Nakabuntis ng Ibang Babae ang Lalaki kaya Wala Itong Nagawa Kundi Iwan ang Kasintahan; May Pag-Asa pa Kayang Magkabalikan ang Dalawa?
Inip na inip na si Kristina sa paghihintay sa labas ng pinapasukan niyang opisina. Mukhang hindi siya susunduin ng kasintahan niyang si Jobert.
“Tumawag ako sa kanilang opisina, pero hindi raw pumasok. Hindi rin daw umuwi sa inuupahan niyang apartment,” nag-aalalang sabi ng babae sa isip.
Kinakabahan siya. Sa isip niya ay may nangyari sa nobyo kundi’y hindi siya mabibigo sa paghihintay.
“Kinakabahan ako… kahit minsan ay hindi pa ito ginawa sa akin ni Jobert,” aniya pa.
Mas lalong kumabog ang dibdib niya nang salubungin siya ng kaniyang kapatid.
“Ate Kristina, nariyan si Kuya Jobert!” sigaw ng bunso niyang kapatid na si Kokoy.
“Bakit kaya dumiretso siya rito sa bahay?” tanong niya sa isip.
Pagpasok niya sa loob ng bahay ay naabutan niya ang nobyo na tahimik na nakaupo sa sofa.
“Jobert,” tawag niya.
Ngunit tila hindi siya nito naririnig.
“Jobert! May problema ka ‘no? Hindi mo ako sinundo sa opisina at ngayo’y tahimik ka riyan at may malalim na iniisip. Siguradong mabigat ang problema mo, bakit hind mo sabihin sa akin?” tanong ni Kristina.
Sunud-sunod ang paghinga ng malalim ni Jobert bago nagsalita.
“K-kasi may n-nangyari eh…” mahinang sagot ng lalaki.
“A-anong nangyari?” kinakabahang tanong ni Kristina.
“Hindi ko sinasadya, Kristina. M-may ipagtatapat ako sa iyo, nang minsang pumunta sa apartment ang kababata kong si Lulu ay dinalhan niya ako ng pagkain at alak. Birthday raw niya kaya niyaya niya akong uminom. Sobra akong nalasing nang gabing iyon at hindi sinasadyang may nangyari sa amin ni Lulu. Makaraan ang ilang buwan ay tinawagan niya ako at sinabing nagdadalantao siya at dapat kong panagutan kundi ay magpapatiw*kal siya,” kuwento ni Jobert sa mahinang boses.
Parang dinurog ng kung anong matigas na bagay ang puso ni Kristina sa ipinagtapat ng nobyo. Dahil sa labis na kalasingan ay natukso si Jobert at isang kakaibang regalo ang inihandog nito sa kababatang si Lulu na alam niya na matagal nang may pagtingin sa lalaking mahal niya.
“A-anong ibig sabihin nito, Jobert? Ano nang mangyayari ngayon?” tanong niya galit na tono.
Hindi nakakibo si Jobert.
“Ano, dahil sa nangyari ay pakakasalan mo ang babaeng ‘yon? Napasubo ka, ganon ba? Ganon ba, Jobert?!” sigaw niya.
“O-oo, Kristina. K-kailangan kong panagutan ang nangyari sa amin. Alam mong maimpluwensya ang mga magulang ni Lulu,” sambit ng lalaki.
Hindi na napigilan ni Kristina ang maiyak. Sila man ng katipan ay may plano na ring magpakasal kaya noon pa man ay nag-iipon na sila para sa nalalapit nilang pag-iisang dibdib subalit hindi na iyon matutuloy.
“Malaki na rin ang naipon nating pera, Jobert. Iyon na lamang ang gamitin mo sa pagpapakasal niyo ni Lulu,” wika ni Kristina.
“A-ano?! P-paano ka?” gulat na tanong ng lalaki.
Masakit man kay Kristina ngunit kailangan niyang gawin ang tama.
