Inday TrendingInday Trending
Masungit ang Among Ito sa Yaya ng Kaniyang Anak; CCTV ang Magpapatunay Kung Ano ang Iginaganti Nito sa Kaniyang Anak Kapag Siya ay Wala

Masungit ang Among Ito sa Yaya ng Kaniyang Anak; CCTV ang Magpapatunay Kung Ano ang Iginaganti Nito sa Kaniyang Anak Kapag Siya ay Wala

“Yaya!”

Isang sigaw pa lang ni Gwen ay agad nang kumaripas nang takbo ang bagong tanggap na yaya nila para sa kaniyang anak. Limang buwan pa lang mula nang siya ay makapanganak ngunit kinailangan na niyang muling bumalik sa trabaho.

Hindi magkandaugaga si Gwen sa pag-aasikaso ng kaniyang anak, at sa kaniyang trabaho kaya naman kinailangan niyang kumuha ng yaya. Paano’y iniwan sila ng ama nito noong ito ay ipinagbubuntis pa lamang niya. Dahil doon ay palagi ring mainit ang kaniyang ulo na madalas ay naibubunton niya pa sa kaniyang yaya, tuloy ay alam niyang nasusungitan ito sa kaniya.

“Yes, ma’am?” tanong ng kaniyang katulong na si Estel matapos nitong kumaripas papalapit sa kaniya.

“Aalis na ako. Si CJ, pakibantayan nang maayos. Hangga’t maaari, huwag kayong lumabas ng bahay. Delikado ang kumakalat ngayong virus. Ayokong mahawa ang anak ko, nagkakaintindihan ba tayo?”

“Yes, ma’am.”

Matapos bilinan ang kaniyang katulong ay agad nang umalis si Gwen sa kanilang bahay. Nang makarating siya sa kaniyang opisina ay nakasalubong niya roon ang kaibigan at katrabahong si Christine na animo pinagsakluban ng langit at lupa ang hitsura.

“O, ano’ng problema, Tin? Bakit ganiyan ang hitsura mo?” tanong niyang may bakas ng pag-aalala.

“Gwen, nalaman ko kasi na sinasaktan pala ng katulong namin ang papa kong bed ridden na. Nang subukan namin siyang komprontahin, ang katuwiran niya sa amin ay dahil masama raw ang ugali ng papa ko. Matanda na kasi ’yon kaya palaging mainit ang ulo. Dahil siya ang palaging kasama sa bahay, siya rin ang palaging pinagbubuntungan ng papa ko. Isang beses ay hindi na yata nakapagpigil kaya ginantihan ’yong matanda. Tapos, nagtuloy-tuloy na kaya ngayon, balak namin siyang ipakulong,” mahabang paliwanag naman ng namomroblemang si Christine.

Dahil doon ay biglang pumasok sa isip ni Gwen ang kaniyang anak na si CJ. Kinabahan siya. Hindi pa naman niya madalas i-check nang maayos ang kaniyang anak sa tuwing siya ay uuwi dahil pagod na pagod na siya sa trabaho para gawin pa ’yon.

Naisip bigla ni Gwen na maaari ring gawin ni Estel ang bagay na ’yon sa kaniyang anak, lalo pa at aminado naman siyang hindi ganoon kaganda ang trato niya sa kaniyang katulong.

Hindi makapag-focus sa trabaho si Gwen kaya naman nagpasiya siyang umuwi na lamang nang maaga nang araw na iyon. Dali-dali siyang nagpunta sa kaniyang kwarto at binuksan ang kaniyang computer upang suriin ang mga kuha ng CCTV simula nang pumasok sa kaniya si Estel.

Tutok na tutok si Gwen sa monitor ng kaniyang computer. Gulat na gulat siya sa nakita…

Dahil hindi ’tulad ng kaniyang inaasahan, si Estel ay maayos na inaalagaan ang kaniyang anak. Sa mga CCTV footages na kaniyang napanuod ay hindi niya maitatanggi na ang pag-aalaga ni Estel sa kaniyang anak ay puno ng pagmamahal at pagkalinga. Nakikita niya kasi kung paano ito mataranta sa tuwing iiyak si CJ. Kung paano ito malungkot sa tuwing hihikbi ang kaniyang anak, at kung paano ito sasabay nang tawa sa paghagikhik ng bata.

Halos ikatunaw ng puso ni Gwen ang nakitang tunay na pagkatao ni Estel. Pakiramdam niya nga ay mas nagiging ina pa ito sa kaniyang anak. Bigla siyang nagsisi dahil sa mga hindi magandang ipinakita niya rito, samantalang wala naman itong ibang ginawa kundi ang tulungan siya nang higit pa sa kaniyang trabaho. Hindi niya kailan man mababayaran ang pagmamahal na inilalaan ni Estel sa kaniyang anak.

Matapos iyon ay agad na hinanap ni Gwen si Estel. Hindi pa kasi nito alam na umuwi na siya dahil nga dire-diretso siyang pumasok sa kaniyang kwarto.

Naabutan niya si Estel sa mini-garden kasama si CJ. Nilalaro ng katulong ang kaniyang anak na noon ay nakagugulat na humahagikhik din naman.

“Ay, ma’am, nandiyan na po pala kayo. Pasensiya na po kayo kung dinala ko si CJ dito. Medyo maalinsangan po kasi ang panahon. Ayoko naman pong lakasan ang aircon sa kwarto kaya dinala ko na lang po saglit dito ang bata para makalanghap ng sariwang hangin,” agad nitong bati nang mamataan siya.

“Okay lang, Estel, salamat,” sagot naman niya nang nakangiti. Iyong tipo ng ngiting napakaamo.

Tila nagulat si Estel sa kaniyang naging tugon. Mukhang hindi nito inaasahan iyon.

“Estel, pasensiya ka na sa mga ipinakita ko sa ’yo n’ong una. Alam kong hindi naging maganda ang pagtrato ko sa ’yo at napakalaking mali n’on. Hayaan mo at babawi ako. Gusto ko lang magpasalamat sa lahat ng ginagawa mo para sa anak ko. Maraming salamat, Estel.”

Nagtataka man ay nakangiti na lamang na tumango ang katulong na simula ngayon ay ipinangako ni Gwen na ituturing niya nang kapamilya.

Advertisement