
Biglang Naging Mainitin ang Ulo ng Anak ng Aleng Ito, May “Mabigat” na Dinadala Pala Talaga ang Dalaga
“Napapansin mo ba ‘yang si Sarah? Parang palagi na lang yatang mainit ang ulo ng anak natin nitong mga nakaraang araw. Baka naman buntis ‘yun? T@ng!n*ng buhay na talaga ‘to!” baling ni Aling Bebe sa kaniyang asawa.
“Aba, itutulad mo naman ‘yung anak natin sa anak mong isa? Huwag mo nang pinapansin ‘yang si Sarah at baka marami lang trabaho. Huwag kang mag-alala, hindi ‘yun gagaya sa anak mo sa una!” sigaw rin ni Delfin ang asawa ng babae habang nagkakape ito at nagbabasa ng diaryo.
“Hay naku, kung makapagsalita ka akala mo ako lang ang may-anak sa una? Bakit perpekto ba ‘yang anak mo sa una mong asawa? Hindi ba’t isang kahig isang tuka lang din ‘yung mga ‘yun?! Tandaan mo, anak lang natin ang nakaka-angat sa lahat kaya iniingatan ko! Hindi katulad mo, wala ka nang ginawa kung ‘di ipang-inom ‘yang pensyon mo!” sigaw ni Aling Bebe sa lalaki saka niya tinalikuran ito.
May kani-kaniyang pamilya noon sina Aling Bebe at Mang Delfin ngunit dahil sa hindi pagkakaintindihan sa mga kabiyak nila sa buhay ay naghiwalay rin ang mga ito. Saka naman nabuo ang pamilyang mayroon sila ngayon. Nag-iisang anak nila si Sarah at kahit may edad nang ipinanganak ni Aling Bebe ito ay naging napakatalino ng bata. Sa lahat ng anak nila ay ito lang din ang nakapagtapos at may magandang trabaho ngayon. Napakabait din nitong anak at napakamasunurin kaya naman labis siyang nagtataka sa biglang pagsusungit nito sa kanila.
“Anak, alam mo ba ‘yung kapatid mong si Joy, ‘yung sinabi ko sa’yong nabuntis ng wala sa oras. Itinakwil nilang lahat doon sa parte ng tatay niya, kaya sumama na lang siya sa nobyo niya ‘yun nga lang mas mahirap pa raw sa daga ‘yung lalaki,” iyak ni Aling Bebe kay Sarah habang kumakain sila ng hapunan.
“Naawa na ako, anak, sa kapatid mo baka pwedeng padalhan mo ulit siya ng pera? Ubos na kasi ‘yung pera kong hawak dito,” dagdag pang muli sa dalaga.
Hindi naman sumagot si Sarah sa halip ay bigla itong nagdabog at tumayo.
“Sarah, bastos ka na yata? Ilang araw mo na akong pinakikitunguhan ng ganyan?! Ano ba talagang problema mo?!” galit na sita ng ale sa kaniyang anak bago pa man ito makalayo sa kanilang mesa.
“Umupo ka rito nang makapag-usap tayo! Hindi ka pa tapos kumain at higit sa lahat hindi kita pinalaki para magdabog sa harap ng grasya!” sigaw pang mulu ni Aling Bebe ngunit parang walang narinig si Sarah at patuloy lamang ito sa paglalakad.
Mabilis na inihagis ni Aling Bebe ang baso sa direksyon ni Sarah at nabasag ito ng tumama sa pader na labis na ikinagulat ng dalaga.
“Put@ng!na! Ang dami ko nang problema tapos gaganyanin mo ako?! Magsalita ka! Kung ayaw mong magbigay ng pera sa kapatid mo, e ‘di ‘wag! Hindi ‘yung dadabugan mo ako! Nanay mo ako, Sarah!” nangigil na sigaw ni Aling Bebe sa kaniyang anak.
