Bibitiw na Dapat ang Babaeng Ito sa Buhay, Isang Batang Babae ang Magbibigay ng Kaliwanagan sa Kaniyang Isip
“Agatha, sagutin mo naman ang mga tawag namin. Alam kong marami kang problema pero huwag mo naman sanang pagtaguan pati kaming pamilya mo,” wika ni Aling Helen, ang nanay ng dalaga.
“’Ma, huwag niyo na akong tawagan dahil pati kayo ay nadadamay sa mga problema ko. Patawarin mo ako, ‘ma! Patawarin mo ako!” iyak na wika ng babae sa telepono.
“Huwag ka ngang gan’yan! Pera lang naman ang utang mo, hindi ka naman kum!t!l ng buhay! Huwag ka nga masyadong panghinaan ng loob! May anak ka pa, ikaw na nga lang ang mayroon siya pati ba ikaw susuko na rin sa buhay? Isipin mo si Joy! Lumaban ka! Pera lang ‘yan!” wikang muli ni Aling Helen sa kaniyang anak habang katabi ang kaniyang apo na natutulog.
“Natutulog si Joy, gusto mo bang gisingin ko siya? Miss na miss ka na nitong anak mo!” dagdag pang muli ng ale.
“’Ma, ikaw na ang bahala kay Joy, alam kong palalakihin mo siya nang maayos katulad ng pagpapalaki mo sa amin nila ate. Sorry ma, ako lang ang walang kwenta mong anak! Sorry ma, patawarin mo ako pero sabihin mo na lang kay Joy na wala na ako, wala na siyang nanay. Sabihin niyo na lang po na aksidente, nabangga o ‘di naman kaya kinuha na ni Satanas!” hagulgol pang muli ni Agatha sa kaniyang ina saka ibinaba ang telepono.
Magsasalita pa sana si Aling Helen ngunit bigla na lamang naputol ang kanilang pag-uusap. Halos isang buwan na simula nang pumutok na scam pala ang negosyong pinasok ni Agatha, marami na siyang nakuhang tiwala at pera mula sa mga kaibigan at kliyenteng umasang maibabalik nang triple ang kanilang ibinigay na pera ngunit lahat ngayon ay hinahabol siya ng galit, akusasyon, kaso, at patong-patong na utang. Hindi na rin matawagan ni Agatha ang kompanya na akala niya’y totoo. Maging siya man ay naloko rin ngunit hindi na siya pinaniniwalaan ng mga tao. Naubos na ang kaniyang ipon at nagsimula na rin siyang magtago, iniwan niya ang kaniyang anak at maging ang kaniyang pamilya ay iniwasan na rin dahil sa paghahabol ng mga taong tinataguan niya.
“Wala na akong magagawa pa sa mundong ito!” iyak ni Agatha habang umiinom ng alak at nasa taas ng isang condominium.
“Hello po,” wika ng isang bata na lumapit sa kaniya.
Kaagad naman na nagulat si Agatha at napatingin.
“Sino ka? Anong ginagawa mo rito? Nasaan ang mga magulang mo?” mabilis na tanong ni Agatha sa bata.
“Parang bago lang po yata kayo rito? Ngayon ko lang po nakita ang mukha ninyo? Taga saan po kayo?” inosenteng tanong ng bata at umakyat ito sa mas mataas pa na bakal na siyang mas naging delikado para rito.
“Bumaba ka nga riyan! Baka ako pa ang masisi kapag nahulog ka! Marami na akong problema, ‘wag mo nang dagdagan pa!” sigaw ni Agatha sa bata at kaagad na nilapitan ito saka pinilit na pababain.
“Huwag po kayong mag-alala, sanay na ako. Lagi ko po itong ginagawa, ako nga po si Rose sa Titanic,” ngiting sagot ng bata sa kaniya at ginaya nga ang babae sa naturang pelikula.
“Bahala ka nga sa buhay mo! Pumikit ka at tatapusin ko na ang buhay ko!” baling ni Agatha rito sabay akyat sa harang na bakal saka kumapit at pumikit.
“Magpapakam@t!y po ba kayo?” tanong ng bata sa kaniya.
Hindi ito pinansin ng babae at patuloy pa rin ang kaniyang pag-iyak habang nag-uusal ng dasal sa kaniyang isipan. Unti-unti na niyang inaalis ang mga kamay sa pagkakapit at handa na siyang magpaalam sa mundo.
“Sana may ganyan din po akong lakas ng loob,” wika ng bata at biglang napadilat si Agatha saka niya sinulyapan ito. Nakatingin lang ito sa langit at nakangiti.
“Minsan dinadasal ko kay Papa Jesus na kuhanin niya na ako para matapos na ang paghihirap ko kasi nakakapagod na rin pero mas nangingibabaw po ‘yung pangarap ko pong mabuhay kahit isang araw pa,” saad ng bata at mas lalo pang nagliwanag ang ngiti nito. Hindi naman nakapagsalita si Agatha at tila naguguluhan siya sa sinasabi nito.
“Ipinanganak po akong may A!DS, lumaki na po akong gamot ang kinagisnan ko at araw-araw na inaasahang mabawian ng buhay. Halos lahat ng kasabayan ko raw po na may sakit ay wala na, himala nga raw pong umabot pa ako sa pitong taong gulang. Kaya araw-araw, kapag naidilat ko pa ang mga mata ko ay isang bagong buhay muli na hindi ko dapat sayangin,” dagdag na sabi nito sa kaniya at mas lalo pang naiyak si Agatha.
“Kahit masakit na po ang buong katawan ko ay lumalaban pa rin ako kasi gusto ko pong mabuhay. Masarap ang mabuhay, alam ko pong maraming problema pero naniniwala akong mas lamang ang buhay para sumuko. Sana magbago pa po ang isip niyo kasi kung problema lang po ang tinatakbuhan niyo ay sayang, sayang po ang buhay, sayang na sayang,” dagdag pang muli ng bata sabay patak ng kaniyang luha.
Mabilis na bumalik si Agatha at niyakap ang bata saka sila sabay na umiyak. Saglit siyang nakipagkwentuhan dito at habang siya ay nakikinig mas lalo niyang nakita ang pag-asa sa mga mata nito kahit nga kung tutuusin ay mas mabigat ang dinadala ng bata kaysa sa kaniya.
Dali-dali siyang umuwi at inayos ang sarili. Isa-isa niyang pinuntahan ang mga taong tinaguan niya noon at nagpaliwanag, tinanggap ang galit at humingi ng pasensya. Ipinangako niyang ibabalik ang mga nawalang pera sa oras na mahabol niya ang kompanya.
Naging mahirap ang proseso na ito lalo na nga’t galit ang mga tao pagdating sa pera ngunit nang ipinakita ni Agatha na totoo siya sa kaniyang salita ay unti-unting bumalik ang tiwala sa kaniya ng mga tao. Kasabay ng dasal at pag-asa sa kaniyang puso ay nahanap na rin niya ang kompanyang nanloko sa kaniya at naging maayos ang lahat na parang isang himala.
Kaagad niyang binalikan ang batang nakasama niya sa roof top upang magpasalamat sa pagbibigay ng liwanag nito sa kaniya ngunit sa kasamaang palad ay wala na ito, sumakabilang buhay na pala ang bata ilang araw lamang ang lumipas mula noong nakilala niya ito. Simula noon ay mas lalo pang binigyan ni Agatha ng importansya ang kaniyang buhay dahil maraming tao ang naghahangad ng isa pang bukas.