Inday TrendingInday Trending
Sa Isang Dating App Nagkakilala ang Magkasintahan at Maraming Tutol sa Kanilang Relasyong Hilaw pa raw sa Taon ng Pagsasama; Pakinggan Kaya Nila Ito?

Sa Isang Dating App Nagkakilala ang Magkasintahan at Maraming Tutol sa Kanilang Relasyong Hilaw pa raw sa Taon ng Pagsasama; Pakinggan Kaya Nila Ito?

Nagkakilala sina Greg at Alma sa pamamagitan ng isang dating app. Palibhasa ay pareho silang unang beses na nakagamit niyon, hindi na sila humanap ng iba pang makaka-chat. Makalipas ang pitong buwang pag-uusap at pagkikita, pormal nang niligawan ni Greg si Alma.

“Sabay nating i-dedeactivate ang dating app natin. Ayos lang ba?” tanong ni Greg kay Alma.

“Oo naman, Hindi na natin kailangan ang dating app dahil nakilala na natin ang isa’t isa,” saad naman ni Alma.

Sabay nga nila iyong ginawa. Opisyal nang naging sila.

Ipinakilala nila ang isa’t isa sa kani-kanilang mga kaibigan. Subalit marami ang tutol sa kanilang relasyon, lalo na sa bahagi ni Alma. Maraming mga agam-agam ang kaniyang mga kaibigan tungkol kay Greg. Isa na rito ang kaibigan ni Alma na si Lorraine.

“Naku, Alma, sinasabihan kita. Sa dating app mo nakilala iyang nobyo mo. Paano ka nakakasiguro na wala na siyang ibang dating app na ginagamit? Nakita mo ba ang cellphone niya?” minsan ay tanong ni Lorraine sa kaibigan.

“Lorraine, hindi ko ugali na tingnan at basahin ang mga mensahe sa cellphone ni Greg. Isa pa, mahal ko siya. Wala naman sigurong masama kung sa dating app kami nagkakilala. Wala naman iyan sa kung ano ang naging paraan upang magkakilala ang dalawang tao: nasa nararamdaman nila sa isa’t isa. Saka, kampante naman ang pakiramdam ko kay Greg,” pagtatanggol ni Alma sa kaniyang nobyo.

“Ikaw ang bahala, Alma. Para sa akin mas maayos pa rin kung sa personal mo nakilala. Ayaw mo naman kasi kay Edgar eh. Masyado ka pang mapili,” giit naman ni Lorraine. Si Edgar ang nirereto ni Lorraine sa kaniya. Hindi naman tipo ni Alma si Edgar.

“Sinabi ko naman sa iyo, hindi ba, na hindi ko tipo si Edgar? Bakit mo ba pinagpipilitan yung tao sa akin? Baka naman ikaw ang may gusto sa kaniya?” saad naman ni Alma.

“Hoy wala eh. Kung gusto ko siya, hindi ko na irereto sa iyo, ‘no!”

Sa bahagi naman ni Greg, gustong-gusto si Alma ng Mama nito. Ito pa mismo ang nagtatanong sa kanila kung kailan sila magpapakasal dahil nasasabik na umanong makita ang mga apo.

“Sa lalong madaling panahon, Ma,” sagot naman ni Greg.

Makalipas nga ang dalawang buwan ay hiningi na ni Greg ang matamis na oo ni Alma. Pumayag naman ang dalaga nang walang pag-aagam-agam. Nagulat naman ang mga kaibigan nila dahil tila napakabilis daw. Marami ang nag-aalinlangan para sa kanilang dalawa. Wala pa raw kasing isang taon ang kanilang relasyon.

Subalit pursigido naman ang magkasintahan sa kanilang pagpapakasal. Pareho silang may konsepto na wala naman sa paraan ng pagkakakilala, o sa haba ng relasyon ang pagnanais ng pagpapakasal.

Sa ika-11 buwan ng kanilang relasyon ay nagpakasal na sila. Dahil pareho namang may ipon, bago pa man ikasal ay nakabili na sila ng kanilang bahay. Si Alma ang nag-isip ng disenyo para sa renovation.

Napag-usapan din nila na wala muna sa kanilang plano ang pagkakaroon ng anak. Gusto muna nilang ma-enjoy ang oras na silang dalawa muna. Babawiin muna nila ang mga sandaling wala pang taon ang kanilang relasyon.

At dumating ang isang taon, dalawa, at tatlo. Kapwa lumago ang kabuhayan ng mag-asawa. Nagtayo sila ng isang online business na talaga namang pumatok kaya nakapag-ipon sila ng sapat na pera upang mapalakihan pa ang kanilang bahay, at makabili pa ng isang lote.

Sa ikalimang taon ng kanilang pagsasama, naisilang na ni Alma ang kanilang panganay na anak. Bukod sa pagkakaroon ng anak, nadagdagan pa ang mga negosyong naipundar ng mag-asawa. Isa na rito ang negosyo ng milk tea, na nagkaroon ng 15 sangay sa buong Pilipinas.

Makalipas ang isang dekada, masayang pinagmamasdan nina Greg at Alma ang kanilang tatlong anak na lumaking mababait at responsable, lalo na pagdating sa pagnenegosyo, pagtitipid, at paggasta sa pera.

Kaya nang magkita sina Lorraine at Alma, humingi ng patawad ang una sa huli.

“Alma, natutuwa ako ngayon at muli tayong nagkita. Humahanga ako sa naging magandang buhay ninyong dalawa ni Greg. Hindi ko akalain na magtatagal kayo, at tama ka, kahit na wala pang isang taon ang relasyon ninyo noon, hindi iyon sapat na batayan para sabihing hindi magiging matagumpay ang inyong pagsasama. Wala iyan sa haba o tagal ng pinagsamahan, kundi nasa lalim ng ugnayan sa isa’t isa,” paghingi ng tawad ni Lorraine sa kaibigan.

Pinatunayan nina Greg at Alma na nasa wagas na pagmamahalan at mabuting ugnayan ang sikreto ng mabungang relasyon ng mag-asawa.

Advertisement