Inday TrendingInday Trending
Nainggit ang Ginang sa Magandang Buhok ng Kaniyang Kumare; Nagulat Siya sa Sinapit ng Kaniyang Pinakamamahal na Buhok

Nainggit ang Ginang sa Magandang Buhok ng Kaniyang Kumare; Nagulat Siya sa Sinapit ng Kaniyang Pinakamamahal na Buhok

Purong paghanga ang mababakas sa mata ng bawat kababaihan sa mesang iyon nang dumating si Elsa.

“Elsa, ang laki naman ng iginanda mo dahil sa buhok mo! Para kang bumata ng sampung taon!” narinig ni Tess na puri dito ng isa nilang kaibigan.

Nang maupo ito sa tabi niya ay hindi niya pinalampas ang pagkakataon na usisain ito.

“Mare, ang ganda naman ng buhok mo, saan mo pinagawa ‘yan?” tanong niya sa kaibigan.

“Ah, mare. Sa Queenie’s Beauty Salon,” nakangiting tugon nito.

Bahagyang nawala ang ngiti sa labi niya. Nagsasabi ba ito ng totoo? Napakamahal magpagawa ng buhok sa Queenie’s Beauty Salon! Kaya nga ni minsan ay hindi siya nagtangkang pumasok doon.

“Grabe, mare. Hindi ba’t mahal doon?” namimilog ang matang usisa niya.

“May kamahalan nga. Pero sulit naman. Regalo lang din ng asawa ko, kasi anniversary namin,” tila kinikilig na pagkukwento nito.

“Magkano ang ibinayad mo, mare?”

“Halos umabot ng sampung libo, eh. Siguro dahil mahaba ang buhok ko.”

Nagulat man sa sinabi ng kumare ay hindi siya nagpahalata. Lihim na lang na napaismid siya habang ang mga mata niya ay nakapako pa rin sa magandang buhok nito.

Gusto niya rin na gumanda nang ganoon ang buhok niya! Hindi niya naman siguro kailangan gumastos ng ganoon kamahal!

Kinabukasan, bitbit ang pera na naitatabi niya ay nagtungo siya sa salon na binanggit ng kaibigan.

“Ma’am, ano pong ipapagawa niyo?” magiliw na tanong ng receptionist.

“Ah, magpapa-rebond sana ako ng buhok. Mga magkano ba ang ganito kahaba?” pasimpleng usisa niya sa babae.

“Ma’am, aabot po siguro sa mga ten thousand,” sagot nito.

Nanlaki ang mata niya. Hindi kakasya ang dala niyang anim na libo!

“Ano? Ang ikli ikli lang ng buhok ko, sampung libo ang singil niyo?” inis na kastigo niya sa babae.

“Naku, Ma’am, kasi po magaganda at de-kalidad na produkto po talaga ang gamit namin dito. Walang halong kemikal na nakakasira ng buhok, kaya wala po kayong dapat ipag-alala,” malumanay na paliwanag nito.

“Kahit na! Napakamahal pa rin!” masungit na utas niya.

Tila nag-isip ang babae bago muling nagsalita. “Ma’am, kung hindi niyo naman po kaya ang halaga, pwede naman po na ibang treatment na lang–”

Tila nagpanting ang tenga niya sa narinig. “Sinasabi mo ba na mukha akong walang pambayad?” taas kilay na tanong niya sa babae.

Agad na namutla ito. “H-hindi naman po, Ma’am. Maganda naman po kasi ang buhok niyo, hindi na po kai–”

“Ayoko na rito! Ang panget ng serbisyo!” putol niya sa sinasabi nito bago nagdadabog na nilisan ang Queenie’s Beauty Salon para hindi siya tuluyang mapahiya.

Hindi pa man siya nakakalayo ay isang babae na ang humabol sa kaniya.

“Madam! Madam!”

Iritableng nilingon niya ang babae. Bata pa ito at maganda. Pero ang nakaagaw ng pansin niya ay ang maganda nitong buhok.

“Bakit ba?” mataray na tanong niya.

Agad na napukaw ang kaniyang interes sa sunod na sinabi nito.

“Narinig ko kasi ang usapan niyo nung receptionist sa Queenie’s Beauty Salon. Dati kasi akong empleyado doon, kaya po alam ko ang mga proseso nila. Mayroon din ako ng mga ginagamit nila sa buhok ng mga customer. Gusto niyo po, ako na lang ang mag-rebond sa’yo?” nakangiting alok nito.

“Magkano naman ang ibabayad ko sa’yo?” walang pagdududang usisa niya sa babae habang nakatingin sa magandang buhok nito.

“Kahit kalahati na lang ng totoong halaga, Madam. Limang libo.”

Agad siyang pumayag sa alok ng babae. Mukha namang magagawa nito nang maayos ang buhok niya.

Sa isang pipitsuging salon sila nagtungo. Doon daw kasi nagtatrabaho ang babae na nagpakilalang si Abigail. Luma ang mga kagamitan doon, ngunit napalis ang pag-aalala niya nang makitang alam ni Abigail ang ginagawa nito.

Masaya pa silang nagkwentuhan habang babad sa kemikal ang buhok niya.

Makalipas ang higit anim na oras ay tuwang tuwa siya sa naging resulta.

Napakaganda na ng buhok niya! Unat na unat iyon at itim na itim.

Sa sobrang tuwa niya ay dinagdagan niya pa ng isang libo ang bayad sa dalaga. Walang makapagsasabi na mura lamang ang ibinayad niya para doon! Para talaga iyong ginawa sa Queenie’s Beauty Salon!

May malaking ngiti sa labi si Tess habang sinusuklay niya ang maganda niyang buhok nang gabing iyon.

May iilang buhok na nalalagas subalit hindi siya nag-alala dahil normal lang daw iyon, ayon kay Abigail.

Prente siyang natulog nang gabing iyon.

Kinabukasan, isang nakabibinging tili ang bumalot sa buo nilang kabahayan. Pagtayo niya kasi mula kama ay nakita niya ang sandamakmak na buhok na naiwan sa unan niya.

Nang suklayin niya ang buhok ay mas maraming buhok pa ang nalagas! Ang dating makapal niyang buhok ay ubod ng nipis na. Halos makita niya na ang anit niya!

Anong ginawa ni Abigail sa buhok niya?

Galit na galit na tinungo niya ang salon na pinagtatrabahuhan ni Abigail ngunit walang tao doon. Kahit anong kalampag niya ay walang Abigail na lumabas.

Bumagsak ang balikat niya nang marinig ang sinabi ng isa sa mga dumadaan.

“Hay naku, may nagpaloko na naman kay Abigail!”

Nang magtanong tanong siya ay nalaman niya na isa palang manloloko si Abigail. Hindi totoo na dati itong nagtatrabaho sa Queenie’s Beauty Salon. Nambibiktima lang pala ito ng mga kagaya niya na nagnanais makatipid.

Sising-sisi si Tess. Nawalan na nga siya ng anim na libo, nasira pa ang pinakamamahal niyang buhok! Sana pala ay hindi siya nainggit sa kumare niyang si Elsa! Iyon tuloy ang napala niya.

Advertisement