“Kailangan mo siyang panagutan. At isa pa, walang kasalanan ang sanggol na nasa kaniyang sinapupunan, dapat mo iyong tanggapin. Magpaka-ama ka ngayon, Jobert,” tugon niya.
“P-pero, Kristina…”
“Huwag mo akong alalahanin. Makakaya ko rin naman… kahit malungkot,” tangi niyang sagot.
Huminga nang malalim si Jobert.
“Patawarin mo ako, Kristina. Alam mong ikaw ang mahal ko at pangarap na maging asawa kaya lang ay hindi rin makakaya ng aking kunsensiya sakaling totohanin ni Lulu ang pagpapatiw*kal.”
”Huwag kang mag-alala, Jobert, hindi ako maghahabol. Wala akong isusumbat sa iyo,” sagot ni Kristina.
Lulugu-lugong umalis si Jobert. Malungkot ang mukha na para bang hindi sang-ayon sa gusto niyang mangyari ngunit kailangan nilang gawin iyon para sa ikatatahimik ng lahat.
Ilang araw na lang at ikakasal na sina Jobert at Lulu. Kahit sa mga paghahanda pa rito ay nakaalalay si Kristina.
“Hello, Jobert, naalala ko… may inihanda ka na bang aras? Kasi’y may mga lumang mamisong pilak ako baka gusto mong hiramin,” sabi ni Kristina kay Jobert nang tumawag ito sa cell phone.
Hindi napigilang maluha ng lalaki sa kabilang linya.
“Napakabuti mo, Kristina. Halos gusto ko nang saksakin ng punyal ang aking dibdib sa sobrang pagsisisi sa aking ginawa,” sagot ni Jobert.
Nalaman ng ina ni Kristina na si Aling Lupe ang ginagawa ng anak.
“Naloloka ka na ba, anak? Bakit mo tinutulungan ang lalaking iyon samantalang gin*go ka na niya? Nahihibang ka na ba? At may plano ka pang dumalo sa kasal nila ng malanding babae na nanulot sa dati mong nobyo?” galit na sabi ng ina.
“Oo nga naman, ate. Huwag mo nang ituloy ang balak mo. Dapat nga ay isumpa mo ang manlolokong Jobert na iyon dahil sa ginawa niya sa iyo,” sabad ng kapatid na si Kokoy.
“Huwag mong sabihin ‘yan, Kokoy. Kung tumalab ang sumpa, ako ang unang iiyak. Ginagawa ko ang mga iyon dahil mahal na mahal ko pa rin si Jobert,” tugon ni Kristina.
“Alam ko namang masama ang nanghahangad ng masama para sa kapwa, pero masama rin ang sobrang bait, anak!” makahulugang sagot ni Aling Lupe.
Ngunit sa kabila ng pagpipigil ng ina at ng kapatid ay itinuloy pa rin ni Kristina ang pagdalo sa kasal nina Jobert at Lulu.
“Best wishes sa inyo, Lulu. Alagaan mong mabuti si Jobert, mahalin mo siya lagi, please, Lulu,” wika niya sa babae.
“Thank you, Kristina. Oo naman, gagawin ko ‘yan dahil mahal na mahal ko ang asawa ko,” sagot ni Lulu.
Hindi nagtagal si Kristina sa simbahan at nagpaalam na rin. Akala ng mga taong naroon ay masaya siya sa nangyaring kasalan ngunit ang totoo ay nagdurugo ang puso niya dahil tuluyan nang nawala sa kaniya ang nag-iisang lalaking minahal niya. Halos hindi siya tumitigil sa kakaiyak habang nakasakay sa taxi pauwi sa kanilang bahay.
Isang araw ay may ibinalita ang kapatid niyang si Kokoy.
“Alam mo ate, parang nakaganti ka na rin sa Lulu na ‘yon. Isang linggo pa lang silang nakakasal, eh , lagi raw lasing si Kuya Jobert. At buhat daw nang ikasal sila ay hindi pa nagha-honeymoon.”
“S-saan mo naman nasagap ang tsismis na ‘yan?!” gulat na tanong ni Kristina.
