
Hindi Matanggap ng Ama ang Nobyo ng Anak; Napahiya Siya nang Makita ang Kayang Gawin Nito Para sa Kaniyang Anak
“Wendy. Kapag sinabi kong hindi, hindi!” matigas na sagot niya sa bunsong anak na si Wendy.
“Papa naman. Ang tagal tagal na naming magkasintahan ni Romeo, wala ka pa ring tiwala sa kaniya.”
Ramdam na ramdam ni Arnold ang labis na pagkadismaya ng anak. Subalit ano ang gagawin niya? Isa lamang siyang ama na nagnanais mapabuti ang kaniyang anak.
Paano ba naman niya magugustuhan si Romeo? Eh mukhang hindi nga nito kayang buhayin ang kaniyang anak!
Isang tattoo artist ang kasintahan ng kaniyang anak. Marahil dahil na rin sa propesyon nito kaya balot na balot ito ng naglalakihang tattoo na kailanman ay hindi niya nagustuhan.
“Sabihin mo sa nobyo mo, ikaw ang puntahan niya rito sa bahay, hindi ‘yang ikaw ang punta nang punta sa kaniya!” himig nanenermong payo niya sa anak.
Lalong sumimangot ang dalaga.
“Paano naman pupunta dito si Romeo, Papa? T’wing nandito lagi mong sinisimangutan!” pagmamaktol ng dalaga.
Hindi na muling nakipag-argumento pa si Arnold. Totoo naman ang sinabi ng anak. Kahit kailan ay hindi niya magugustuhan ang Romeo na iyon!
Wala tuloy magawa ang magkasintahan kung hindi ang palihim na magkita nang hindi nalalaman ng ama ng dalaga.
Isang gabi, naalimpungaan si Arnold dahil sa malakas na pagyugyog ng kaniyang asawa.
“Arnold, gumising ka! Si Wendy!” tarantang sigaw ng kaniyang asawa.
Nang tunguhin niya ang silid ng bunsong anak ay nakita niya ang anak na namimilipit sa sakit.
“Ang sakit ng tiyan ko!” impit na sigaw ng dalaga habang hindi ito tumitigil sa pag-iyak.
Wala silang nagawa kundi isugod ang dalaga sa ospital.
Akala nila ay simpleng pananakit lamang ng tiyan ang iniinda ng anak kaya naman nagulat sila sa lumabas na pagsusuri ng doktor.
“May sakit sa kidney ang anak niyo. Kakailanganin niya ho ng kidney transplant sa lalong madaling panahon, bago pa mahuli ang lahat,” pagbabalita ng doktor.
“Kung kailangan na ho, gawin na ho natin, kahit ngayon, Dok,” buo ang loob na sagot niya sa doktor.
“Mister, hindi ho ganoon kadali ang proseso. Kailangan pa ho natin ng donor na magbibigay ng kidney sa anak niyo. Hindi ho basta-basta ito. Kailangan ho natin kumuha ng kidney na tatanggapin ng katawan ng anak niyo para maging matagumpay ang operasyon,” paliwanag ng doktor.
Napasulyap siya sa natutulog na si Wendy. Hindi niya kayang makitang nasasaktan ang anak kaya naman gagawin niya ang lahat para lamang gumaling ito.
“Ako ho na tatay ng pasyente. Pwede ho ba ako?”
Tumango ang doktor bago siya inatasang sumunod dito. Sunod-sunod na pagsusuri ang ginawa sa kaniya.
“Hindi niyo ho maaring ibigay ang kidney niyo sa anak niyo, Sir. May edad na ho kayo at hindi na kakayanin ng katawan niyo,” malungkot na pagbabalita ng doktor. Sa mata nito ay mababakas ang pagkabahala.
Napaisip si Arnold. Hindi rin pwede ang asawa niya dahil may sakit ito.
“Magtanong-tanong ho kayo sa mga kamag-anak niyo. Baka ho sa kanila ay may mahanap kayo,” payo ng doktor.
Ganoon nga ang ginawa ng mag-asawa. Kinausap nila ang kanilang mga anak, subalit wala sa mga ito ang handang magbigay para kay Wendy. Natatakot daw ang mga ito dahil isang malakihang operasyon ang mangyayari.
Ganoon din ang naging reaksyon ng iba pa nilang mga kamag-anak.
Bagsak ang balikat na bumalik sila sa ospital.
Sakto namang dumating ang humahangos na si Romeo, ang nobyo ng kaniyang anak. Kasama ng lalaki ang ina nito.
“Ano po ang nangyari kay Wendy?” nag-aalalang usisa ng lalaki.
Ang kaniyang asawa ang nagkwento ng sinabi ng doktor.
Nagulat siya nang walang gatol na magdesisyon si Romeo.
“Ako po! Ibibigay ko po ang kidney ko kay Wendy. Malusog po ako, walang kahit na anong sakit,” agad na pagboboluntaryo nito.
Natigagal silang mag-asawa. Siya ang unang nakabawi.
Ngunit bago pa siyang makapagsalita ay narinig niya na ang ina nito.
“Ano? Romeo, nababaliw ka na ba? Hindi mo ba alam kung gaano kapanganib ang gagawin mo? May tiyansa na hindi ka na magising!” agarang pagkontra nito sa nais ng anak.
Umiling ang lalaki.
“Hindi ko naman po maaaring pabayaan ang babaeng pinakamamahal ko, Mama. Intindihin niyo naman po,” pakiusap nito sa ina.
Matapos ang mahaba-habang diskusyon ng mag-ina ay wala rin itong nagawa kundi magpatianod sa naging desisyon ni Romeo.
Sa kabutihang palad ay maganda ang naging resulta ng pagsusuri ng doktor kay Romeo. Maaari raw iyong gamitin sa operasyon ni Wendy!
Nang araw ding iyon ay sumailalim ang dalawa sa operasyon. Halos kalahating araw ang lumipas bago lumabas ang doktor na may ngiti sa mga labi.
“Matagumpay ang naging operasyon, hihintayin na lang natin na magising ang dalawang pasyente. Kapag magaling na ang mga sugat na gawa ng operasyon ay maaari na silang makauwi,” masayang bulalas ng doktor.
Labis labis ang pasasalamat ng mag-asawa sa taong nagligtas sa kanilang anak.
Si Arnold ay hiyang-hiya sa naging pagtrato niya sa kasintahan ng anak. Hinusgahan niya na hindi nito kayang buhayin Wendy, samantalang ito ang handang magbuwis ng buhay para sa anak niya!
Nang magising si Romeo ay ginawa niya ang nararapat – humingi siya ng paumanhin sa lalaki.
Lalo lamang siyang napahiya sa naging sagot nito. “Kahit buhay ko po, handa akong ialay para kay Wendy. Ganoon ko po siya kamahal. Kaya sana po ay matanggap niyo na ako para sa bunso niyong anak.”
Noon ay tuluyang napagtanto ni Arnold na walang hihigit sa pagmamahal ng lalaki para sa kaniyang anak.
Sa araw ng kasal ni Romeo at Wendy ay pinakamaligaya si Arnold. Dahil alam niya na ang klase ng pagmamahal na iuukol ni Romeo sa kaniyang anak ay tunay, dalisay, at walang hangganan.