Pinusta ng Pulis ang Buhay ng Kaniyang Pamilya sa Isang Presong Gusto Makawala, Pinagsisihan Niya Ito sa Huli
“Boss, paano kapag nakatakas ako rito? Anong gagawin mo?” walang anu-anong tanong ni Jordan, isang preso, sa pulis na nagbabantay sa kanilang selda.
“Sino ba nagsabi sa’yong makakatakas ka rito, ha? Baka nakakalimutan mong ako ang bantay dito sa selda mo,” masungit na sagot ni Ben habang sinisipat ang ilan pang presong nasa loob ng naturang selda.
“Eh, paano nga kung makatakas ako, boss?” pangungulit pa nito dahilan para bahagya na siyang mainis.
“Hindi mangyayari ‘yon,” agarang niyang sagot.
“Pustahan pa, o? Anong ipupusta mo, boss?” tanong pa nito dahilan para mapapayag siya nito.
“Talagang hinahamon mo ako, ha?” sagot niya saka agad na nag-isip ng kaniyang ipupusta, “O, sige, ipupusta ko ang buhay ng mag-iina ko! Kahit anong gawin mo sa kanila, bawian mo ng buhay o paglaruan mo, kung makakatakas ka,” buong loob niyang wika na ikinatawa ng naturang preso.
“Kumpiyansado ka talaga sa galing mo, boss, ha? Walang sisihan, sinabi mo ‘yan,” ngiti-ngiting sambit nito.
“At kapag hindi ka nakawala rito sa loob ng isang linggo, ipapabugb*g kita sa ibang mga preso,” sabi niya pa na lalong ikinatawa pa nito.
“Walang problema, boss, kahit tumulong ka pa!” mayabang na sambit nito saka siya tuluyang tinantanan sa pangungulit.
Malaki ang tiwala at kumpiyansa ng pulis na si Ben sa kaniyang sarili. Kahit anong ibigay sa kaniyang trabaho, alam niyang magagawa niya ito nang matagumpay dahil alam niya ang kahinaan at kagalingan niya.
Dahil sa galing niya sa trabaho, agad na tumaas ang kaniyang ranggo at ang ibig sabihin nito, mas tataas din ang kaniyang responsibilidad na hindi naman niya alintana. Wika niya pa, “Kahit anong trabaho naman makakaya ko kaya hindi ako dapat mag-alala.”
Bukod pa roon, bilib pa sa kaniyang kakayahan ang mga nakatataas sa kaniya dahilan para siya ang pagbantayin sa mga presong may matataas na kaso.
At kahit na dekalibreng mga preso ang kaniyang binabantayan mapa araw man o gabi, ni katiting na takot na baka siya ay mapahamak, wala siyang nararamdaman.
Katwiran niya, “Nakakulong sila, armado ako, bakit ako matatakot?” na talaga nga namang labis na kinakatakot ng kaniyang asawa.
Kahit pa ganoon, nagagawa niya pang makipag-usap sa mga presong ito. Dito na siya hinamon ng isa sa mga presong may pinakamarami at mataas na kaso na kaniyang tinanggap dahil sa laki ng tiwala niya sa kaniyang sarili.
Sabi niya sa sarili matapos nilang mag-usap, “Wala naman akong dapat ikapag-alala. Kailangan ko lang maiging magbantay sa buong linggo at napakaimposibleng makatakas siya sa seldang ito, lalong-lalo na sa akin,” saka siya naupo sa isang silya sa tapat ng naturang selda.
Apat na araw na ang nakalipas, hindi pa rin nakakatakas ang naturang preso dahilan para kaniya itong biruin. “Ano, itutuloy mo pa ba ang pagtakas mo?” tanong niya rito.
“Maghintay ka lang, boss, parang gustong-gusto mo nang mawala ang mag-iina mo, eh,” sagot nito saka tumawa nang malakas na kaniya ring ikinatawa.
Hindi pa man tapos ang kanilang pagtatawanan, bigla na siyang niyayang lumabas ng kapwa niya pulis. Niyayaya siya nitong uminom kasama ang ilan pang mga pulis na agad naman niyang sinang-ayunan.
“Tamang-tama, isang oras na lang uuwi na ako. Susunod na lang ako sa inyo,” sagot niya rito.
Sumunod nga siya sa bar na pinuntahan ng kaniyang mga katrabaho. Siya’y nagpakalango sa alak hanggang madaling araw. Nagising na lang siyang nasa bahay na at tinatapik-tapik na ng kaniyang asawa upang siya’y makapasok na sa trabaho.
“Ano ba ‘yan, parang kakapikit ko lang. Sobrang sakit ng ulo ko,” reklamo niya habang nag-aayos ng sarili. Pumasok siyang may dinadamdam dahilan para makatulog siya habang nagbabantay. Naalimpungatan na lang siya nang dumating ang kapwa niya mga pulis.
“Anong nangyayari?” tanong niya.
“Nakatakas si Jordan!” sagot ng isa sa mga pulis na kaagad niyang kinakaba. Agad niyang tinawagan ang kaniyang asawa nang maalala ang pustahang tinanggap niya.
Ngunit tila huli na ang lahat nang si Jordan na ang sumagot nito.
“Ayos na, boss, wala na ang pamilya mo, natalo kita!” patawa-tawang sambit nito na labis niyang ikinalamig.
Mabuti na lang, habang siya’y tulala, agad na nagtungo sa kanilang bahay ang ibang mga pulis dahilan para muling mahuli ang naturang preso. Kaya lang, nadatnan na ng mga ito ang kaniyang asawa’t dalawang anak na wala nang buhay.
Ganoon na lang siya halos mabaliw sa pangyayaring ito. Galit na galit siya sa kaniyang sarili kung bakit niya nagawang ipusta ang kaniyang mag-iina at hayaang makawala ang presong iyon na walang puso at kinatatakutan.
Wala siyang ibang magawa kung hindi ang umiyak at magsisi sa labis na tiwalang ibinigay niya sa sarili. Simula noon, imbis na magmayabang sa kaniyang kakayahan, muli niyang ibinalik ang sarili sa pagtatrabaho habang unti-unting pinapatawad ang sarili sa pagwala ng kaniyang pamilya.