Inday TrendingInday Trending
Pinagsalitaan Niya ang Matandang  Namimigay ng Gulay; Natameme Siya nang Malaman ang Kwento Nito

Pinagsalitaan Niya ang Matandang Namimigay ng Gulay; Natameme Siya nang Malaman ang Kwento Nito

“Anak, ‘wag kang bibitaw sa akin, baka mawala ka,” babala ni Dana sa pitong taong gulang na anak na si Sharmaine.

“Opo, Mama,” masunuring tugon naman nito.

Kabado si Dana. Napakarami kasing tao sa palengke.

Sa totoo lang, ayaw niya sana isama sa pamamalengke ang anak subalit kinailangang pumasok ng kaniyang asawa sa opisina kaya naman wala siyang pagpipilian. Hindi niya naman maaaring iwan ang bata nang mag-isa sa bahay.

Pumasok sila sa palengke. Bahagya siyang nagtaka dahil tila mas maraming tao nang araw na ‘yon. Mas hinigpitan niya ang hawak sa anak.

Papunta silang mag-ina sa bilihan ng gulay nang mapansin na tila may pila. Halos magsiksikan na rin ang mga tao sa parteng iyon.

“Para saan ho ang pila na ito?” takang tanong niya sa isang babae.

“Ah, mayroon kasing namimigay ng libreng gulay, kaya nakapila kami,” sagot naman nito.

Hindi niya maiwasan na mainis at magkomento.

“Ano ba naman ‘yan, libreng gulay lang, pinagkakaabalahan pa? Ang mura mura lang ng gulay! Siksikan tuloy!” inis na bulong niya.

Nakita niya pa ang pagpakahiya na bumakas sa mukha ng babae bago niya ito tinalikuran.

Malapit na siya sa tindahan ng gulay nang mapansin niya na hindi niya na hawak ang kamay ng anak!

“Sharmaine, anak!” tarantang bulalas niya.

Sa sobrang dami ng mamimili, isama pa ang mga nakapila, ay hindi na niya matanaw ang anak.

Nagmamadali niyang hinawi ang mga tao, ‘di alintana ang inis na tingin na ibinabato ng mga ito.

Nagpalinga-linga siya ngunit hindi niya pa rin nakita ang anak. Grabe ang tibok ng kaniyang dibdib.

Nasaan na si Sharmaine?

“Mama!”

Napalingon siya nang marinig ang pamilyar nitong tinig sa kabilang panig ng palengke.

Nakahinga siya nang maluwag nang makita ang anak na kumakaway-kaway pa. Dali-dali niya itong nilapitan.

“Anak, akala ko, nawala ka na!”

“Natulak-tulak na po ako ng mga tao noong nagkahiwalay tayo, eh,” paliwanag naman nito.

Nakaramdam siya ng galit habang minamasdan ang mga taong nakapila.

Sino ba kasi ang namimigay ng gulay at nang-aabala sa mga mamimili?

Nagmamadali siyang nagmartsa papunta sa unahan ng pila. Doon ay nakita niya ang isang matandang marusing na ng-aabot ng gulay sa isa sa mga nakapila.

“Ano hong ginagawa niyo?” galit na sita niya sa matandang lalaki.

Gulat na napalingon ito lalo na’t mataas ang boses niya.

“Ah, namimigay ako ng libreng gulay. Gusto mo ba?” magiliw na tanong nito, na lalo niyang ikinainis.

“Bakit mo naman ako bibigyan ng gulay? Pulubi ba ako?” taas-kilay na tanong niya sa matanda.

Tila nagulat naman ito sa talim ng pananalita niya.

“May problema ho ba?”

“Dahil sa gulay na pinamimigay mo, napakaraming tao rito sa palengke! Muntikan pang mawala ang anak ko!” galit kastigo niya sa matanda.

Pinasadahan niya ng tingin ang matanda.

“Isa pa, tingnan mo nga ang itsura mo! Ang dumi-dumi mo! Mamaya niyan, makahawa ka pa ng sakit! Mabuti sana kung pera ang pinapamigay mo! Pero gulay? Anong gagawin ng mga tao sa gulay?” dagdag sermon niya pa.

Napayuko ito. Marahil ay napahiya ito lalo’t sinabihan niya ito sa harap ng maraming tao.

Tatalikod na sana siya ng marinig niyang magsalita ang matanda.

“Pasensya na at ito lang ang nakayanan kong ibigay. Ito lang ang meron ako bilang isang simpleng magsasaka.”

“Pero gusto kong ibalik ang tulong na nakuha ko noong nagkasakit ang anak ko. Ganti ko ito sa mga tumulong sa akin noon. Eto lamang ang paraang alam ko,” wika pa nito.

“Maaaring para sa’yo ay wala lamang ito. Maaaring gulay lang ito. Pero tingnan mo ang mga taong ito,” turo nito sa mga nakapila.

Hindi niya maiwasang lingunin ang itinuturo ng matanda.

Karamihan sa mga nakapila doon ay matatanda. May iilan pa na may kapansanan. Samantalang ang ilan ay may bitbit pa na anak.

“Maaaring para sa’yo ay gulay lang ito. Pero para sa mga taong ito, panglaman tiyan ito na magsasalba sa araw nila. Sana ay matuto kang umunawa,” malumanay na litanya ng matanda.

“Oo nga. Tama si Tatang. Umalis ka rito, nakakaabala ka sa mga tao na nakapila at naghahanap ng pagkain!” taboy sa kaniya ng isang babae na nasa pila.

“Maganda ang hangarin ni Tatay. Wala kang karapatang husgahan siya, lalo na kung hindi mo naman naiisip na tumulong sa mga nangangailangan,” komento naman ng isang matanda, na sa tingin niya ay isang mamimili.

Natameme siya. Napahiya sa sinabi ng matanda. Nakatungong naglakad siya palayo. Balot ng pagsisisi ang puso.

Tama ang matanda. Napagtanto niya na napakaganda nga naman ng intensyon nito para pagsabihan niya pa ito nang masama.

Hindi nga naman sa kaniya umiikot ang mundo. Ang mga bagay na halos walang halaga sa kaniya ay napakaimportante para sa iba.

Kaya natuto siyang hindi tumuligsa sa mga nangangailangan, lalong-lalo na sa mga nagnanais magbahagi sa mga nangangailangan.

Advertisement