Mahal ang Benta ng mga Gamot sa Botikang Ito, Hanggang Kailan kaya Magtatagal ito?
“Papa, kailangan ba talaga nating doblehin ang presyo ng lahat nang binebenta nating mga gamot? Hindi ba labag sa batas ‘yon?” pang-uusisa ni Mayeth sa kaniyang ama habang ito’y nagbibilang nang kinita nila buong araw.
“Magiging labag lang ‘yon sa batas kung may magsusumbong at magrereklamo. Sa ngayon naman, wala namang nagrereklamo, hindi ba? Tayo lang kasi ang nagbebenta ng gamot dito, anak, natural lang na mahal ang benta natin. Saka, ayaw mo ba nang marami tayong kinikita kada araw? Tingnan mo ang kaha natin, o, siksik liglig sa benta!” paliwanag ni Greg sa anak habang patuloy na nagbibilang ng pera, pinakita niya pa rito ang punong-punong kahang mayroon sila sa dami ng bumili ngayong araw.
“Syempre po, papa, gusto ko pong marami tayong benta pero sa mabuting paraan. Iyon bang tapat tayo sa presyo at mga mamimili,” tugon ng kaniyang anak na labis niyang ikinatawa.
“Walang negosiyanteng umaasenso sa ganyang prinsipyo, anak! Ngayong nag-uumpisa ka magnegosyo, kailangang maging matigas ang puso mo para umasenso!” pangaral niya rito dahilan para mapatahimik na lang ito at tumulong sa pagbibilang ng kanilang kinitang pera.
May-ari ng kaisa-isang botika sa kanilang lugar ang padre de pamilyang si Greg. Dahil nga siya lamang ang nagtitinda ng gamot sa kanilang buong lalawigan, lahat ng mamamayan na naninirahan dito, sa kaniya bumubili.
Bumaba man o tumaas ang presyo ng kaniyang mga binebentang gamot, wala siyang narinig ni isang hinaing sa mga tao rito na talaga nga namang nagbunga nang paglago ng kaniyang negosyo at pag-alwan ng buhay ng kaniyang buong pamilya.
Minsan lang siyang sumubok na magtaas ng presyo ng mga gamot at nang tangkilikin pa rin ito ng mga tao roon, hindi na niya muling binalik sa tapat ng presyo ang kaniyang mga gamot na naging dahilan nang lalong pagyabong ng kaniyang negosyo hanggang sa magpasiya na sila ng kaniyang asawa na magtayo ng panibagong botika sa kalapit lalawigan.
Dito niya inilagay ang kaniyang panganay na anak upang magbantay at mag-asikaso ng negosyo nilang ito. Upang kumita rin ang kaniyang anak, dinagdag niya ang kakarampot na ipon nito pagdagdag sa puhunan ng panibagong botikang ito.
Tila sinuwerte naman sila dahil ilang linggo makaraan nilang magbukas, kumalat naman ang nakahahawang sakit dahilan para ganoon na lang tangkilin ng mga mamamayan doon ang kanilang mga panindang gamot kahit na mahal.
Kaya lang, ganoon na lang nakokonsensya ang kaniyang anak sa laki ng tubo nila sa bawat gamot na kanilang binebenta dahilan para imulat niya ito sa kalakalan ng mga negosiyanteng katulad niya.
Itinatak niya sa isip nito na hindi uunlad ang panibagong botika na kanilang tinayo kung sila ay may pusong mamon para sa masa.
Ngunit, noong araw na ‘yon, habang sila’y nagbibilang, may isang aleng biglang kumatok sa bintana ng kanilang botika.
“Ay, ale, pasensya na, sarado na kami,” wika niya rito.
“Isasauli ko lang sana itong gamot na binili ng asawa ko kahapon. Bukod kasi ang mahal ng benta niyo, expired pa itong gamot,” paliwanag ng ale.
“Hindi kami nagbebenta ng expired na gamot, baka sa iba niyo ‘yan binili,” wika niya saka unti-unting sinasara ang kanilang bintana.
“Ito nga at may resibo pa, o, sa inyo ‘to binili. Sige na, ibalik niyo na ang pera ko, kailangan kong bumili ng bigas para may panghapunan kami,” pakiusap nito sa kaniya na hindi niya inintindi, bagkus, tuluyan niya pang sinara ang kanilang bintana at nagsara pa ng ilaw.
“Akala yata ng aleng iyon maiisahan niya ako. Aba, hoy, negosiyante yata ito!” pagmamalaki niya habang patawa-tawang pinakikinggan ang tila nagmamakaawang ale sa labas.
Kinabukasan, bago niya pa mabuksan ang naturang botika kasama ang kaniyang anak, sandamakmak na tao na ang nag-iingay sa harapan nito at nang kanila itong silipin, ganoon na lang siya labis na nanlamig.
May mga taong bayang nasa harapan nila at tila nagpoprotesta na sila’y magsara dahil sa mahal na gamot na binebenta nila. Sa pagkataranta niya, agad niyang kinuha ang kaniyang selpon upang humingi ng tulong.
Kaya lang, bago pa siya makahingi ng tulong sa kaniyang asawa, pinakita ng kaniyang anak sa kaniya ang isang bidyo nang nangyari kahapon sa pagitan niya at ng kawawang ale na talaga nga namang nagkalat sa social media dahilan para ganoon na lang siya mapailing.
Mayamaya pa, kinatok na sila ng isang ahensya ng gobyerno at nais na imbestigahan ang kanilang negosyo. Agad naman siyang pumayag dahil sa takot at nang mapatunayang mataas nga ang presyo ng kanilang mga paninda, agad itong ipinasara at sila’y dinala sa presinto.
Doon na natapos ang maliligayang araw na mayroon siya sa kaniyang negosyo dahil lahat ng kaniyang naipon, ipinangbayad niya lang sa kaniyang abogado at piyansa.
Pagsisisi ang talaga nga namang nangibabaw sa puso niya noong mga araw na ‘yon. Wika niya, “Kung naging tapat lang sana ako sa pagbebenta, sana, may inaasahan pa akong negosyo ngayong pandemya.”