Inday TrendingInday Trending
Sinagot na Sana Siya ng Dalagang Nililigawan; Bakit Agad Nitong Binawi ang Matamis Nitong “Oo?”

Sinagot na Sana Siya ng Dalagang Nililigawan; Bakit Agad Nitong Binawi ang Matamis Nitong “Oo?”

Ngiting-ngiti si Jacob nang iabot sa niya sa nililigawan na si Kitty ang isang magandang palumpon ng rosas.

“Salamat, Jacob,” kiming wika nito.

Marahan niyang inalalayan ang babae papasok sa kaniyang mamahaling kotse.

“Saan tayo pupunta?” narinig niyang tanong ng babae.

“May alam akong bagong bukas na restawran. Masarap daw ang pagkain doon. Subukan natin,” nakangiting sagot niya.

Halos anim na buwan na niyang nililigawan ang babae. Malaki ang kumpiyansa niya na gusto rin siya nito kaya naman talagang matiyaga siyang nanligaw rito.

Mabait at maganda ang dalaga, kaya naman marami ang naghahabol dito. Swerte pa nga siya dahil madalas itong pumayag sa t’wing yayayain niya ito na mag-date. Iyon ang dahilan kung bakit pakiramdam niya ay may pag-asa siya sa babae.

“Ang ganda naman dito. Kaso mukhang mahal,” tila nag-aalangang bulalas ni Kitty nang igiya sila ng isa sa mga waiter patungo sa kanilang lamesa.

“‘Wag mo nang alalahanin ‘yun, Kitty,” nakangiting tugon niya sa babae.

Nasa kalagitnaan sila ng pagkain nang magsalita si Kitty.

“Jacob…”

“Bakit? May problema ba? Gusto mo bang um-order ng ibang pagkain?” agad na tanong niya sa kaharap.

Isang matamis na ngiti ang isinukli nito sa sunod-sunod niyang tanong.

“Ang tagal mo nang nanliligaw sa akin. Mabait ka sa akin, at sa tingin ko magiging mas mabait ka sa pamilya ko. Gusto pa kitang mas makilala. Sinasagot na kita,” nakangiting wika ng babae.

Nanlaki ang mata ni Jacob sa sobrang pagkagulat. Alam na niya na malaki ang pag-asa niya kay Kitty ngunit hindi niya inaasahan na sasagutin siya nito nang gabing iyon.

Sa sobrang tuwa at gulat ay napahiyaw siya.

Tila nahulaan naman ng mga tao ang nangyari kaya malakas na nagpalakpakan ang mga ito habang ngiting ngiting nakatingin sa bagong magkasintahan.

Nilapitan niya ang nobya at niyakap ito nang mahigpit.

Maya-maya ay isang lalaki ang lumapit sa kanila. May dala itong isang mamahaling bote ng wine.

“Hindi namin in-order ito,” takang utas niya sa waiter.

Nang lingunin niya si Kitty ay mulagat ding nakatingin ito sa lumapit na lalaki.

“Ay, Sir, libre ho ito. Pinadala po ng may-ari, bilang pagbati sa inyo ni Ma’am,” nakangiting tugon naman ng lalaki.

Nilingon ng lalaki si Kitty at nginitian.

“Congrats, Ma’am,” nakangiting bati pa nito sa kasintahan niya.

“Salamat,” malaki ang ngiting sagot naman nito sa lalaki, bagay na ikinainis niya.

“Sige, salinan mo na ang mga baso at umalis ka na, para makapag-usap na kami ng girlfriend ko,” supladong bulalas niya sa lalaki.

Tila napahiya naman ang lalaki at inalis ang tingin kay Kitty.

Isinasalin nito ang wine sa baso nang aksidente niya itong matabig, dahilan upang matapunan nito ng alak ang mamahalin niyang relo.

Sa sobrang gulat niya ay marahas na napatayo siya mula sa kaniyang kinauupuan. Napakamahal ng relo niya!