Nakakatitig lamang ang dalaga sa galit na galit niyang ina at kahit hindi umiimik ay hindi mapigilan ng babae ang pagpatak ng mga luha niya.
“Ganyan ka kagalit sa akin at ikaw pa itong may ganang umiyak? Anong problema? Buntis ka rin ba kaya ka gan’yan? Ayaw mong magbigay ng pera? Ano?! Magsabi ka!” bulyaw pang muli ni Aling Bebe rito.
“Pagod na pagod na ako,” bitaw ni Sarah sa kaniyang mga magulang.
“Bakit kailangan kong saluhin lahat ng kapatid ko? Bakit ko kailangan magpadala ng pera sa kanila buwan-buwan? Dahil anak niyo sila? Kapatid ko sila? Ma! Bente singko anyos lang ako! Bente singko anyos lang ang anak niyo!” iyak na sigaw ng dalaga sa kaniyang mga magulang.
“E ‘di lumabas din ang totoo! Ayaw mo magbigay ng pera!” hiyaw din ni Aling Bebe rito.
“Ma, kailan ba ako naging maramot sa kanila? Halos lahat ng sweldo ko sa kanila na napupunta. Kapag humingi ka at si papa ng para sa mga kapatid ko wala akong magawa kung ‘di ang magbigay kasi para ‘yun sa inyo! Ganoon ko kayo kamahal kaya kahit na walang natitira sa akin hindi ako nagsasalita kasi iniisip niyo sila. Sila ‘yung kawawa, sila ‘yung ganito ‘yung ganyan. Ako ba ‘ma, kailan mo ako kinumusta? Ang dami kong plano sa atin, sa inyo ni papa kasi may edad na kayo pero hindi ko magawa. Itong bahay na pinapatayo ko, hindi na ‘to matapos-tapos dahil kailangan ko silang unahin. Ako ba, ‘ma? Tinanong mo? Kung ayos lang ako? ‘Ma! Sweldo lang ang mayroon ako, tuwing sweldo lang ako maganda sa pangingin niyo! Hindi na anak pa ang tingin ko sa sarili ko ngayon kung ‘di taga salo ng mga responsibilidad niyo!” baling ni Sarah saka siya napaluhod sa pag-iyak at maya-maya ay umalis din.
Naiwang gulat at hindi makapaniwala ang mag-asawa sa narinig nila. Aminado si Aling Bebe na wala na siyang ginawa kung ‘di ang humingi para sa iba niyang anak at nakalimutan na niyang malalaki na rin ang mga ito at kailangan na niyang patayuin sa mga sarili nilang desisyon sa buhay at harapin ang kung ano mang kapalit nito.
Napaluha na lang siya nang maisip na hindi na nga niya kinukmusta pa si Sarah. Maging si Mang Delfin ay hiyang-hiya sa kaniyang sarili dahil ang pensiyon na natatangap niya ay napupunta lamang sa bisyo. Ngayon nila napagtantong mag-asawa kung gaano nilang pinapabigat at pinagdidilim ang kinabukasan na mayroon si Sarah. Dahil hindi isinilang ang mga anak para maging taga salo ng lahat. Mayroon silang buhay na kailangan pagyabungin at mga pangarap na kailangan tuparin.
Simula noon ay tinigilan na nila ang paghingi ng pera kay Sarah para sa mga kapatid niya sa labas at mas minabuti nilang hayaan ang dalaga sa mga desisyon nito sa buhay at magawa ang plano na matagal na nitong gustong tuparin.
Makalipas ang ilang buwan na hindi pag-iimikan ay nagkaayos na rin silang lahat. Hindi pa rin tumigil si Sarah sa pagbibigay ng tulong ngunit kusang loob na nya itong ginagawa at hindi na niya nararamdaman pang responsibilidad niyang buhayin ang lahat. Sa kabilang banda naman ay malaki ang pasasalamat ng mag-asawa dahil tunay na napakaresponsable at napakabait ng kanilang anak.