Inday TrendingInday Trending
Isang Simpleng Kabaitan Lamang ang Ipinakita Niya sa Batang Kalye; Hindi Niya Inaasahan ang Sumunod na Nangyari

Isang Simpleng Kabaitan Lamang ang Ipinakita Niya sa Batang Kalye; Hindi Niya Inaasahan ang Sumunod na Nangyari

“Tatay!”

Iyon ang masayang salubong sa kaniya ng anak na si Cherry.

“Anak, nagpakabait ka ba?” tanong niya sa anak bago niya ito kinarga.

“Naku, Waldo! Napakapilya ng anak mo! Mabuti na nga lang at napaka-cute at napaka-bibo kaya wiling-wili ako kasama siya!” naiiling na sabat ni Aling Minda, ang tagapag-alaga ng kanilang anak. Kapitbahay nila ang matanda.

Nakangiting inabutan niya ng pera ang matanda.

“Maraming salamat ho, Aling Minda. Alam niyo naman ho na sa inyo ko lang maaring ipagkatiwala ang anak ko. Salamat ho sa pag-aalaga niyo kay Cherry,” sinserong pasasalamat niya sa matanda.

Nang maiwan silang mag-ama sa kanilang maliit na bahay ay bibong nagkwento ang kaniyang anak.

“Si Teacher Sally po, may boyfriend na! Kanina may bulaklak siyang hawak pagdating niya sa school!”

Patuloy ang pagkukwento ng kaniyang limang taong gulang na anak habang kumakain sila. Magiliw siyang nakikinig dito nang bigla siyang may maalala.

Kaarawan na pala nilang mag-ama bukas!

“Anak, birthday mo na pala bukas!” nabigla niyang bulalas sa anak na sige pa rin sa pagkukwento.

Namilog ang mata nito. Tila noon lamang din nito naalala ang okasyon.

“Oo nga po, Tatay! Birthday ko na bukas! Six na po ako bukas!” nagtatatalong wika ng bata.

Maya-maya ay napahinto ito sa pagtalon at napasulyap sa kaniya.

“Tatay, eh di ibig sabihin mo, birthday mo rin bukas?” usisa nito.

“Oo, anak.”

Kitang-kita niya ang tuwa sa mukha ng nag-iisang anak. Napaisip si Waldo. Mabuti na lamang pala at wala siyang pasok bukas. Kahit papaano ay maipapasyal niya ang mahal na anak.

Bahagya pa siyang namroblema dahil kakarampot lang ang pera na naitatabi niya.

“Pagkakasyahin ko na lang bukas,” sa isip-isip ni Waldo.

Maaga pa lamang ay gising na ang mag-ama. Ang batang si Cherry ay halos gabing-gabi na nang makatulog dahil sa sobrang pagkasabik sa kaarawan nito.

“Tatay, saan po tayo pupunta?” usisa ni Cherry habang nakasakay silang mag-ama sa jeep.

“Sikreto!” mapaglarong sagot niya.

“Wow!” tuwang tuwang bulalas ni Cherry nang makarating sila sa lugar na alam niyang magugustuhan nito – sa karnabal.

Napuno ang maghapon na iyon ng tawanan ng mag-ama lalo pa’t enjoy na enjoy sila sa pagsakay sa tsubibo, ferris wheel, at horror train.

Iba’t-ibang palaro rin ang sinalihan nila kaya naman tunay na aliw na aliw ang dalawa.

Nang kumagat ang dilim ay isang sorpresang regalo ang ibinigay niya sa anak.

Napansin niya kasi na halos hindi mapuknat ang tingin nito sa dambuhalang manika.

“Happy birthday, anak!” bati niya sa anak.

“Wow! Salamat po, Tatay! Ang ganda naman po nito!” tuwang tuwang bulalas ng anak habang yakap nito ang manika na halos mas malaki pa dito.

“Gutom ka na ba?” tanong niya sa anak.

“Halika, kumain muna tayo bago tayo umuwi!”

Sa isang sikat na kainan sila nagtungo. Kahit kasi mura ang pagkain doon ay masasarap ang mga inihahanda ng mga serbidora.

Matapos silang maka-order ng pagkain ay sinilip ni Waldo ang laman ng kaniyang wallet. Halos sapat na lang iyon para pamasahe nilang mag-ama. Gayunpaman, wala siyang panghihinayang na nadama dahil kitang kita naman niya ang saya sa mukha ni Cherry.

Sa gilid sila pumwesto kaya naman kitang kita ni Waldo ang mga tao sa labas.