“Kuwento ‘yon sa akin nung kaklase kong si Carlos na pinsan ni Lulu, ate,” sagot ng kapatid.
Ikinabahala iyon ni Kristina.
“Diyos ko, hindi maligaya si Jobert?” bulong niya sa sarili.
Dahil nag-aalala ay tinawagan niya ang lalaki at nakipagkita siya rito.
“Ano itong nabalitaan ko na palagi ka raw lasing at wala ka raw gana sa asawa mo?” tanong niya.
“At nakarating na pala sa iyo. Totoo ang mga nabalitaan mo, Kristina. Hindi ako masaya sa pagsasama namin ni Lulu dahil hanggang ngayon ay ikaw pa rin ang mahal ko,” pagtatapat ni Jobert.
“Pero mag-asawa na kayo, Jobert. Aaminin ko sa iyo na hanggang ngayon ay mahal pa rin kita, mahal na mahal kaya nagawa kong magparaya ay dahil iyon sa iyo, Jobert. Ayokong mapahamak ka, mayaman ang pamilya nina Lulu at maaari ka nilang gawan ng masama kapag hindi mo siya pinanagutan at saka magkakaanak na kayo ‘di ba?”
Nang may ipinagtapat si Jobert…
“Hindi totoong nabuntis ko si Lulu. Niloko lang niya pala ako para magpakasal ako sa kaniya. Tinakot din niya ako na may masamang mangyayari sa iyo kapag hindi ako nagpakasal sa kaniya,” bunyag ng lalaki.
“K-kung gayon ay hindi totoong nagdadalantao siya?!” gulat na sambit ni Kristina.
“Oo, mahal ko. Kaya handa na akong makipaghiwalay sa kaniya. Hindi na ako natatakot ngayon, ipaglalaban ko na ang pag-ibig ko sa iyo, iyon, eh, kung tatanggapin mo ulit ako sa buhay mo kahit na minsan ay winasak ko ang iyong puso?” tanong ni Jobert.
“Kahit naman kailan ay hindi ka nawala sa puso ko, Jobert, at matagal na kitang napatawad kaya tatanggapin pa rin kita ng buong-buo,” masayang sagot ni Kristina.
“Salamat, mahal ko. Iba ka talaga sa lahat ng babaeng nakilala ko, Kristina, kaya karapat-dapat ka talagang mahalin.”
Nang biglang dumating si Lulu, kitang-kita na magkasama sila at magkayakap pa sa isa’t isa. Walang kaalam-alam si Jobert na narinig pala nito ang pag-uusap nila ni Kristina sa cell phone at palihim siyang sinundan nang nakipagkita sa dating kasintahan.
“Mga traydor! Narinig kong lahat ang pinag-usapan niyo mga taksil! Pagbabayaran niyo ito!” sigaw ng babae.
At walang anu-ano’y sinaksak ng kutsilyo sa likod si Jobert. Nang nakabulagta na ang lalaki ay si Kristina naman ang sinaksak nito sa tagiliran.
Kapwa duguan ang dalawa. Tatakasan sana ni Lulu ang ginawa ngunit hindi niya napansin ang rumaragasang truck na sumalubong sa kaniya nang bigla siyang tumawid sa kalsada. Nahagip siya at nakaladkad pa. L@sug-las*g ang katawan ng babae at wala nang buhay. Mabilis ang dating ng karma kay Lulu.
Mabilis namang naisugod sa ospital sina Kristina at Jobert at agad na nabigyan ng lunas. Marami ang nakasaksi sa ginawa ni Lulu kaya wala na ring nagawa ang pamilya nito. Muling binigyan ng pagkakataon ang dalawang pusong minsang pinaghiwalay ng pagkakataon. Natuloy ang kasal nina Kristina at Jobert at biniyayaan sila ng dalawang anak. Masaya na silang namumuhay na mag-anak nang tahimik at maligaya. Kinalimutan na rin nila ang lahat ng mapapait na alaala ng nakaraan.