Sinabotahe ng Dalagang Ito ang Kasal ng Kaibigan, Imbis na Matuwa ay Nagsisi Siya sa Kinahinatnan
“Delhia, naman! Bakit mo ginawa iyon? Hindi mo ba alam na matagal na pinaghandaan ito ng kaibigan natin? Halos limangpung libong piso rin ang nagastos nilang magkasintahan para sa kasal na ito! Ano ka ba naman?” inis na sambit ni Lory sa kaniyang kaibigan nang makita niya itong tahimik na nagkakape sa isang kapehan, isang umaga pagkatapos ng insidenteng ginawa nito.
“Bakit? Hindi ba’t pinagmamalaki niya sa atin na marami naman silang ipon? Edi magpakasal na lang ulit sila!” singhal ni Delhia saka ininom ang binili niyang kape.
“Ano bang nangyayari sa’yo, ha? Bakit ka gan’yan ngayon?” pang-uusisa nito na kaniyang ikinainis.
“Ano bang pakialam mo? Bakit ba nagagalit ka sa akin? Kasal mo ba ang nasira? Hindi naman, ‘di ba? Huwag kang mapapel, Lory,” taas-kilay niyang tugon sa dalaga.
“Hindi nga sa akin, pero sa kaibigan naman natin!” sambit nito saka siya niyugyog-yugyog.
“Kaibigan mo lang, sino’ng nagsabing kaibigan ko ang mayabang na ‘yon?” mataray niyang sagot matapos tanggalin ang kamay ng dalaga sa balikat niya.
“Diyos ko, Delhia! Hindi ko na alam ang gagawin sa’yo!” mangiyakngiyak na wika nito dahilan para kaniya lamang itong titigan at agad itong iwan sa kapehang iyon.
Naging malamig ang trato ng dalagang si Dehlia sa kaniyang mga kaibigan nang sila’y makapagtapos na ng pag-aaral at magkaniya-kaniya na nang tatahaking landas.
Hindi niya man aminin sa kaniyang sarili, kitang-kita naman sa kaniyang ginagawa at pag-uugali na siya’y naiingit sa naabot ng mga ito sa tatlong taong lumipas matapos nilang makapagtapos sa kolehiyo.
Naging isang tanyag na modelo ang isa nilang kaibigan sa New York at nagkaroon pa ng nobyong Amerikano. Ang isa niya pang kaibigang si Lory ay makapangasawa ng isang negosiyante rito sa Pilipinas na ngayo’y may isang taong gulang na anak na. Habang siya, wala na ngang manliligaw, wala pang nahahanap na trabaho hanggang ngayon na labis na niyang ikinaiinis.
Ito ang dahilan para ganoon na lang siya labis na mainggit sa buhay na mayroon ang dalawa niyang kaibigan. Nais man siyang tulungan ng mga ito, palagi naman niyang tinatanggihan dahil ayaw niyang kaawaan siya ng mga ito. Labis pa siyang naiinis sa mga ito tuwing makikita niya ang mga litratong nilalagay ng mga ito sa social media na nagtatamo ng sandamakmak na positibong komento mula sa mga dati nilang mga kamag-aral.
Ito ang nagtulak sa kaniya upang sabotahihin niya ang kasal ng kaibigan niyang may nobyong Amerikano. Bukod sa pinunit niya ang susuotin nitong gown bago ang kasal nito, nagpakawala pa siya ng sandamakmak na bubuyog habang iniraraos ang seremonya ng kasal nito dahilan para magtakbuhan ang mga bisita at masira ang buong kasal nito na labis niyang ikinatuwa.
Kahit na siya’y pinapagalitan ng isa niya pang kaibigang si Lory, takip ang kaniyang tainga sa mga sinasabi nito. Pagkalabas niya ng kapehang iyon, sumalubong sa kaniya ang galit na dalagang sinabotahe niya. Kahit na puro kagat ito ng bubuyog sa mukha, nagawa pa siya nitong sampalin at bumuhasan ng alak sa mukha.
“Wala kang kwenta gumanti,” patawa-tawa niyang sambit.
“Ayos lang, at least ako, may pagkakataon pa akong pagpakasal ulit at sumaya, eh, ikaw? Napupuno ng inggit at galit ang puso mo kahit walang ginagawa sa’yo, kaya kahit kailan, hindi ka magiging masaya! Nagsisisi ako bakit pa kita tinuring kaibigan at inimbitahan!” sigaw nito saka agad siyang pinadampot sa kakarating lang na mga pulis.
Labis man siyang nagpumiglas, wala siyang nagawa kung hindi ang sumama sa mga ito at harapin ang nakaatang na parusa para sa ginawa niyang gulo sa simbahang iyon.
Doon sa kulungan paulit-ulit na tumatakbo sa isip niya ang mga katagang sinabi sa kaniya ng kaniyang kaibigan dahilan para ganoon niya na lang kaawaan ang sarili at magsisi sa lahat ng kaniyang ginawa.
“Bakit ko ba nagawa ‘yon? Nababaliw na ba ako? Bakit ako nagpabulag sa inggit? Sana hindi na lang ako nagpadala sa emosyon ko, sana nagsumikap na lang ako lalo sa paghahanap ng trabaho, sana pinagmalaki ko na lang ang buhay ng mga kaibigan ko kaysa mainggit sa kanila. Edi sana, may pagkakataon pa akong sumaya,” hagulgol niya habang pinagmamasdan ang natatanging litrato nilang tatlo na natago niya.
Ilang buwan lang ang lumipas, pinalaya na rin siya ng kaibigan niyang ito at doon niya napatunayan kung gaano siya kamahal nito.
Simula noon, nagsumikap siyang muli sa buhay. Hindi man kasing tagumpay ang buhay na mayroon siya ngayon kumpara sa kaniyang mga kaibigan, masaya naman ang puso niya ngayon sa kung anong mayroon siya.