Inday TrendingInday Trending
Hindi Pinaniwalaan ng Ginang ang Sumbong ng Kaibigan; Sa Huli ay Siya rin ang Nasaktan at Napahiya

Hindi Pinaniwalaan ng Ginang ang Sumbong ng Kaibigan; Sa Huli ay Siya rin ang Nasaktan at Napahiya

“Ma’am Lorena, may tumatawag po sa inyo,” sabi ng kasambahay, at inabot nito sa kaniya ang cellphone na iniwan niya sa sala.

Tumango siya at tinanggap iyon. Hindi na siya nagulat nang makita na ang matalik niyang kaibigan na si Michelle ang tumatawag. Nakangiti niyang sinagot ito.

“Lorena, ‘wag kang mabibigla pero nakita ko ang asawa mo dito sa restaurant na kinakainan ko ngayon. May kasamang siyang isang babae at dalawang bata. Masama ang kutob ko kaya tinanong ko yung babae kung kaano-ano niya yung kasama niyang lalaki, at nobyo niya raw,” mahabang litanya ng kaibigan.

Kaagad na kumunot ang kaniyang noo sa sinabi nito.

“Anong ibig mong sabihin? Nasa opisina si Ricardo.”

Maaga itong umalis kaninang umaga dahil ayon dito, mayroon itong malaking kliyente at kailangan nilang ihanda ang lahat ng hinihingi nito.

“Hindi nga! Nakita ko talaga. Siyang siya ‘yon. Maniwala ka sa akin, niloloko ka ng asawa mo!” pilit nito.

Imbes na maniwala sa kaibigan ay umiling siya dahil hindi siya naniniwala sa sinasabi nito.

“Sigurado akong namalikmata ka lang. Hindi totoo ‘yan,” seryosong pahayag niya bago niya tinapos ang tawag.

Kinagabihan nang umuwi ang asawa, pinaghain niya agad ito ng pagkain na siya mismo ang nagluto ngunit sa pagkadismaya niya ay tumanggi ito.

“Kumain na ako, kaya aakyat na ako sa taas para matulog. Tulog na ba ang mga bata?”

Imbes na sumagot ay siya naman ang nagtanong. “Saan ka kumain? Sinong kasama mo?”

Ayaw man niyang isipin ang sinabi ng kaibigan ay may kaunting parte sa kaniya na hindi maiwasang maghinala.

“Mga katrabaho ko. Sino pa ba kung hindi sila?” sagot nito na tila nagtataka sa inaasal niya.

Bumuntong hininga siya bago napag-desisyunan na sabihin dito ang sinabi ng kaibigang si Michelle kanina.

“Hindi ako ‘yun. Maghapon ako sa trabaho. Saka lolokohin ba naman kita, Lorena? May mga anak tayo,” naiiling na sagot nito.

Tumango siya bilang pagsang-ayon sa sinabi ng asawa. Tama ito. Ilang taon na itong kumakayod para sa pamilya nila. Naging mabuti itong padre de pamilya. Ni minsan ay hindi nila naranasan na maghirap o magutom, kaya bakit nga naman siya maghihinala rito dahil lang sa sinabi ng kaibigan?

Sa huli ay ngumiti rin siya para tanggapin ang paliwanag nito. Tuluyan niya nang iwinaksi ang kaniyang mga isipin.

Akala niya ang matatapos na isyu na iyon subalit kinabukasan ay tumawag na naman si Michelle para ulitin at pagdiinan ang paratang nito sa kaniyang asawa.

Nang hindi niya na kaya pang makinig ay ibinaba na lang niya ang telepono. Subalit tila hindi pa ito nakuntento ay nagpunta pa sa bahay nila mismo.

“Ano ba? Bakit ba pinipilit mo pa rin ‘yan? Sinabi na ngang hindi, eh. Mali ka. Tinanong ko na at sinabi niyang hindi siya ‘yun,” inis niyang kastigo sa kaibigan. Tila kasi hindi ito titigil hangga’t hindi sira ang pamilya niya.

