Nagkasakit ang Anak na Traysikel Drayber ng Matandang Ginang na Ito; Bakit Kaya Humanga ang mga Kasamahan ng Kaniyang Anak nang Makita Kung Sino ang Pumalit sa Pamamasada?
Narinig ni Lola Adella ang pag-uusap ng kaniyang anak na si Estong at ang misis nitong si Nida.
“Anong gagawin natin, Mahal? Saan tayo hahanap ng pera para sa pampagamot ni Charlson? Nauubos na ang ipon natin. Kahit mamasada ka pa maghapon, hindi sasapat ang kita mo para matustusan ang mga pangangailangan dito sa bahay. Kailangan sigurong tumanggap na ako ng labada,” saad ni Nida sa kaniyang mister.
“Huwag kang mag-alala, Mahal. Gagawan naman natin ng paraan. Hindi ako hihinto sa pamamasada. Saka napakiusapan ko si Kumpareng Nestor, baka puwedeng makibakas sa kaniya sa pagmamaneho ng pampasaherong jeep niya, kahit sa gabi lang, ako na ang maglalabas.”
“Pasasaan ba at matatapos din ang problema natin kay Charlson,” malungkot na sabi ni Nida.
Habang nagwawalis ng bakuran ay hindi maiwasan ni Lola Adella na isipin ang mga narinig mula sa pag-uusap ng anak at kaniyang manugang. Naaawa siya sa kanila at nais niya sanang makatulong subalit hindi naman niya alam kung paano. 68 taong gulang na siya, isang senior citizen, at sino naman ang tatanggap pa sa kaniya kung sakaling mag-aplay siya ng trabaho sa labas?
Mahina kasi ang baga ng apong si Charlson kaya kailangan itong gamutin upang mas mapalakas pa.
Minsan, kinausap ni Lola Adella ang kaniyang anak.
“Anak, ano ba ang maitutulong ko sa inyo ni Nida para naman makaluwag-luwag kayo sa mga gastusin dito sa bahay?”
“Nanay, huwag na po ninyo kaming intindihin ni Nida. Kaya na po namin ito. Dito lang po kayo sa loob ng bahay. May edad na ho kayo ‘Nay, baka mapaano pa kayo kung magtatrabaho pa kayo,” sabi naman ni Estong sa kaniyang ina.
“Narinig ko kasi ang usapan ninyo ni Nida kanina, anak. Ayoko naman kasing maging pabigat sa inyo. Hindi rin ako sanay na umaasa lamang ako…”
“Nay, bakit mo naman iniisip na pabigat kayo? Hindi kayo pabigat sa amin ni Nida, at isa pa, wala kaming karapatan para sabihin iyan sa inyo. Kayo ang Nanay ko. Kayo ang nag-aalaga kay Charlson kapag wala kami ni Nida. Kayo ang nag-aasikaso rito sa bahay,” paliwanag naman ni Estong.
Ngunit isang araw ay bigla na lamang nagkasakit si Estong dulot na rin ng sobrang pagod. Para itong natrangkaso. Natigil ito sa pamamasada ng tricycle. Hindi na malaman ni Nida ang gagawin.
“Ano na po ba ang gagawin ko, Nay? Pinarurusahan po ba ako ng Diyos sa mga kasalanan ko sa Kaniya dahil niloko ko noon si Estong? Ito na po ba ang paniningil ng Diyos sa pagtataksil ko sa asawa ko noon?”
Ginagap ni Lola Adella ang mga kamay ni Nida.
“Nida, walang taong perpekto. Hindi nagbibigay ng pagsubok ang Diyos kung alam Niyang hindi ito kakayanin. Huwag kang mag-alala, magtutulungan tayo.”
Isang pagpapasya ang naisipan ni Lola Adella. Kailangang may gawin siya. Hindi puwedeng pabayaan niya ang kaniyang pamilya.
Kinabukasan, gulat na gulat ang mga drayber ng tricycle na kasamahan ni Estong sa Toda nang makita si Lola Adella na nagmamaneho ng tricycle ni Estong.
“Nay Adella? Bakit kayo ho ang nagmamaneho niyan?” gulat na gulat na tanong ni Mang Tonio, isa sa mga drayber.
“May sakit si Estong. Tutal wala naman akong masyadong ginagawa sa bahay. Ako na muna ang mamamasada. Kayang-kaya pa naman ng tuhod ko! Wala pa akong rayuma!” nakangiting sabi ni Lola Adella.
Pinabayaan na lamang ng mga tricycle driver si Lola Adella. Palihim silang natatawa subalit nag-aalala rin para sa matanda.
Nag-aalala sila na baka walang sumakay sa pasada ng matanda, na baka isipin na maaksidente lamang sila.
Subalit kabaligtaran ang nangyari dahil mas nakakakuha pa ng pasahero si Lola Adella dahil nakukuha niya ang atensyon ng mga pasahero. Bukod pa rito, banayad lamang ang kaniyang pagmamaneho dahil nga ayaw niyang maaksidente ang kaniyang pasahero maging ang kaniyang sarili. Isa pa, alalay lamang siya sa pagmamaneho; mabuti na lamang at naturuan siya noon ng kaniyang mister na siyang ama ni Estong, na nagpamana naman rito ng trabahong iyon.
Ang iba pang mga pasahero ay hindi na kinukuha ang sukli mula sa kaniya; inaabutan pa nga nila ang matanda bilang tip.
Matapos ang isang linggo, tuluyan na ngang gumaling si Estong at nakabalik na nga ito sa pamamasada. Ibinigay naman ni Lola Adella ang kaniyang kinita sa kaniyang anak. Napatunayan ni Lola Adella na hindi hadlang ang kasarian lalo na ang edad upang makatulong pa rin sa kaniyang pamilya.