Inday TrendingInday Trending
Grabe ang Sakripisyo ng Ina Niyang Mananahi; Ito ang Naging Ganti Niya Makalipas ang Ilang Taon

Grabe ang Sakripisyo ng Ina Niyang Mananahi; Ito ang Naging Ganti Niya Makalipas ang Ilang Taon

“‘Nay, alis na po ako,” paalam ni Paula sa kaniyang ina na maaga pa lang ay nasa harap na ng makina, nananahi. Napapaligiran ito ng mga tela, medida, sinulid, gunting, at kung ano-ano pang gamit panahi.

Gayunpaman, hindi pa rin nito nakalimutan na magluto ng pagkain na almusal at pambaon niya.

“Kumain ka muna riyan, anak. Mabuting may laman ang tiyan mo bago ka umalis,” paalala nito na ngumiti pa nang lingunin siya.

Sumulyap siya sa kaniyang relong pambisig. Ang totoo ay malapit na siyang mahuli sa klase ngunit hindi niya kayang biguin ang ina lalo na’t alam niyang gumising pa ito nang maaga kaya naman ibinaba niya ang kaniyang bag at lumapit sa mesa para kumain.

“Ang aga mo po yata ngayon, Nanay?” usisa niya.

“Oo, ‘nak. Kailangan natin ng pera, lalo na ngayon.”

Kumunot naman ang noo niya sa narinig mula sa ina.

“Bakit po? May gusto po ba kayong bilhin?” nagtatakang tanong niya.

“Hindi para sa akin. Para sa matrikula mo sa kolehiyo.”

Ikinagulat niya ang sinabi nito. Madalas niya kasing sabihin dito na tutulong siya rito kapag nakapagtapos siya ng hayskul.

“‘Nay! Ano ka ba? Sabi ko po maghahanap na po ako ng trabaho pagkatapos ko ng hayskul para makatulong sa’yo! Hindi ko po na kailangan magkolehiyo. ‘Wag niyo na po alalahanin ‘yan,” natatawang giit niya.

Ngunit umiling lang ito bago ngumiti.

“Paula, alam kong gusto mong mag-aral, kahit na ilang ulit mong sabihin na hindi. Kilala kita, anak.”

Napayuko siya sa sinabi nito. Alam niya sa sarili na totoo iyon. Bata pa lang siya ay pangarap niya nang maging isang flight attendant. Ngunit habang tumatanda siya ay unti-unting namulat ang kaniyang mga mata sa reyalidad.

Mahirap lang sila at tanging ang pagiging mananahi ng ina ang bumubuhay sa kanilang dalawa. Dagdagan pa ng kaalaman na mahal ang matrikula sa kursong nais kaya tinanggap niya na noon pa man na hindi mangyayari ang pangarap na iyon. Ngunit heto ang kaniyang ina, tila walang planong sukuan ang pangarap niya.

“‘Wag kang mamroblema, anak. Responsibilidad ko bilang magulang mo na gawin ang lahat para sa ikabubuti at ikauunlad mo,” seryosong wika nito.

Pero kung gusto mo talagang bumawi sa akin, mag-aral ka nang mabuti,” dagdag pa nito.

Nangilid ang kaniyang luha. Hindi niya napigilan ang sarili na yakapin ito ng mahigpit habang tahimik na lumuluha.

Isang taon ang lumipas at nakapasok siya sa isang magandang paaralan. Nakakuha siya ng scholarship ngunit marami pa rin ang kailangan niyang bayaran tulad ng aklat at kung ano-ano pang proyekto. Ngunit kahit na minsan ay wala siyang narinig na reklamo mula sa ina.

Pursigidong-pursigido ito at buong araw itong nananahi ng mga damit para sa ibang tao. Subalit hindi nakaligtas sa kaniya na habang nananahi ito ng sandamakmak at naggagandahang mga damit, ang mga damit nito ay kung hindi butas, luma, o kupas na ang kulay.

Halos madurog ang puso niya dahil alam niyang lahat ng pinagpaguran nito ay sa pag-aaral niya napupunta. Hindi man lamang nito maibili ng kahit na ano ang sarili.

Tila nangapal ang mukha niya sa hiya nang maalala na kailangan niya na naman ng pera para makabili siya ng bago nilang uniporme. Napakamahal noon at alam niyang ilang araw na naman magpupuyat ang kaniyang ina para roon.