“Ang ganda naman ng manika mo!” maya maya ay narinig nilang komento ng isang matandang lalaki mula sa hindi kalayuan.

Kasama nito ang isang matandang babae na sa tingin niya ay asawa nito.

“Thank you po! Regalo po ito ng Tatay ko! Birthday po kasi namin parehas!” bibong kwento ng bata.

Natawa ang mag-asawa, halatang aliw na aliw sa kaniyang anak.

Ilang sandali pa ay dumating na ang pagkain nilang mag-ama.

Handa na si Waldo na magsimula sa pagkain nang mapalingon siya sa labas. Doon ay nakita niya ang isang batang kalye na hindi nalalayo ang edad kay Cherry.

Nakatanghod ito sa kanila at tila takam na takam sa mga pagkain ng mga kustomer. Binalot ng awa ang puso ni Waldo sa bata kaya naman dali-dali siyang tumayo dala ang sarili niyang pagkain.

“Tatay, saan ka po pupunta?” agad na usisa ni Cherry.

Tinuro niya ang bata.

“Bibigay ko ‘tong pagkain sa bata, kawawa naman. Kumain ka lang diyan,” sagot niya sa anak bago lumabas.

“Hija, gusto mo sa’yo na lang ‘tong pagkain ko?” magiliw na tanong niya sa bata.

Sunod-sunod na tango ang naging sagot nito.

Magana itong kumain.

Nang sulyapan niya si Cherry ay nakita niyang nakatingin ito sa kaniya. Maging ang dalawang matanda kanina ay nakuha niya ang atensyon.

“Ubusin mo ‘yan, ha?” bilin niya sa bata bago bumalik sa kanilang lamesa.

“Tatay, ano pong kakainin mo?” muli ay usisa ni Cherry.

“Ayos lang ako, anak. Sa bahay na lang ako kakain.”

Sunod-sunod na subo ang ginawa nito.

“Bakit ka nagmamadali?” takang tanong niya sa anak.

“Para po makakain ka na!”

Natutuwang inalis niya ang mumo ng kanin sa pisngi ng anak.

“‘Wag mo akong alalahanin, kumain ka lang diyan.” Kahit ang totoo ang humahapdi na rin ang sikmura niya sa gutom.

Subalit sa kanilang pagkagulat ay dalawang serbidora ang lumapit sa kanila at nagdala ng sangkaterbang pagkain!

“Naku, hindi ho sa amin ito,” agarang pagtanggi niya. Aba’y wala siyang pambayad doon!

Ngumiti ang babae.

“Sa inyo lahat ‘yan. Bumilib kami sa ginawa mo,” wika ng isang tinig.

Sa likod ng serbidora ay nakita niya ang mag-asawang matanda. Napakalaki ng ngiti ng dalawa.

“Naku, ang dami ho nito. Ang mahal ho siguro ng babayaran niyo,” nahihiyang anas niya.

“Sir, ‘wag po kayong mag-alala, sila ho ang may-ari ng kainan na ito!” sabat naman ng serbidora.

Nanlaki ang mata ni Waldo sa gulat.

“Naku, maraming salamat po!”

“Ikaw ang dapat naming pasalamatan. Ipinaalala mo sa amin na masarap magbigay sa kapwa,” wika ng matandang lalaki, bago tinapik ang kaniyang balikat.

Bago umalis ang mag-asawa ay isang sobre ang iniabot ng mga ito sa kaniya.

“Tanggapin mo ito. Munting regalo namin sa inyong mag-ama. Maligayang kaarawan sa inyo!”

Kahit matigas ang kaniyang pagtanggi ay wala siyang nagawa nang iwan ng mga ito ang sobre sa kanilang mesa.

“Tatay, ano po ito?” ani Cherry bago nito dinampot ang sobre at iniabot sa kaniya.

Nang buksan niya ang sobre ang nanlaki ang mata niya sa labis na gulat.

Tumataginting na sampung libong piso ang laman ng sobre!

Nang lingunin niya ang mag-asawa ay sakto namang lulan na ang dalawa ng papaalis na sasakyan.

Napailing na lamang si Waldo. Napakalaki ng naging kapalit ng ginawa niyang pagbibigay ng pagkain sa batang kalye.

Kaya naman bilang pagbabalik ng nakuha niyang biyaya ay ginamit niya rin ang pera upang magbigay ng pagkain sa mga batang kalye na nagugutom.

Dahil buo ang paniniwala ni Waldo na mas mapalad ang nagbibigay kaysa sa binibigyan!

Advertisement