Siniraan ng Binatang Ito ang Nakapasang Aplikante, Katotohanan pa rin Kaya ang Manaig?
“Markus, sayang talaga, hindi ka nakapasa sa pagsusulit at interbyu! Gusto pa naman sana kitang makasama sa trabaho!” bati ni Henry sa binatang aplikante na nakausap niya sa paunang interbyung kaniyang ginawa, isang hapon nang makita niya itong nakatungo lamang sa hallway.
“Ayos lang na hindi ako nakapasa, sir, basta, alam kong hindi ako nandaya sa pagsusulit at lalo’t higit, hindi ko kinuntiyaba ang nag-iinterbyu para lang makapasa ako,” sagot ni Markus na talaga nga namang labis na ikinagulat ng empleyadong ito.
“Anong ibig mong sabihin?” pang-uusisa pa nito. “Iyong natanggap na aplikante, nakita ko ‘yong may kodigo noong kumukuha kami ng pagsusulit. Bukod pa roon, nakita ko rin siyang kausap ang dalagang nag-interbyu sa amin. Nagtatawanan pa nga sila habang nakapila sa bilihan ng kape riyan sa katapat na kapehan,” kwento niya rito habang iiling-iling.
“Sigurado ka ba sa sinasabi mo? Maaari naming tanggaliin ang binatang iyon kapag napatunayan na totoong nandaya siya, pati na ang empleyado naming nag-interbyu sa inyo,” sambit nito na bahagya niyang pasimpleng ikinangiti.
“Kitang-kita ng dalawa kong mga mata, sir,” pagpapatunay niya pa.
“Sige, isusumbong ko ‘yan sa manager namin. Kapag iyon napatunayan, tiyak, ikaw ang ipapalit doon,” sambit nito na lalo niyang ikinatuwa.
“Salamat, sir!” huli niyang sambit saka na siya nito tuluyang iniwan doon.
Ilang linggo pinaghandaan ng binatang si Markus ang pag-aapply niya ng trabaho sa isang call center agency. Dahil nga hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral ito na lang ang tinuturing niyang tanging paraan para kumita siya ng perang mas mataas kaysa sa normal na pasahod sa mga katulad niyang walang tinapos.
Kaya naman, nang malaman niyang naghahanap ng mga empleyado ang isang sikat na kumpanya ng call center, agad na siyang nag-apply dito.
Habang hinihintay niya ang araw kung kailan siya iinterbyuhin at pakukuhanin ng pagsusulit, pinurisigi niya ang sarili para makapagsalita ng diretsong ingles at maging maalam sa kompyuter.
Sakto namang paglipas ng dalawang linggo, agad na siyang nakatanggap ng tawag mula sa kumpanya na labis niyang ikinatuwa.
Presentable siyang humarap sa mga ito at ganoon niya na lang nilabas ang kaniyang pagiging palabiro at bibo sa mga empleyadong kaniyang nakasalamuha dahilan para labis siyang magustuhan ng mga ito.
Kaya lang, dahil nga hindi siya ganoon kaalam sa ingles at kompyuter, hindi niya nagawang maipasa ang pagsusulit at interbyu.
Sa kagustuhan niyang makapasa sa trabahong ito, naisipan niyang siraan ang empleyadong nangunguna sa kanilang pagsusulit at interbyu. Tila natuwa naman siya nang makausap niya tungkol doon ang isa sa mga empleyado roon na kaniyang nakapalagayan ng loob dahil sa pagiging bibo niya.
Nang araw na ‘yon, agad na siyang umuwi pagkatapos ng pag-uusap nilang iyon. Wika niya, “Sana matanggal nga ang bagong aplikanteng iyon para magkatrabaho ako!”
Ilang araw pa ang nakalipas, tuluyan na nga siyang nakatanggap ng tawag sa naturang kumpanya. Galak na galak niyang sinagot ang tawag ngunit agad na nag-iba ang emosyon niya nang sabihin sa kaniyang, “Inaanyayahan po kayo ng aming kumpanya para humarap sa katiwaliang sinumbong niyo. Base po sa pag-aaral, walang pandarayang naganap. Sana po ay makadalo kayo upang marinig naming lahat ang panig niyo,” na labis niyang ikinainis dahilan upang maihagis niya ang kaniyang selpon.
“Hoy, pinag-ipunan mo ‘yang selpon na ‘yan, hindi ba? Bakit mo binato?” gulat na sambit ng kaniyang ina.
“Paano ba naman kasi, mama, akala ko matatanggap na ako sa trabaho, ‘yon pala hindi pa rin!” inis niyang sambit.
“Anak, hindi mo kailangang ipilit ang sarili mo sa isang bagay na hindi para sa’yo. Dahil kahit anong pilit mo, kahit anong gawin mo, kung hindi para sa’yo, mabibigo at mabibigo ka lang. Lalo na, kung masamang paraan ang iyong ginagawa upang makuha iyon,” pangaral ng kaniyang ina saka pinulot ang kaniyang selpon, “Ipagdasal mo iyan, tiyak, gagaan na ang pakiramdam mo, magkakatrabaho ka pa,” dagdag pa nito saka ibinigay sa kaniya ang selpon at siya’y niyakap.
Ginawa niya ang sinabi ng kaniyang ina. Taimtim niyang iniiyak sa Panginoon ang bigat na nararamdaman niya. Humingi rin siya ng tawad sa kaniyang ginawang paninira at muling humanap ng kumpanyang mapapasukan.
At tila dininig nga siya ng Panginoon, dahil pagluwas niya ng Maynila, saktong may isang kumpanya naghahanap ng empleyado at siya’y agad na kinuha. Hindi man kasing taas ang sahod kagaya sa call center, sa mabuting paraan niya naman ito nakuha na labis na ikinatuwa ng kaniyang ina.