Isang Matanda ang Tumulong sa Kaniya nang Mabulag Siya; Napaluha Siya sa Natuklasan nang Muli Siyang Makakita
“Kain ka pa, Katrina. Pasensiya na at tinanghali ako ngayon, hija. May kinailangan lang akong asikasuhin,” narinig niyang wika ni Nanay Connie habang inaalalayan siya nito sa pagkain.
Agad naman siyang ngumiti at sunod-sunod na umiling.
“Naku, hindi niyo po kailangan humingi ng pasensya. Hindi niyo naman po ako responsibilidad pero heto kayo at patuloy ang pagtulong sa akin. Napakaswerte ko po,” nahihiyang tugon niya.
Isang taon na mula nang magkaroon ng aksidente na nagpabago sa buhay niya.
Normal lang sana ang araw na iyon. Naglalakad siya pauwi nang hindi niya namalayan ang nawalan ng prenong sasakyan sa likod niya. Hindi na siya nakaiwas.
Matindi ang naging epekto ng aksidente sa kaniya. Pinalad siya na mabuhay ngunit ang paningin naman niya ang naging kabayaran. Nawalan siya ng trabaho at ng napakaraming oportunidad. Ang sabi ng mga doktor ay malaki pa naman ang tiyansa niya na maibalik ang paningin basta’t ‘wag siyang mawalan ng pag-asa. Kailangan lang daw ng isang taong magbibigay sa kaniya ng bagong mata.
Napakahirap ng naging buhay niya pagkatapos ng aksidente lalo na’t ulila na siya. Araw-araw siyang umiiyak at nabubuhay sa kadiliman dahil walang pamilyang mag-aalaga at tutulong sa kaniya.
Mabuti na lamang at isang araw ay kumatok si Nanay Connie sa kaniyang pintuan. Ayon dito ay magkapitbahay sila at nais sana siya nitong tulungan.
Noong una ay wala siyang tiwala lalo pa’t hindi niya kilala ang matanda. Ngunit makulit ito kaya pinatuloy niya rin ito sa kaniyang buhay nang lumaon.
Mula noon ay umakto na itong parang pamilya sa kaniya kaya malaki ang pasasalamat niya sa pagmamalasakit nito.
“Ang totoo nga po niyan, ako ang nahihiya sa inyo. Ang laki-laki na po ng utang na loob ko sa inyo. Paano ko kaya ‘to mababayaran?”
Hinawakan nito ang kaniyang kamay. “Wala kang utang na loob sa akin. Tandaan mo ‘yan pero ang gusto ko lang ay magpagaling ka at maibalik na ang nawala sa’yo para mabuhay ka nang masaya at normal,” sinsero nitong sinabi.
Ngumiti siya kasabay ng pagtulo ng luha sa kaniyang mga mata.
Makalipas ang isang buwan ay isang tawag mula sa ospital ang natanggap niya. Hindi niya inaasahan ang masayang balita na hatid nito.
“Meron na po kayong donor. Sa loob ng dalawang linggo, pwede na po kayong operahan.”
Napasigaw siya sa tuwang nararamdaman. Sa wakas, dumating na ang pagkakataon niya para maibalik sa dati ang buhay niya.
Nang dumating si Nanay Connie ay agad niyang ibinalita rito ang ang nangyari at kagaya ng inaasahan niya ay labis-labis ang saya nito para sa kaniya. Hindi man niya ito nakikita ay damang-dama niya ang kaligayahan ng matanda.
Ito ang nag-asikaso sa lahat ng kailangan niyang gawin. Mula sa papeles hanggang sa perang gagamitin. Hiyang-hiya siya sa matanda subalit ipinangako niya na ibabalik niya rito ang lahat ng tulong na ibinigay nito sa kaniya.
Sumapit ang araw ng operasyon. Nanatili ito sa kaniyang tabi, at ipinagdasal nito na maging matagumpay ang operasyon,
“Handa ka na ba? Tatanggalin na natin,” tanong ng doktor ilang araw matapos ang operasyon.
Ilang beses siyang huminga nang malalim bago lakas loob na sumagot. “Handa na ako.”
Dahan-dahan ay tinanggal na nga ng doktor ang benda sa kaniyang mata.
