Inday TrendingInday Trending
Isang Sanggol ang Dumating sa Buhay ng Mahirap na Mag-asawa; Pabigat ba Ito o Pag-asa?

Isang Sanggol ang Dumating sa Buhay ng Mahirap na Mag-asawa; Pabigat ba Ito o Pag-asa?

Bagsak ang balikat na umuwi ang matandang si Aling Irma sa kanilang maliit na barong-barong. Naghahanap siya ng trabaho para naman may makain silang mag-asawa.

Baldado na ang asawa niya simula noong maaksidente ito. Hindi sila biniyayaan ng anak, kaya naman silang mag-asawa lamang ang magkasama sa buhay.

Isang malungkot na ngiti ang naging pambungad niya sa asawa na naabutan niyang naghihimay ng gulay na magiging hapunan nila.

“Wala, Ben. Susubok ulit ako bukas,” wika niya sa asawa.

Tumango ito bago ngumiti.

“Ayos lang ‘yun. May pangkain pa naman tayo. May awa ang Diyos, Irma,” nakangiting wika nito.

Halos maiyak si Irma nang makita niya ang malungkot na mukha ng asawa. Hindi man ito nagsasabi ay batid niya na sinisisi nito ang sarili sa paghihirap nilang mag-asawa.

Alam niya na kung hindi ito naaksidente ay ito ang kakayod para sa kanilang mag-asawa.

Nang gabing iyon ay malakas ang hangin at nagbabadya ang isang malakas na ulan.

Kasalukuyang nagsasalo sa isang payak na hapunan ang mag-asawa nang magsimulang tumulo ang malalaking patak ng ulan.

Saglit na napahinto sa pagkain si Irma nang sa kalagitnaan ng malakas na ulan ay isang kakatwang tunog ang narinig niya.

“Ben, narinig mo ba ‘yun?” kunot noong tanong niya sa asawa.

“Ang alin?”

“Parang may batang umiiyak!”

Saglit niyang pinakinggan ang paligid ngunit hindi siya makasigurado dahil sa lakas ng ulan.

Tumayo siya at binuksan ang bintana.

Mas lalong lumakas ang pag-iyak na naririnig niya!

Bitbit ang isang flashlight, lumabas si Irma upang suriin ang paligid. Ganoon na lamang ang pagkagulat niya nang sa nakatambak na basura ay makakita siya ng kung anong gumagalaw.

Nang ilawan niya iyon ay nakakita siya ng isang sanggol!

“Diyos ko! Sino naman ang nang-iwan sa pobreng batang ito?” nabiglang bulalas niya.

Basang basa ng ulan ang bata, kaya dali-dali niya itong binuhat at ipinasok sa loob ng bahay. Agad niya itong ibinalot sa isang tuyong tuwalya bago niya inihele ang bata upang tumigil ito sa pag-iyak.

Ang kaniyang asawa naman ay tigagal lamang na nakamasid sa munting estranghero na gumambala sa kanila sa maulang gabi na iyon.

“Kaninong anak naman kaya ‘yan? Grabe naman, iniwan na nga sa basurahan, iniwan pa sa ulanan!” tila galit na wika ng kaniyang asawa.

Pinagmasdan ni Irma ang batang natutulog. Sa tingin niya wala pang isang taong gulang ito.

Halos hindi siya nakatulog nang gabing iyon. Binantayan niya ang temperatura ng bata dahil baka lagnatin ito.Sa kabutihang palad naman ay mukhang malusog ang bata dahil hindi ito nagkasakit kahit na nababad ito sa ulan.

Kinabukasan, ipinagtanong-tanong niya sa mga kapitbahay ang tungkol sa bata. Wala naman makapagsabi sa kanila kung sino ang posibleng pamilya ng bata.

“Ano kaya kung ampunin na lang natin ang bata? Hindi ba’t matagal na rin naman nating gustong magkaanak?” isang araw ay suhestiyon ni Ben.

Kita niya sa mukha ng asawa na napalapit na rin ang loob ng asawa niya sa bata na pansamantala nilang pinangalanang “Anghela.”

Nginitian niya ang asawa. “Gusto ko, Ben. Napalapit na sa akin ang bata. Kaso ang pinag-aalala ko, paano tayo? Wala nga akong trabaho. Ayaw ko naman na maghirap din ang bata,” katwiran niya.

Tila naunawaan naman nito ang punto niya. Magsasalita na sana ito nang isang malakas na tinig ang gumulantang sa kanila.

“Irma! Irma!”

Nang buksan niya ang pinto ay nakita niya ang kapitbahay na si Arlene.

“Hindi ba’t naghahanap ka ng trabaho? Nagpapahanap ng tao ang kakilala ko sa pabrika. Gusto mo ba?” tanong nito.

Nagkatinginan silang mag-asawa bago siya sumagot.

“Oo naman, gusto ko. Maraming salamat, ha!” masiglang tugon niya sa kapitbahay.

Nang lingunin niya ang asawa ay malawak ang pagkakangiti nito habang nakikipaglaro sa bata.

“May trabaho na ako!” masayang pagbabalita niya sa asawa.

“Ano, pwede bang sa atin na lang si Anghela para naman may kasama ako sa bahay?” muli ay nakangiting ungot nito.

Nangingiting sumang-ayon na lamang siya sa asawa. Gusto niya rin naman na mapasakanila na ang bata. Sigurado siya na mamahalin nila ito at aalagaan na parang bang tunay nila itong anak.

Ang madilim nilang buhay ay tila nagliwanag dahil sa presensiya ni Anghela. Kagaya ng pangalan nito, tila ito anghel na nagpapaligaya sa kanilang mag-asawa.

Pulos magagandang balita rin ang dumating sa buhay nila simula noong dumating ito!

Una, nagkaroon siya ng maayos na trabaho. Makalipas lang ang ilang buwan ay na-promote siya at tumaas ang kaniyang sweldo.

Nang makapag-ipon sila kahit papaano ay nagtayo sila ng maliit na tindahan sa labas ng kanilang bahay. Naging matagumpay rin iyon, sa kanilang pagkagulat.

Nakapagpagawa sila ng bahay at unti-unti ay nakakapag-ipon na sila upang maipagamot niya ang kaniyang asawa.

Malaki ang paniniwala ng mag-asawa na ang batang si Anghela ang nagdala ng sunod-sunod na swerte sa buhay nilang mag-asawa.

Ilang taon ang lumipas, asensado na ang buhay ng mag-anak at muli nang nakakalakad si Ben. Limang taon na rin si Anghela ngunit hindi na nila nahanap ang pamilya ng bata.

Wala ring kahit na anong maaring makapagturo kung saan ito nagmula, o kung sinong nag-iwan dito sa labas ng bahay nila.

Hindi man nila alam kung saan nagmula ang bata ay masayang masaya silang mag-asawa. Naisip nila na marahil ay isa nga itong anghel sa langit na ipinadala ng Diyos sa kanila upang magbigay pag-asa.

Advertisement