Inday TrendingInday Trending
Pangangalakal ang Ikinabubuhay ng Mag-ama; Mukhang Ito rin ang Mag-aahon sa Kanila sa Hirap

Pangangalakal ang Ikinabubuhay ng Mag-ama; Mukhang Ito rin ang Mag-aahon sa Kanila sa Hirap

Naghihikab pa si Domeng nang tumayo siya sa higaan at magpakulo ng tubig para sa kaniyang paborito tuwing umaga – ang mainit na kape.

Hinihintay niyang kumulo ang tubig nang marinig niya ang tinig ng nag-iisang anak na si Gerlene.

“‘Tay, mangangalakal po ba kayo ngayong araw?”

Gulat na nilingon niya si Gerlene.

“Oo, anak. Bakit ang aga mo naman nagising?”

“Gusto ko po sumama sa inyo, Tatay,” nakangiting wika ng dalagita.

Napailing si Domeng sa tinuran ng anak.

“Anak, ‘wag ka na sumama sa akin sa pangangalakal. Bakit hindi ka na lang manatili dito sa bahay para gumuhit o ‘di kaya ay magpinta? Hindi ba’t ‘yun ang gusto mo? Malay mo, may makakita pa sa iyo na nangangalakal tayo, tapos pagtawanan ka pa sa eskwelahan,” komento niya.

Napasimangot si Gerlene. “‘Tay, ‘yan na naman po kayo, eh. Hindi ko ho ikakahiya ang pangangalakal, kahit na kailan. Alam niyo po kung bakit? Dahil isa itong marangal na trabaho. Ito ang bumuhay sa atin, at Tatay, itaga mo sa bato, ito ang mag-aangat sa atin sa kahirapan!”

Natawa na lamang si Domeng sa anak. Mula pagkabata talaga ay pangarap na nitong yumaman.

Bago mag-alas sais ay lumarga na ang mag-ama, tulak ang kanilang kariton.

“Tatay, mangunguha po ako ng bote, ha?” narinig niyang wika ng anak.

“Bakit naman, anak? Halos wala naman tayong kinikita sa bote. ‘Wag na, mga bakal na lang,” agad niyang pagkontra sa nais nito.

“Basta po, Tatay.”

Sa ilalim ng mainit na araw ay walang kapaguran na naglibot ang mag-ama para sa mga kalakal na maaari nilang ibenta at pagkakitaan.

Si Gerlene ay naging abala sa pamumulot ng mga plastik at babasagin na bote.

Kasalukuyang kinakalkal ng mag-ama ang isang basurahan nang isang grupo ng kababaihan ang lumapit sa kanila.

“Gerlene? Anong ginagawa mo?” taas kilay na tanong ng dalagita na kaedad ng kaniyang anak.

“Sumama ako sa Tatay ko na mangalakal,” tila walang anuman na tugon ni Gerlene sa kaklase.

“Hindi ka ba nahihiya? Ang dumi dumi ng basura ta’s kinakalkal mo!” tila nandidiring komento ng kaklase ng anak.

“Mas nakakadiri ‘yung galing sa masama ang pinagkukunan ng pangkain. Kami ng Tatay ko, pinaghihirapan namin ang bawat pagkain na napupunta sa lamesa. Bakit kami mahihiya?” kunot noong sagot pabalik ni Gerlene sa kaklase nito.

Si Domeng naman ay lihim na napangiti nang nagdadabog na umalis ang kaklase ng anak.

“Ang dami mong nakuha na bote, anak. Sapat na ba ‘yan para sa kailangan mo?” usisa niya sa anak habang naglalakad sila pauwi.

“Opo, ‘Tay,” maligaya namang saad ng anak.

Ipinagkibit balikat na lamang ni Domeng ang napansin niyang kislap sa mga mata ni Gerlene. Naisip niya na marahil ay gagamitin ng anak ang mga bote para sa isang proyekto nito sa eskwelahan.

Pag-uwi nila sa bahay ay dali-daling nilinis ng kaniyang anak ang mga bote. Pinatuyo nito ang mga bote at ipinasok sa maliit nitong silid.

Isang buong araw na nagkulong sa silid si Gerlene at nang lumabas ito ay namangha siya sa resulta ng pinaghirapan nito!

Ang mga babasaging bote ay pinuno nito ng tubig at nilagyan ng kung anong makikintab at makikinang na pulbos sa loob. Ang labas ng bote ay may mga magandang disenyo na talaga namang maganda sa paningin.

Ang mga plastik na bote naman ay hinati nito sa gitna bago nito pininturahan. Nahinuha niya na ginawa ni Gerlene na taniman ng halaman ang mga iyon.

“Ayos ba, ‘Tay?” nakangising tanong nito.

“Ayos na ayos! Sinong mag-aakala na mga boteng napulot lang natin sa lansangan ang mga ito?” namamanghang bulalas niya.

“Bebenta natin ang mga ‘to, Tatay. Makikisuyo ako sa kariton mo bukas. ‘Pag nagustuhan ng mga tao, gagawa pa ako!”

Nang sumunod na araw, sakay ng kariton ni Domeng ay ang mga paninda ni Gerlene.

“Bili na po kayo! Kwarenta pesos lang! Magandang pang-disenyo sa bahay at taniman ng halaman!”

Marami kaagad ang nagkainteres dahil sa magandang disenyo na ginawa ni Gerlene.

Hindi tumagal ng isang oras ang tinda nila, agad-agad iyong naubos!

Ibinahagi niya sa anak ang magandang balita pag-uwi nito sa paaralan.

“Talaga po, Tatay? May mga naghahanap pa po at gustong bumili?” namimilog ang matang tanong ng dalagita.

“Oo, anak. Sayang nga raw at kaunti lang ang nagawa mo. Pero sinabihan ko sila na maghintay dahil gagawa ka pa,” sabik na pagbabalita niya sa anak.

At iyon na ang naging simula ng kanilang pag-ahon. Dahil likas ang pagiging malikhain ni Gerlene ay iba-ibang disenyo pa ang nagawa niya sa mga bote, dahilan upang mas lalong dumami ang mga nagnanais bumili ng kaniyang mga paninda.

Dahil sa laki ng kinikita ng mag-ama sa pagtitinda ng magagandang bote ay hindi na kinailangan pa ni Mang Domeng na mangalakal. Nang lumaon ay naging ganap na negosyo na nila ang paggawa ng iba’t ibang kagamitan na gawa sa bote.

Tuwang-tuwa ang mag-ama dahil sa swerte na dumating sa buhay nila. Sino nga ba ang mag-aakala na magkakatotoo ang sinabi ni Gerlene noon?

Pangangalakal nga ang nagsalba sa kanila mula sa kahirapan!

Advertisement