“Ano ka ba! Alam mo na napakamahal nitong relo ko? Napakat*nga mo naman! Palibhasa hindi mo kayang bumili ng ganito!” galit na sigaw niya sa nabiglang waiter.

“S-sir, sorry po, h-hindi ko n-naman po s-sinasadya!” namumutlang wika nito.

Sa sobrang galit niya ay nawalan na siya ng pakialam sa mga tao sa paligid.

“J-jacob, kumalma ka muna. Saka hinaan mo ang boses mo, nakakahiya sa ibang kumakain. Hindi naman sinasadya ni Kuya ang nangyari,” narinig niyang wika ng kasintahan, ngunit hindi noon nagawang bawasan ang galit niya sa lalaki.

Hinarap niya ang waiter.

“Anong gagawin mo ngayon? Baka nga mas mahal pa sa isang taon mong sweldo ang relo ko! Mababayaran mo ba ito?” galit pa ring kastigo niya sa lalaki ba yukong-yuko sa pagkakapahiya.

“Sir, kung nasira po, pwede naman po siguro natin na ipagawa–”

“Hindi! Ayoko! Kung gusto mo na mapatawad kita, lumuhod ka, ngayon din!” utas niya sa lalaki.

“Jacob, tama na nga!”

Nagulat siya nang marinig ang kalampagan ng mga plato at baso sa kanilang mesa dahil sa malakas na paghampas ni Kitty doon!

Iyon din ang unang-unang beses na narinig niyang nagtaas ng boses ang dalaga.

Marahas nitong hinablot ang kamay niya. Tila ininspeksyon nito ang suot niyang relo.

“Hindi naman pala nasira ang relo mo, gumagana pa rin! Grabe mo naman ipahiya ‘yung tao!” muli ay bulalas nito.

Hindi siya makapagsalita lalo na’t hindi siya sanay na ganoon si Kitty. Madalas ay mahinhin lang ito at hindi makabasag-pinggan. Subalit tila nag-iba ang Kitty na kaharap niya!

“Kung hamakin mo ‘yung tao, akala mo nabili mo na pati ang pagkatao niya. Hindi ko alam na ganyan ka pala, Jacob!”

Mas lalo siyang nagulat nang hilahin nito palayo ang waiter na noon ay tigagal lamang na nakatingin sa kanila.

“Kitty! Saan ka pupunta? Bakit isasama mo ang lalaking ‘yan?” gulat na tanong niya.

“Uuwi na kami ng Kuya ko! Oo, ang lalaking inapi-api mo ay kapatid ko! Hindi ko matatanggap na ganito mo ituring ang kapamilya ko, kaya maghiwalay na tayo!” dire-diretsong litanya ng babae.

Gulat na gulat siya sa rebelasyon ni Kitty.

“P-pero ang unfair naman yata nito? Hindi ko naman alam na kapatid mo siya…” pagpoprotesta niya.

“Kapatid ko man o hindi ang waiter, sobra ang ginawa mo. Pantay-pantay dapat ang tingin mo sa tao, mahirap o mayaman, gusto mo man, o hindi. Ipinakita mo sa akin ang tunay mong kulay. Bukas, matatanggap mo ang kapalit ng relo mo na mahal na mahal mo!” asik ni Kitty bago ito nagdadabog na naglakad palayo kasama ang kapatid nito na tila gulat na gulat pa rin sa mga nangyari.

Sinubukan niyang kausapin ang dalaga subalit hindi na siya hinarap nito muli.

Kinabukasan, gaya ng pangako ni Kitty ay may natanggap siya na isang malaking kahon. Nang buksan niya iyon ay nakita niya ang lahat ng regalo na ibinigay niya sa dalaga.

Naroon lahat ng bag, pabango, alahas, at kung ano-ano pa. Kasama doon ang isang relo na kaparehong-kapareho ng relo niya.

Napaluha na lamang siya habang minamasdan ang relo. Naibalik nga sa kaniya ang mamahalin niyang relo, nawala naman sa kaniya ang pinakamamahal niyang si Kitty.

Advertisement