Inday TrendingInday Trending
Pulang Kotse ang Pangarap ng Ama Para sa Kaniyang Sarili; Hindi Niya Alam na Matutupad Pala Ito Balang Araw

Pulang Kotse ang Pangarap ng Ama Para sa Kaniyang Sarili; Hindi Niya Alam na Matutupad Pala Ito Balang Araw

Masayang-masaya si Isaac habang masuyong nagmamaneho ang amang si Mang Lazaro sa kahabaan ng highway. Dumadampi sa mukha nila ang simoy ng hangin. Pinayagan kasi siyang buksan ang mga bintana. Abot-tanaw ni Isaac ang mga naraanan nilang bundok at kabukiran. Kitang-kita niya ang naglalagalablab na bolang apoy sa langit, ang nagbibigay ng liwanag sa buong mundo. Tila hindi napapagod sa pang-araw-araw na siklo ng buhay. Lulubog-lilitaw. Lilitaw-lulubog. Ang mahalaga, alam ng lahat na kahit na anong mangyari, walang makapipigil kay Haring Araw sa pagsipat sa santinakpan.

Kapag ganitong panginorin ang nakikita ni Isaac, naalala niya ang kaniyang mga pangarap. Sabi ng guro nila sa asignaturang Filipino, wala raw bayad ang pangangarap, kaya malaya ang sinuman upang gawin ito. Sa tuwing nakikita niya ang Haring Araw na sumisikat mula sa Silangan, tila kasing-init nito ang kaniyang pagnanais na tuparin ang kaniyang mga pangarap para sa kanilang mag-ama.

“Ang saya talagang may kotse, Tatay!” pahayag ni Isaac sa kaniyang ama. Kapag gayon ang sinasabi ni Isaac, sumisilay na ang mga ngiti sa labi ni Mang Lazaro. Maya-maya, magkukuwento na ito tungkol sa kasaysayan ng mga lugar na nararaanan nila. Mataman namang nakikinig si Isaac. Napakahusay ng kaniyang ama. Kagaya ng isang tour guide sa lakbay-aral na isa sa mga inaabangan niyang gawain ng kanilang paaralan.

Maya-maya, huminto na ang kotseng minamaneho ni Mang Lazaro sa isang mala-mansyong bahay.

“Anak, balik ka na sa kuwarter natin. Lilinisin ko pa itong sasakyan ni Boss. Maghanda ka na para sa pagpasok sa eskuwela.”

Tapos na ang ilusyon ni Isaac. Limang minutong pangarap. Pangarap na sana ay kanila ang kotseng minamaneho ng kaniyang ama. Ngunit hindi. Pagmamay-ari ito ng boss ni Mang Lazaro. Isang personal driver ang kaniyang ama ng isang mayamang pamilya.

Maya-maya, nariyan na ang masungit na boss ng kaniyang ama. Nakasimangot na naman ito.

“Ang tagal-tagal mo naman! Sinaid mo ba ang laman ng gasolinahan? Full tank ba ang pinagaas mo?” pabastos na tanong nito.

“Opo boss, full tank na po. Sige na anak, baba ka na at aalis na kami.”

Tinanaw lamang ni Isaac ang malaking itim na kotse na minamaneho ng kaniyang ama. Papasok na sa opisina ang amo nito.

Tumatak sa isipan ni Isaac ang minsang biro sa kaniya ng ama. Sabi nito, kapag nakatapos na siya ng pag-aaral, nagkatrabaho o umasenso na, sana raw ay mabilhan niya ito ng isang pulang kotse. Alam niyang nagbibiro lamang ang kaniyang ama, subalit para kay Isaac, isa iyong pangako na kailangan niyang matupad para sa kaniyang ama.

Kaya naman nagsumikap sa kaniyang pag-aaral si Isaac. Hindi niya binigo ang kaniyang ama. Lagi siyang may honor sa tuwing magtatapos ng taong pampanuruan. Sa huling taon sa hayskul, sinikap niyang mapabilang sa honor roll para sa iba’t ibang scholarship. Hindi naman nabigo si Isaac. Siya ang salutatorian, kaya naman may 50% siyang scholarship, sa kahit na aling kolehiyo na nais niyang pasukan, dahil sasagutin na ito ng kaniyang Alma Mater.

Hindi nagsayang ng sandali si Isaac. Habang kumukuha ng kursong Industrial Engineering, nagtatrabaho rin siya bilang service crew sa isang fast food chain. Naging part-time bagger din siya sa isang supermarket. Ginawa niyang araw ang gabi.

“Anak, baka naman mahulog na ang katawan mo niyan,” minsan ay paalala sa kaniya ni Mang Lazaro na noon ay medyo nagkakasakit-sakit na dahil sa edad.

“Hindi po iyan, Tay. Huwag po ninyo akong intindihin. Kaya ko po ang sarili ko. Oo nga pala, Tay. Ipakikita ko po sa inyo ang mga marka ko. Narito po sa website ng paaralan,” saad ni Isaac at ipinakita niya sa kaniyang hawak na gadget ang kaniyang mga marka.

Maligayang-maligaya si Mang Lazaro nang isabit niya ang medalya bilang Magna Cum Laude kay Isaac. Dahil may karangalan, pinayagan siya ng pamantasan na makapagturo siya bilang instructor. Sinamantala ito ni Isaac. Habang nagtuturo, nag-aplay at natanggap naman siya bilang isang in-house engineer sa isang kompanya.

Inipon niya nang inipon ang kaniyang suweldo, bonus, at 13th month pay hanggang sa maibili na niya ang pangako niyang pulang kotse sa kaniyang ama! Pinatigil na niya ito sa pagtatrabaho.

At ngayon, muli silang namamaybay sa highway, patungo sa lokasyon ng malaking bahay na binili na rin ni Isaac para sa kanilang dalawa. Tinupad ni Isaac ang kaniyang pangako sa kaniyang ama bilang pasasalamat at pagtanaw ng utang na loob.

“Maraming salamat anak. Hindi ko naisip sa tanang buhay ko na makakapagmaneho ako ng sarili kong kotse… at pula pa ha!” naiiyak ngunit nakangiting sabi ni Mang Lazaro sa anak.

“‘Tay, ako po, nakita ko na po na magmamaneho kayo ng sarili nating kotse, sa mga pangarap ko. Tinupad at isinakatuparan ko lamang po,” nakangiting saad naman ni Isaac.

At kapag tinitingnan niya ang Haring Araw sa kaitaasan, para ba itong nakangiti sa kaniya dahil sa naabot niyang mga pangarap, na mas malinaw pa sa kaniyang sinag.

Advertisement