Wala ang Pangalan ng Ginang na Ito sa Listahan ng Mabibigyan ng Ayuda, Siniraan Niya Tuloy ang Kanilang Kapitan
“Mare, ano, nasa listahan ka ba ng mga makakatanggap ng ayuda bukas?” pang-uusisa ni Dang sa kaniyang kumare nang minsan itong mapadaan sa kanilang bahay habang siya’y abala sa pagtatanim ng halaman.
“Oo naman, mare, isa ang pamilya ko sa pinakagipit sa barangay na ito, magwawala talaga ako kapag wala ang pangalan namin sa mga mabibigyan ng pera. Nakita ko na rin ang pangalan ko at ng mga anak ko sa listahan kaya panatag na ako. Kayo ba?” kwento nito na labis niyang ikinainis.
“Naku, katulad noong isang taon, wala na naman ang pangalan namin sa listahan! Nagbabayad naman ng buwis ang mga anak ko dapat nandoon ang mga pangalan namin!” reklamo niya rito.
“Eh, mare, may trabaho naman kasi ang mga anak mo. Propesor ‘yong panganay mong anak, habang nagtatrabaho naman sa munisipyo ‘yong pangalawa mo at doktor ang bunso, siguro naman hindi niyo na kailangan ng ayuda,” mahinahong paliwanag nito sa kaniya na naging dahilan upang lalong tumaas ang dugo niya.
“Anong hindi kailangan? Ang ayudang ‘yan, para sa mga taong bayan! Hindi ba kami taong bayan? Ang sabihin mo kamo, galit ‘yang kapitan natin sa amin kaya hindi kami nililista! Ang laki-laki ng inggit niyan sa akin dahil sa mga trabaho ng anak ko!” sigaw niya, lalo niya pang nilaksan ang kaniyang boses nang mapadaan ang anak ng kanilang kapitan dahilan para siya’y awatin ng kaniyang kumare.
“Kumalma ka!” sigaw nito saka agad na siyang pinapasok sa kaniyang bahay.
Sa tuwing magbibigayan ng ayuda, palagi na lamang nagbubunganga ang ginang na si Dang sa harapan ng kaniyang malaking bahay. Palagi na lang kasi wala ang pangalan niya at ng kaniyang mga anak sa listahan ng mga makakatanggap ng naturang ayuda na labis niyang ikinaiinis.
Katwiran niya, “Dapat nand’yan ang pangalan ko at ng mga anak ko dahil katulad niyo, nagbabayad din naman kami ng buwis! Kailangan din namin ng tulong pinansyal! Hindi porque may trabaho ang mga anak ko, hindi niyo na kami bibigyan ng tulong!”
Sa katunayan, hindi naman niya talaga kailangan ng perang matatanggap sa ayuda. Nais niya lang makatanggap ng pera upang siya’y may sobrang perang maaari niyang gastusin sa online casino na kinawiwilihan niya.
Kaya ganoon na lang siya nanghihinayang sa perang hindi nabibigay sa kaniya na pakiwari niya, binubulsa ng mga opisyal sa barangay partikular na sa kanilang kapitan.
Ito ang dahilan para ganoon niya na lang siraan ang kanilang kapitan sa kanilang mga ka-barangay na kapwa niya hindi nakatatanggap ng ayuda.
May pagkakataon ding kapag dumaan sa kaniyang bahay ang sino mang kapamilya ng naturang kapitan, kung hindi niya pariringgan ang mga ito, sasadyain niya itong matalsikan ng winawalis niyang tubig o kung hindi naman kaniya itong ipapahiya sa kausap niya.
Nang araw na ‘yon, kahit na todo awat na ang kumare niya, hindi pa rin siya nagpatinag at kung anu-ano pang masasakit na salita ang sinabi sa anak ng kanilang kapitan. Wika niya pa rito, “Magiging kurakot ka rin pagdating ng panahon dahil nasa dugo niyo na ‘yan! Mga magnanakaw ng kaban ng bayan!”
Lalo pa siyang nainis nang hindi siya pansinin ng dalagang iyon, tinitigan lang siya nito at nginitian na ganoon na lang lalong nagpataas ng dugo niya.
Ilang minuto lang ang nakalipas, habang siya’y nagpapakalma, siya’y pinuntahan ng kanilang kapatid, mga kagawad at ilan pang mga opisyal ng barangay dahilan para mapatawa na lamang siya.
“Aba, nasa bakuran ko ang mga magnanakaw, saglit, kukuha ko kayo nang maiinom,” sarkastiko niyang sambit.
“Hindi na po kailangan, nandito kami para abisuhan kayo na mayamaya lang, iimbitahan na po namin kayo sa presinto,” magalang na wika ng kapitan.
“At bakit? Dahil nagrereklamo ako sa mga katiwalian ninyo?” inis niyang tanong.
“Sa presinto na lang po tayo mag-usap,” tugon nito na ikinatawa niya.
Pagkarating ng mga pulis, agad siyang sumama papunta sa presinto at doon siya nagtatatalak. Pakalmahin man siya, ayaw niyang makinig dahilan para sigawan na siya ng pinakamataas na pulis doon.
“Para po kasi sa mga mahihirap ang ayudang iyon! Mga walang makain, walang maayos na bahay at mga walang trabaho ngayong pandemya! Kung may reklamo kayo, sa munisipyo kayo magsabi, hindi ‘yong mag-eeskandalo kayo at maninira ng tao!” sigaw ng naturang pulis dahilan para siya’y mapatahimik.
Sa ginawa niyang iyon, siya’y nakasuhan ng paninirang puri na labis na ikinadismaya ng kaniyang mga anak at labis niyang pinagsisihan.
Wala siyang ibang magawa kung hindi ang maiyak sa bilangguan habang walang sawang humihingi ng tawad sa kanilang kapitan.