pagtibay ng samahan ni Kelly at ng kaniyang mama.

Advertisement