Inday TrendingInday Trending
Sobra Kung Magmahal ang Dalagang Ito kahit Sinasaktan Siya ng Nobyo, Kailan kaya Siya Matututo?

Sobra Kung Magmahal ang Dalagang Ito kahit Sinasaktan Siya ng Nobyo, Kailan kaya Siya Matututo?

“Stephanie, ano na naman ‘yong balitaan kong nabugb*g ka na naman ng nobyo mo kagabi? Kailan ka ba magiging sa katotohanang hindi ka na mahal ng lokong ‘yon?” nanggagalaiting wika ni JC sa kaniyang kapatid, isang tanghali nang makita niya itong umiiyak sa sariling silid sa kanilang bahay at may mga pasa sa katawan.

“Kuya, mahal ako ni Jerome, sadyang nalasing lang talaga siya kagabi kaya niya ‘yon nagawa. Ako rin naman ang may kasalanan, eh. Pilit ko siyang kinukulit na umuwi mula roon sa inuman, eh, nagkakasiyahan pa sila ng mga tropa niya,” pagtatanggol ni Stephanie sa kaniyang nobyo habang pilit na itinatago ang mga pasang kanina pa pinagmamasdan ng kaniyang kuya.

“Naririnig mo ba ‘yang mga sinasabi mo, ha? Pinagtatanggol mo pa ang lalaking ‘yon? Ano, tuwing malalasing na lang ‘yan, magpapabugb*g ka? Gan’yan ba talaga ang itinuro sa’yo ni mama noong nabubuhay pa siya?” inis na tanong nito.

“Hindi, kuya,” nakatungo niyang sagot. “Iyon naman pala, eh, tapos magpapakat*nga ka sa lalaking pangit na nga, walang trabaho, nanakit pa! Isang beses pa talagang mangyari ‘yan, makakatikim na sa akin ‘yon!” sigaw pa nito sa kaniya na lalo niyang ikinaiyak.

Labis-labis kung magmahal ang dalagang si Stephanie na umaabot sa puntong wala nang natitira para sa kaniyang sarili. Kahit pera niya o pagkain, basta’t alam niyang mas kailangan ng kaniyang nobyo, siya’y magtitiis upang matugunan lamang ang pangangailangan nito.

Nakilala niya ang lalaking ito nang minsan siyang magtrabaho sa isang pabrika sa kanilang lugar. Empleyado rin ito noon doon at ito ang nagturo sa kaniya ng trabaho roon. Dito na siya unti-unting nahulog dito hanggang sa sila’y magkasundo nang pumasok sa isang relasyon.

At dahil nga wala na ang mga magulang niya, walang pumigil sa kagustuhan niyang ito bukod sa kaniyang kapatid na hindi naman niya pinakinggan.

Naging maayos naman ang relasyon nilang dalawa noong mga unang buwan, kaya lang, nang lumipas na ang isang taon, tila lumabas na ang tunay na kulay ng kasintahan niyang ito.

Dumadalas na ang pagsigaw nito sa kaniya, pangungupit ng pera at higit sa lahat, nagagawa na siya nitong pagbuhatan ng kamay tuwing ito’y nalalasing na labis niyang ikinakatakot.

Sa tuwing siya’y masasaktan nito, uuwi siyang luhaan sa bahay nila at isang paghingi lang ng tawad nito, muli na naman siyang babalik sa bahay nito na labis na ikinakagalit ng kaniyang kapatid.

Noong araw na ‘yon, katulad ng mga dati nilang pag-aaway ng kaniyang nobyo, isang tawag lang nito, agad niya itong pinatawad at bumalik sa bahay na iyon.

Tumakas lamang siya sa kapatid niyang galit na galit na sa kasintahan niyang iyon.

Bago pa siya umuwi sa bahay ng binata, dumaan pa siya sa pinakamalapit na grocery store upang bumili ng kanilang mga makakain, shampoo, sabon at kung ano pang magagamit nito upang matuwa ito sa kaniya.

Tila nagtagumpay naman siya dahil pagkarating niya, sinalubong siya nito nang mahigpit na yakap at mga halik na labis niyang ikinasaya.

Ngunit, kinagabihan, hindi niya mawari kung bakit may nagtutulak sa kaniyang kalikutin ang selpon ng binata. Kaya naman nang ito’y makatulog na, pasimple niyang pinuslit ang selpon nito at halos mawalan siya ng balanse sa katawan nang tumambad sa kaniya ang isang malaswang bidyo ng kaniyang nobyo pati ng isang hindi niya kilalang babae.

“Hindi, hindi ito totoo!” sigaw niya habang mangiyakngiyak dahilan para magising ang kaniyang kasintahan.

“Bakit ka ba nangingialam sa selpon ko, ha? Tapos iiyak-iyak ka riyan?” galit pang sabi nito saka agad na hinablot sa kaniya ang naturang selpon dahilan para lalo siyang maiyak, “Hindi ka titigil kakaiyak d’yan? Nakakarindi ka!” bulyaw pa nito.

Sa sobrang sama ng loob niya, hindi niya magawang tumigil sa kakaiyak na ikinainis ng binata at siya’y pinagsusuntok sa katawan. Doon na siya nagpasiyang tumakbo palabas dahil sa sakit at takot na nararamdaman.

“Tulong! Tulong!” sigaw niya habang iika-ikang tumatakbo.

Laking pasasamalat niya nang may makita siyang rumorondang mga tanong na agad siyang tinulungan.

Habang siya’y nasa daan patungong pulisya, roon niya labis na napagtantong hindi talaga siya mahal ng binatang iyon. Iyak siya nang iyak dahil hindi siya makapaniwalang nagawa niyang magpakat*nga para sa ganitong klaseng lalaki.

Hindi naman nagdalawang-isip ang kaniyang kapatid na ipakulong ang binatang iyon. Kahit na gipit din ito, matiyaga nitong iginapang ang kaniyang kaso para makuha ang kaniyang hustiya na labis niyang ipinagpasalamat hanggang sa tuluyan na siyang nakalaya mula sa kamay ng mapanakit na binata.

Advertisement