“At ikaw, bakit ayaw mong maniwala? Sino ba naman ang aamin sa ginawa nilang mali, ha? Kaibigan mo ako, lolokohin ba kita? Tingin mo ba gagawa ako ng kwento?” giit nito.

Tiningnan niya ang kaibigan at hindi na siya nakapagpigil na sabihin dito ang tunay niyang saloobin.

“Pwede. Baka kasi naiingit ka sa akin,” walang gatol niyang tugon.

“Ano? At bakit naman ako maiinggit?” tila hindi makapaniwalang tanong nito.

“Dahil ako, buo ang pamilya, may pera. Hindi kagaya mo na diborsyada at kailangang magtrabaho nang todo para lang masustentuhan ang pamilya.”

Kitang-kita niya na nasaktan ito at ‘di makapaniwala sa narinig mula sa kaniya. At huli na para bawiin niya pa ang masasakit na salita na nasabi.

“‘Yan pala ang iniisip mo? Concerned lang ako sa’yo dahil kaibigan kita pero mukhang hindi pala kaibigan ang turing mo sa akin,” malamig na komento nito.

Bago ito umalis ay iniwan nito ang isang papel kung saan nakalista ang pangalan ng isang kilalang pribadong subdibisyon.

“Kung handa ka nang malaman ang totoo, pumunta ka lang dito at malalaman mo na nagsasabi ako ng totoo.”

Hindi tuloy maalis ang tingin niya sa papel na iniwan ng kaibigan. Naisip niya na wala rin namang mawawala kung pupunta siya.

Matapos umalis ng kaniyang asawa kinabukasan ay agad niyang ipinagbilin ang mga anak sa mga katulong.

Kabadong-kabado siya habang nagmamaneho.

Ngunit tuluyan na siyang nanlamig nang makita ang kaniyang asawa na pumasok sa isang simple ngunit magandang bahay. Sinalubong ito ng isang babae at dalawang bata, na akma sa natatandaan niyang kwento ng kaibigan.

Hindi na siya nakapagpigil pa at sinugod ang mga ito para malaman ang totoo.

“Mga walanghiya kayo! Mga manloloko!” galit niyang sigaw.

Nagulat ang mga ito sa kaniyang presensya. Kinompronta niya ang dalawa hanggang sa mapilitan ang kaniyang magaling na asawa na ipagtapat ang totoo.

Hindi lang pala isa ang pamilya nito, kundi dalawa. Ang mas masakit pa doon ay alam ng babae ang tungkol sa kanilang mag-iina ngunit pinili pa rin nito na maging kabit.

“Maghiwalay na tayo!” pinal niyang sigaw bago umiiyak na umalis.

Tuluyan na siyang nakipaghiwalay sa asawa dahil hindi niya na kayang makisama pa rito. Kahit anong pakiusap nito ay nanindigan siya.

May mga kasalanan na kaya niyang patawarin, subalit hinding-hindi ang panloloko nito sa kanilang mag-iina.

Sising-sisi siya dahil hindi siya nakinig sa sinasabi ng kaibigan, bagkus ay nagawa niya pang pagdudahan ang intensyon nito at napagsalitaan ito ng masama.

“Patawarin mo ako sa ginawa ko,” sinsero niyang pahayag nang muli niyang makita si Michelle.

Hiyang-hiya siya sa kaibigan na tunay na nagmalasakit sa kaniya.

“Ayos lang. Pero aaminin ko na talagang nasaktan ako dahil ganoon pala ang iniisip mo tungkol sa akin. Masaya ako na magtrabaho para sa pamilya ko at kahit hiwalay ako sa asawa ay hindi ko naramdaman kahit kailan na may kulang sa akin. At hindi ako maninira ng pamilya dahil lang sa inggit,” nagtatampong paliwanag nito.

Mas lalo siyang napaiyak ngunit naiintindihan niya ang sinasabi nito. Ilang beses siyang humingi ng tawad hanggang sa niyakap siya nito nang mahigpit para damayan siya.

Makakahanap siya ng papalit sa kaniyang asawa, ngunit bibihira ang kaibigan na nanaisin ang pinakamabuti para sa kaniya. Iyon ang natutunan niya.

Advertisement