Pinagkaitan ng Pagkabata ng Ginang na Ito ang Kaniyang Anak at Sinasaktan Pa; May Pag-asa Pa Bang Magbago ang Kapalaran ng Bata?
“Mama, tapos na po akong maghugas ng pinggan! Pupwede na po ba akong makipaglaro sa mga kaibigan ko? Kanina pa po nila ako hinihintay sa labas ng bahay natin, eh,” masiglang tanong ni Jonas sa nanay niyang abala sa pagseselpon, isang umaga matapos niyang gawin ang mga gawaing bahay nakatoka sa kaniya.
“Sino ba kasing nagsabing magpahintay ka sa kanila, ha? Marami ka pang kailangang gawin dito sa bahay, pauwiin mo muna ‘yang mga ‘yan!” utos ni Beth sa kaniyang anak, habang patuloy pa rin sa panunuod ng bidyo sa social media.
“Ano pa po ba ang gagawin ko, mama? Nakapagsaing na po ako, nahugasan ko na po ang pinagkainan natin kaninang umaga, nakapaglampaso na po ako, nakapag-igib ng tubig, may nakalimutan pa po ba ako?” walang muwang na tanong nito na ikinainis niya dahil siya’y naiistorbo.
“Ayan, o, nakikita mo naman sigurong tambak na ang mga marurumi nating damit! Kailangan pa ba talagang utusan ka, ha?” galit niyang bulyaw dito saka ituro ang isang tambak na maruming damit.
“Eh, mama, hindi pa po ako marunong maglaba,” sagot ng kaniyang anak habang nagkakamot ng ulo.
“Pwes, matuto ka! Hindi pwedeng puro laro ka lang! Wala ka talagang silbi kahit kailan! Utak merengge ka pa!” sigaw niya rito saka agad na tumayo upang paalisin ang mga batang naghihintay sa anak, “Hoy, umalis-alis nga kayo riyan! Maglalaba pa si Jonas!” sigaw niya dahilan para agad na magtakbuhan ang mga ito habang nagpipigil ng luha ang kaniyang anak.
Palaging inuutusan ng ginang na si Beth ang kaisa-isa niyang anak habang siya, halos hindi na kumikilos sa kanilang bahay at madalas na gumagamit lamang ng selpon. Kahit na pitong gulang pa lamang ito, maalam na ito sa gawaing bahay dahil sa kaniyang mga utos.
Sa katunayan, kahit may pasok ito sa eskwela, nais niya munang maglinis ito ng bahay bago pumasok upang wala na siyang gagawin kung hindi ang kumain at maghintay sa pag-uwi nito upang muling maglinis.
Anak niya kasi ang batang ito sa una lalaking minahal niya nang todo ngunit siya’y pinagpalit sa isang dalagang mas bata at maalindog kaysa sa kaniya. Kahit na sinabi niya sa lalaking ito na siya’y buntis, hindi siya inintindi nito at tuluyan pa ring nakipaghiwalay sa kaniya.
Kung hindi lang dahil sa kaniyang ina, matagal na niyang pinalaglag ang batang ito. Ngunit dahil naniniwala ang nanay niyang malas ang pagpapalaglag, hindi niya ito ginawa. Kaya lang, katakot-takot na pahirap naman ang ginagawa niya sa naturang bata habang lumalaki para lang makaganti sa ama nitong walang kwenta.
Kung ang mga pangkaraniwang bata ay masayang naglalaro sa kalsada, ang anak niya, simula nang magkaisip ito, palagi niyang binubungangaan, inuutusan at pinagsasabihan ng mga masasakit na salita. Sa tuwing makagagawa pa ito ng kamalian, walang sawa niya itong hahagupitin hanggang sa mapawi ang galit na kaniyang nararamdaman.
Agad na ngang naglaba ang naturang bata noong araw na ‘yon matapos niyang paalisin ang mga kalaro nito. Nang makita niyang nagpupuno na ng tubig sa kanilang mga batya ang kaniyang anak, muli siyang bumalik sa pagseselpon.
Maya-maya, bigla niyang naalala na mayroon nga pala siyang bagong biling damit dahilan para agad siyang humangos sa anak niyang naglalaba at napapikit na lang siya nang makitang isinama ito ng kaniyang anak sa mga puti niyang damit na ngayo’y kulang itim na rin.
“Ano ka ba? Alam mo namang ibang kulay ang damit na ‘yan, isasama mo sa mga puti?” galit niyang sambit saka agad na tinanggal ang kumukulay na damit. “Hindi ko naman po kasi alam, mama,” sagot nito na ikinainis niya lalo.
“Sumasagot ka pa? Ikaw, kahit kailan, wala kang ginawang tama!” bulyaw niya saka agad niyang hinablot ang tablang damit nito at ito’y pinagpapalo.
“Aray! Tama na po, mama! Tulong!” tanging sigaw ng kaniyang anak.
Tumigil lang siya sa pamamalo rito nang katukin na siya ng kanilang kapitbahay. Ngunit nagalit pa siya rito at sinabing huwag mangialam.
Maya-maya pa, dumating na ang kanilang kapitan at siya’y pinapasama sa barangay. Magmamatigas pa sana siya nang biglang dumating ang patrol ng mga pulis dahilan para agad na siyang sumama.
Sakto namang nakuhanan pala ng kaniyang kapitbahay ng bidyo ang ginagawa niya sa kaniyang anak na naging matinding ebidensya sa pagmamaltrato niya rito.
Puno pa ng mga pasa at sugat ang kaniyang anak dahilan para tuluyan siyang makasuhan at makulong sa bilangguan. Doon niya labis na napagtantong sa sobrang galit niya, naging masama siyang ina sa batang wala namang kasalanan na ngayo’y may trauma na sa kaniya.
Wala man siyang pagkakataong itama ang kaniyang mga kasalanan sa ngayon, labis siyang nangako sa Diyos at sa sariling sa paglaya niya, mamahalin niyang maigi ang anak na kaniyang nasaktan at napagkaitan ng pagmamahal.