Inday TrendingInday Trending
Hindi Nila Matupad ang Huling Habilin ng Namayapang Ina; Ito ba ang Dahilan kaya Nagmumulto Ito?

Hindi Nila Matupad ang Huling Habilin ng Namayapang Ina; Ito ba ang Dahilan kaya Nagmumulto Ito?

Walang patid ang luha ng kambal na sina Jenny at Kenny.

Iyon kasi ang araw ng libing ng kanilang inang si Lolita. Pumanaw ito matapos nitong makipaglaban sa isang malubhang sakit.

Naalala pa ni Jenny ang huling habilin ng kaniyang ina.

“Hanapin niyo ang kakambal kong si Yolanda. Hindi ako matatahimik hangga’t hindi ko alam kung ano ang naging buhay niya sa pamilya na umampon sa kaniya.”

Sa ampunan lumaki ang kanilang ina at ang kakambal nito. Subalit nagkahiwalay ang mga ito dahil magkaibang pamilya ang umampon sa mga ito.

Noong nabubuhay pa ang kanilang ina ay sinubukan na nilang hanapin ang kanilang Tita Yolanda. Ngunit parati silang bigo.

“Jen, paano natin hahanapin si Tita Yolanda? Baka multuhin tayo ni Mama,” narinig niyang tanong ng kaniyang kakambal.

Apatnapung araw na ang lumipas simula nang ihatid nila ang kanilang ina sa huling hantungan, ngunit bigo pa rin silang magkapatid na makita ang kakambal nito.

Nangingiting nilingon niya ang kapatid. Napakamatatakutin talaga nito.

“Siguro maiintindihan naman ni Mama kung hindi natin matutupad ang hiling niya,” tugon niya sa kakambal.

Patuloy nilang hinanap ang kanilang tiyahin subalit bigo pa rin sila.

Isang taon makalipas ang pumanaw ang kanilang ina, nagtungo silang magkapatid sa paboritong lugar ng kanilang ina.

Isa iyong dagat sa isang liblib na probinsya. Ayon sa kanilang ina, iyon daw ang huling lugar kung saan nakasama nito ang kakambal. Kaya naman noong nabubuhay pa ang kanilang ina ay nagtutungo sila doon, isang beses sa isang taon.

Hindi matao doon, pero may mangilan-ngilan ding naroon upang lumangoy.

“Mama, kumusta ka na sa langit? Isang taon na rin simula noong iwan mo kami. Masaya ka ba riyan?” bulong ni Jenny habang nakatingala siya sa asul na langit.

Narinig niya ang mahinang paghikbi ni Kenny sa kaniyang tabi. Kagaya niya, alam niyang miss na miss na rin nito ang kanilang Mama.

“Mama, pasensiya ka na. Hindi pa rin namin nakikita ang kakambal mo. Pero ‘wag kang mag-alala, hindi kami titigil hangga’t hindi namin siya nakikita,” narinig niyang pangako ni Kenny.

Bilang pag-alala nilang magkapatid sa araw na iyon, gamit ang kanilang cellphone ay sandamakmak na selfie ang kinuha nilang magkapatid.

Ilang araw ang lumipas, isang nakakikilabot na larawan ang nakita ni Jenny habang iniisa-isa niya ang mga larawang kinuha nilang magkapatid.

Isa kasi sa mga larawan na nakunan nila ay kasama ang kanilang ina!

Makikita sa larawan ang nakangiti nilang mukha ng kakambal niyang si Kenny. Ngunit sa likod nila, makikita rin ang kanilang ina.

Ngunit paanong nakunan ng camera ang kanilang ina, gayong isang taon na itong pat*y?

“Kenny!” malakas na tawag niya sa kapatid.

Maging ito ay takot na takot nang makita ang larawan.

“Jen, sabi ko sa’yo, eh, mumultuhin tayo ni Mama kasi hindi natin matupad ang last wish niya!” hintakot na komento nito.

Nang ibahagi nila ang naturang larawan sa social media ay hindi nila inaasahang nag-viral iyon. Kagaya nila, natakot din ang mga tao sa kakatwang karanasan nilang magkapatid,

Kasalukuyan silang nagbabasa ng mga komento sa pinost nilang larawan nang isang komento ang pumukaw sa atensyon nilang magkapatid.

“Sa dagat ba sa Quezon kinuha ang larawan na ‘yan? Pumunta rin kami diyan noong isang araw. Hindi multo ‘yang nasa likod nila, Mama ko ‘yan, eh! Ganyang ganyan ang suot ni Mama nung pumunta kami!” komento ng isang nagngangalang Gemma.

Nagkatinginan silang magkapatid. “Tita Yolanda!” halos magkapanabay nilang bulalas.

Nang kontakin nila ang babaeng nagngangalang Gemma ay pinadalhan sila nito ng iba’t ibang larawan ng ina nito, na tunay ngang kamukhang-kamukha ng Mama nila!

Hindi sila nagkamali, “Yolanda” nga ang pangalan ng ina nito.

Tuwang-tuwa ang magkapatid. Sa wakas, mukhang tapos na ang paghahanap nila sa tiyahin.

Agad silang nakipagkita kay Gemma at sa ina nito. Tumulo ang luha nila nang makita ito sa personal. Tila bumalik ang buhay ng kanilang Mama.

“Ang mga pamangkin ko!” lumuluhang bulalas nito.

Labis ang paghihinagpis nito nang ibalita nila na wala na ang kanilang ina. Subalit masaya pa rin daw ito na nahanap nila ang isa’t isa.

Kagaya nila, matagal na rin pala nitong hinahanap ang kanilang ina.

Nang araw ring iyon, dinala nila ang tiyahin sa sementeryo upang muli nitong makasama ang kapatid na nawalay rito nang mahabang panahon.

“Lolita, ang kakambal ko. Masaya akong makilala ang mga pamangkin ko. Kagaya mo, mababait sila. Sayang at hindi na kita nakita. Pero ‘wag kang mag-alala, pwede ka nang mamahinga riyan. Ako na ang bahala sa mga anak mo, kagaya ng pangako natin sa isa’t-isa noon,” lumuluhang wika nito.

Noon tuluyang naintindihan nina Jenny at Kenny ang huling habilin ng kanilang ina. Kaya pala nito nais hanapin ang kakambal nito ay para ihabilin sila. Mahal na mahal talaga sila nito!

Alam nila na tuluyan na itong mananahimik.

Niyakap ng magkakambal ang tiyahin na magsisilbing ikalawa nilang ina. Sino nga ba ang mag-akala na ang inakala nilang multo sa larawan ay ang tiyahin na matagal na nilang hinahanap? Sadyang may kakaibang paraan talaga ang tadhana para pagtapuin ang mga nagkahiwalay!

Advertisement