Noong una ay labis siyang nasilaw sa liwanag kaya naman agad siyang napapikit sa pagkabigla.
Ngunit nang muli niyang idilat ang mata ay bahagya na siyang nasanay muli sa liwanag. Hindi agad malinaw na malinaw ngunit nakikita na niya ang paligid.
Ilang sandali pa siyang paulit ulit na pumikit at dumilat bago tuluyang luminaw ang buong paligid.
Nang makita niya ang mg doktor na nakapalibot ay muntik na siyang maiyak sa kasiyahan.
“Maraming maraming salamat po, Dok.” Pinigilan niya ang pagluha dahil hindi raw iyon maganda para sa bago niyang mata.
“Kailangan pa rin nating i-monitor ang mga mata mo kaya gawin mo ang lahat ng bilin ko sa’yo. Maliwanag?” bilin pa nito.
Tumango naman siya sa doktor.
Nahagip ng mata niya ang isang matanda. May hawak itong rosaryo at tahimik itong lumuluha habang nakatingin sa kaniya.
“Nanay Connie?” naninigurong tawag niya sa matanda.
Dali-daling lumapit ito sa kaniya at niyakap siya nang mahigpit. Taos puso naman siyang nagpasalamat sa nag-iisang nagmalasakit at tumulong sa kaniya sa madilim na yugto ng kaniyang buhay.
Hindi siya nito iniwan hanggang sa tuluyan na gumaling ang kaniyang mga mata.
Nang araw na lumabas siya mula sa ospital ay nagulat siya dahil imbes na sa bahay siya dalhin ng matanda ay sa isang sementeryo sila nagtungo.
Huminto sila sa isang lapida at tahimik itong nagsindi ng kandila. Nilapag nito ang isang palumpon ng bulaklak.
“Mahigit isang taon na rin ang lumipas simula noong mawala sa akin ng nag-iisa kong anak na si Jason. Napakabuti at masunurin ng batang ‘yun, kaya hindi ko inaasahan na mangyayari sa kaniya ito at maaga siyang kukunin sa akin,” pagkukwento ng matanda.
Umupo siya sa tabi nito. “Ano pong nangyari?”
“Isang doktor ang anak ko. May sakit siya nang araw na iyon pero dahil alam niyang may sakit din ako ay pinilit pa rin niyang makauwi sa bahay. Ang sabi ng pulis, nakatulog siya habang nagmamaneho at sumalpok siya sa isang poste,” lumuluhang pagababalik-tanaw nito.
Hindi siya nagsalita at malungkot na nakinig.
“Hindi siya pinalad na mabuhay, ngunit ang huling hiling niya sa akin ay alagaan at tulungan ko raw ang naging biktima ng kapabayaan niya.”
Napamulagat siya at may hinala na nabuo sa kaniyang isipan. Agad na nagbanta ang pagtulo ng kaniyang luha.
“Ako po ba ang biktima na tinutukoy niya? Kaya niyo ako tinulungan?” tanong niya sa matanda.
Hindi nito napigilan ang paghagulhol. Sa gulat niya ay lumuhod ito sa kaniyang harapan at paulit-ulit na humingi ng tawad.
Bumuhos ang kaniyang luha bago inabot ang kamay ni Nanay Connie at inalalayan ito sa pagtayo.
Niyakap niya ito nang mahigpit.
“Nasaktan po ako sa nangyari dahil nawala ang paningin ko pero sigurado po akong mas nasaktan kayo higit sa lahat dahil anak niyo mismo ang nawala. Matagal ko na po siyang pinatawad dahil alam kong hindi maibabalik ng galit ang nawala, lalo na ngayong nalaman kong hindi niya sinasadya ang nangyari. Wala po kayong dapat na ihingi ng tawad sa akin, Nanay Connie.”
Pinagdasal nila ang kaluluwa ng yumao.
Kahit na bumalik na sa normal ang buhay niya ay nanatili siya sa tabi nito kagaya ng ginawa nito para sa kaniya noong bulag pa siya.
Itinuring niya itong ina, at alam niyang anak na rin ang turing nito sa kaniya. Napagtanto ni Katrina na marami man ang nawala sa kaniya dahil sa trahedya ay may kapalit naman iyon na isang magandang bagay – nakahanap siya ng pamilya sa katauhan ni Nanay Connie!