Inday TrendingInday Trending
Itinaboy ng Ahente ng Bahay ang Matandang Mukhang Walang Pambili; Sa Huli ay Kay Laki ng Panghihinayang Niya

Itinaboy ng Ahente ng Bahay ang Matandang Mukhang Walang Pambili; Sa Huli ay Kay Laki ng Panghihinayang Niya

Hindi mapakali si Art habang hinihintay niyang dumating ang kaniyang kliyente.

Isa siyang ahente ng bahay. Daang milyon ang halaga ng bahay na kinatatayuan niya. Kaya kung bibilhin ng kliyente ang bahay na iniaalok niya ay malaking komisyon ang makukuha niya!

Nang may tumunog ang door bell ay patakbo niyang binuksan ang pinto.

“Mr. at Mrs. Punzalan, pasok po kayo!” bungad niya sa mag-asawa.

Hindi maiwasan ni Art ang mapangisi nang makita ang anyo ng mag-asawa. Bakas sa suot ng mga ito ang karangyaan. Hindi rin nakaligtas sa kaniyang paningin ang magarang kotse na nakaparada sa tapat ng bahay.

Halos nakikinita niya na ang daang libo na kikitain niya kapag nagustuhan ng mga ito ang bahay!

Malaki ang ngiti ng mag-asawa habang papasok sa bahay. Bakas sa mukha ng mga ito ang malaking paghanga habang inililibot ng mga ito ang tingin sa loob.

“Hon, ang ganda rito!” tuwang-tuwang komento ni Mrs. Punzalan.

“Jackpot!” sa isip isip ni Art.

“Mabuti naman at nagustuhan mo, Mrs. Punzalan. Bakit hindi natin libutin ang buong bahay para makita po ninyo ang bawat sulok ng bahay?” nakangiting alok niya.

Sunod-sunod na tango naman ang isinagot ng mag-asawa. Halatang sabik din ang mga itong makita ang buong bahay.

“Magsimula ho tayo sa ikatlong palapag kung saan natin makikita ang rooftop garden. ‘Yun ang pinakasikat na atraksyon ng bahay na ito,” aniya bago nagpatiuna sa pag-akyat.

Ngunit nakakailang hakbang pa lamang siya nang muling tumunog ang door bell. Nagtataka man ay bumaling siya sa mag-asawa.

“Mauna na po kayo sa itaas, susunod ako. Titingnan ko lang kung sino ang nasa pinto.”

May sinabi pa si Mr. Punzalan ngunit hindi niya na iyon tuluyang naunawaan dahil mabilis na siyang nakababa ng hagdan.

Iritable niyang binuksan ang pinto. Naiinis siya dahil may umistorbo sa pag-eestima niya sa kaniyang mga kliyente.

Isang matandang lalaki ang napagbuksan niya ng pinto. Nakasuot ito ng isang simpleng T-shirt at short.“Bakit ho kayo nandito?” taas kilay na usisa niya sa matanda.

“Hindi ba’t ibinebenta ang bahay na ito? Gusto ko kasing–”

“May mga kliyente na sa loob na tumitingin ng bahay. Sa tingin ko ay bibilhin na nila ang bahay,” putol niya sa sinasabi ng matanda.

“Alam ko, hijo. Gusto ko rin makita ang bahay kasi–”

“Umalis na ho kayo dahil nakakaistorbo kayo,” muli niyang putol sa anumang sasabihin ng matanda. Pinukol niya pa ito ng isang nanunuring tingin.

“Daang milyon ho ang halaga ng bahay na ito. Sa suot niyo pa lang ay sigurado ako na hindi niyo kaya ang presyo,” supladong bulalas niya bago ito pinagbagsakan ng pinto. Ini-lock niya pa iyon mula sa loob para masiguro na hindi ito magpipilit na pumasok.

Binalikan niya ang mag-asawa. Naabutan niya ang dalawa na manghang mangha sa magandang hardin sa itaas ng bahay.

Puro papuri lamang ang narinig niya sa mag-asawa ng ilibot niya pa ito sa ibang parte ng bahay. Kaya naman hindi pa sila tapos maglibot ay alam na ni Art na hindi palalampasin ng mag-asawa ang pagkakataon na mabili ang bahay.

“Noong una, akala ko, masyadong mahal ‘yung bahay. Pero ngayong nakapasok na kami, napakaganda pala talaga, kaya mahal,” natutuwang komento ni Mr. Punzalan.

“Perpekto ang bahay na ito para sa pamilya namin,” nakangiting wika naman ni Mrs. Punzalan.

Halos mapasigaw siya sa tuwa nang marinig ng naging desisyon ng mag-asawa.

“Art, nais namin bilhin ang bahay. Pero bago ‘yun, gusto sana namin na makita rin ng Papa ko ang bahay. Kasi siya ang magbibigay sa amin ng pambayad, bilang regalo niya sa amin. Kapag nagustuhan ni Papa ang bahay, kahit ngayon din ay pipirma kami ng kontrata,” wika ng lalaking Punzalan.

Isang malaking ngiti ang pumaskil sa labi ni Art.

“Walang problema. Nasaan ba ang Papa niyo?”

Kumunot ang noo ng babae.

“Hindi ko nga alam, eh. Akala ko kanina, siya na ‘yung nag-door bell. Pero bumalik ka naman na walang kasama. Sandali, tatawagan ko,” tugon nito.

May bumundol na kaba sa dibdib ni Art. Hindi naman siguro iyon ang matandang lalaki kanina, hindi ba? Hindi naman ito mukhang marangya kagaya ng mag-asawa.

“Papa, nasaan ka na po? Kanina ka pa namin hinihintay,” wika ng babae sa cellphone.

“Ano? Hindi ka pinapasok?” gulat ng babae sa kausap sa telepono.

Nagmamadaling binuksan ni Art ang pinto ng bahay. Doon ay nakatayo ang matanda kanina, hawak ang cellphone nito. Matalim ang tingin nito sa kaniya.

Dali-dali itong pumasok sa loob ng bahay.

“Pasensiya ka na, anak. Alam ko na gusto mo ang bahay, pero ayoko na gawan ng pabor ang mayabang na lalaking ‘yan. Nilait-lait ba naman ako niyan kanina, kesyo wala raw akong pambili ng ganitong bahay,” dire-diretsong kwento ng matanda.

Si Art naman ay tigagal na nakatingin lamang sa tatlo. Sa sobrang pagkapahiya, nang mga oras na ‘yun ay nais niya na lang na lamunin siya ng lupa.

Hindi niya inasahan na ang matandang pinaalis niya kanina ang siya palang magbibigay ng pambayad sa mag-asawa!

“B-baka naman po pwede n-nating p-pag-usapan,” nauutal na pakiusap niya.

Subalit pawang nadidismayang tingin ang pinukol sa kaniya ng mag-asawa bago naiiling na lumabas ng bahay ang mga ito.

“Hijo, ang trabaho mo ay hanapan ng magagandang bahay ang mga kliyente mo. Hindi kasama roon na sukatin mo ang pagkatao nila,” naiiling na payo pa ng matanda bago ito tuluyang umalis.

Naiwan si Art na nag-iisa sa loob ng bahay at tulala.

Labis ang panghihinayang niya. Nang dahil sa panghuhusga niya, pera na ay naging bato pa!

Advertisement