“‘Nay, gabing-gabi na po. Nakikita mo pa ba ‘yan?” nag-aalalang wika niya sa ina. Malabo na ang mata nito at ayaw niya naman na masaktan ito habang nananahi.

Agad itong tumigil sa ginagawa upang usisain siya.

“Kumusta, anak? Ayos naman ba sa eskuwela? May kailangan pa ba tayong bayaran? Magsabi ka lang at gagawan ko ng paraan,” tugon nito. May ngiti sa labi nito kahit pa kababakasan ng kapagalan ang mukha ng ina.

Pinigil niya ang pagtulo ng luha at umiling sa ina.

“Hindi naman siguro ako matatanggal sa eskwelahan kung hindi ako makakabili ng uniporme,” sa loob loob ni Paula.

Tumayo at may kinuha mula sa isang sulok ng maliit nitong silid.

Tuluyan na siyang naluha nang makita ang kinuha nito: ang isang pares ng uniporme na kanina lang ay pinoproblema niya!

“Para sa’yo, anak. Pasensiya ka na ha, hindi pa ako makaipon ng pambili ng uniporme mo, kaya heto, tinahi ko na lang para sa’yo.”

Hindi nakapagsalita si Paula sa sobrang pasasalamat niya sa napakabait niyang Nanay.

Ipinangako niya sa sarili na gagawin niya ang lahat para hindi masayang ang suporta at sakripisyo nito sa kaniya. Sa huli, magbubunga ang lahat ng pagod nito at susuklian niya ito ng maganda at masaganang buhay na nararapat para rito.

Kaya naman ginawa niya ang lahat para matupad ang kaniyang pangako. Puspusan siyang nag-aral. Sa tuwing nakararamdam siya ng panghihina ng loob ay palagi niya itong isinasaisip at isinasapuso.

Ginawa niyang inspirasyon ang ina sa lahat ng oras hanggang sa araw ng pagtatapos.

At hindi naman siya nabigo! Nagtapos siya sa kolehiyo na may nakasabit na medalya sa kaniya.

Hindi roon natapos ang lahat. Matapos siyang matanggap bilang isang flight attendant sa isang malaking airline company ay nagpursige siya hanggang sa makaipon sapat para makabili ng malaking bahay para sa kaniyang ina.

“‘Nay! May regalo ako sa’yo!”

Sabik niyang ibinigay rito ang kaniyang mga regalo. Ang susi ng bago nitong bahay, kasama ang tiket ng eroplano papunta sa ibang bansa, at isang magandang bestida.

Tumulo ang kaniyang luha nang makita ang reaksyon ng kaniyang ina sa mga regalo niya rito.

“Lagi kong naiisip dati na mananahi kayo pero ang damit niyo mismo, may butas o may mantsa habang ang sakin parating maganda at malinis. ‘Nay, maraming salamat po sa lahat. Hindi ko makakalimutan ang lahat ng ginawa mo para sa akin. Wala ako sa pwestong ‘to ngayon kung ‘di dahil sa’yo kaya kagaya ng pangako ko noon, gagawin ko ang lahat para mabigyan ka ng magandang buhay.”

“Buong buhay kang nagtrabaho para sa’kin dahil sabi mo, responsibilidad mo iyon bilang nanay ko. Pero ako naman po ngayon. Hayaan niyo po akong bumawi at ibigay sa’yo ang buhay na nararapat sa’yo,” lumuluhang litanya niya.

“Salamat po, Nanay. Salamat sa pagtulong sa akin na matupad ko ang aking pangarap. Kaya sasamahan kita sa lahat ng magagandang lugar na gusto mong puntahan!”

Hilam sa luha na nagyakap silang mag-ina. Masayang-masaya si Paula dahil sa wakas, natupad na ang kanilang mga pangarap. Mababayaran niya na ang mga sakripisyo ng kaniyang Nanay. Makakatulog na ito sa malambot na higaan, makakatira na ito sa isang magandang bahay, at makakapunta na ito sa iba’t-ibang magagandang lugar!

At sa wakas, makapagpapahinga na ang kaniyang ina nang hindi nito pinoproblema ang kinabukasan niya.

Advertisement