Siniraan ng Dalagang Ito ang Binatang Nanliligaw sa Kaniyang Pinsan, Siya Pala ang may Gusto Rito

Siniraan ng Dalagang Ito ang Binatang Nanliligaw sa Kaniyang Pinsan, Siya Pala ang may Gusto Rito

HeartbreakingLoveStories

“Cess, pumayag ka talagang ligawan ka ni Harold? Diyos ko, hindi mo ba alam na kung sino-sinong babae ang dinadala no’n sa condo niya?” nguso ni Freya sa pinsan niya, isang gabi nang makumpirma niyang may bago itong manliligaw dahil sa post nito sa social media. 

“Totoo ba ‘yang sinasabi mo? Hindi ko alam ‘yang sinasabi mo. Ang sabi niya kasi sa akin, wala pa raw siyang nagiging nobya. Sabi niya pa, ako pa lang daw ang kauna-unahang babaeng liligawan niya,” tugon nito na ikinatawa niya. 

“Hay naku, Cess, napakainosente mo talaga! Sino bang lalaki ang aamin na may nabiktima na silang ibang babae, ha? Mag-isip-isip ka nga bago ka pa masaktan nang todo!” sambit niya rito.

“Sigurado ka ba talaga riyan?” pag-aalala nito, bakas sa mata nito ang pagkabigla at sakit na nararamdaman. 

“Aba, oo naman! May bali-balita pa nga dati na pinilit niyang magpalaglag ang isang dalagang ka-schoolmate namin dahil hindi niya ito sadyang mabuntis!” tsismis niya pa habang umiiling-iling sa pagkadismaya. 

“Naku, siguro nga, kailangan ko na siyang patigilin na manligaw sa akin. Hindi ko kailangan ang isang tulad niya,” tugon nito habang mangiyakngiyak dahilan para kaniya itong yakapin at patagong ngumisi. 

Nasa kolehiyo pa lang ang dalagang si Freya, gustong-gusto niya nang makuha ang atensyon ng isa sa mga sikat na estudyante sa kanilang paaralan na si Harold. Sa katunayan, nagawa niya pa itong sundan noon kung saan man ito magpunta. 

Mapa-mall man ito o sementeryo, basta’t naroon ang binatang ito, hindi siya magdadalawang-isip na magpunta rin doon kahit na dis oras na ng gabi makuha niya lang ang atensyon nito kahit ilang segundo.

Kaya lang, nakapagtapos na sila ng kolehiyo, hindi pa rin niya alam kung kilala siya nito dahil ni minsan, hindi nito pinansin ang lahat ng pagpapapansing ginagawa niya. 

Kaya naman, nang makita niyang kasama ng kaniyang pinsan ang binatang ito sa isang post nito sa social media, agad na uminit ang dugo niya. 

“Mas maganda naman ako, mas masarap akong kasama kaysa sa tahimik na dalagang ‘yon, at lalo’t higit, mas matalino ako! Bakit hindi ako ang napili niyang ligawan?” tanong niya sa sarili habang nakaharap sa salamin.

Doon niya napag-isip-isip na siraan ang binatang ito sa kaniyang pinsan dahilan para agad niya itong puntahan sa bahay noong araw na ‘yon. Dahil nga may pakauto-uto rin ang dalagang ito, agad itong naniwala sa kaniya at pinadalhan ng mensahe ang binatang iyon na itigil na ang panliligaw. 

“Ayoko, magkita tayo sa parke mamayang gabi, mag-usap tayo, Cess,” tugon ng binata na ikinangiti niya. 

“Huwag mo na ‘yang padalhan ng mensahe, ako na ang kakausap d’yan nang manahimik na ‘yan,” wika niya na labis na ikinapasalamat ng naturang dalaga habang patuloy sa pag-iyak. 

Kinagabihan, labis siyang nag-ayos ng sarili. Nang matantiya niyang ayos na ang itsura niya, agad na siyang nagpunta sa naturang parke upang kitain ang binata. 

Pagkarating niya roon, kilig na kilig siya nang makita itong tahimik na naghihintay habang may bitbit-bitbit na mga rosas. 

“Harold, pinsan ako ni Cess. Pasensya ka na, ayaw niya talagang magpaligaw sa’yo, pero huwag kang mag-alala, kahit ako na lang ‘yong ligawan mo,” nakangiti niyang sambit sa binata. 

“Umamin ka nga, anong sinabi mo kay Cess? Akala mo ba hindi kita kilala? Ikaw ‘yong palaging nakasunod sa akin noong nasa kolehiyo pa lang ako. Ikaw ‘yong papansin na palaging gumagawa ng isyu sa akin. Ano ba talagang gusto mo? Pati personal na buhay ko, nakikisawsaw ka?” galit na sambit nito na ikinagulat niya. 

“Ah, eh, totoo naman ang sinasabi ko, pinapunta ako ni Cess…” hindi na niya natapos ang sasabihin dahil nilapitan na siya nito. 

“Kahit anong gawin mo, hindi kita magugustuhan, Freya, dahil ayaw ko sa babaeng desperada na nga, naninira pa ng tao makuha niya lang ang gusto niya!” wika nito na kaniyang ikinatulala, narinig niya na lang na umalis ang sasakyan nito at siya’y mag-isa na lang sa madilim na parkeng iyon. 

Paulit-ulit na tumatakbo ang mga katagang sinabi ng naturang binata sa isip niya na talaga nga namang paulit-ulit na dumurog sa kaniya. 

Wala siyang ibang magawa kung hindi ang umiyak habang naglalakad pauwi at nang siya’y mahimasmasan, siya’y humingi ng tawad sa kaniyang pinsan at umamin sa ginawa niyang kalokohan. Wika niya, “Pasensya ka na, Cess, gusto ko talaga si Harold kaya ko nagawa ‘yon. Ngayon, hahayaan ko na kayong maging masaya,” habang patuloy siyang umiiyak. 

Masakit mang makitang masaya ang binatang pinapantasya niya sa pinsan niya, wala siyang magawa kung hindi ang magbulag-bulagan para sa dalawang taong totoong nagmamahalan. 

More Stories