Inday TrendingInday Trending
Pinalayas ng Ginang ang Inang Nag-uulyanin, Tadhana ang Nagturo ng Aral sa Kaniya

Pinalayas ng Ginang ang Inang Nag-uulyanin, Tadhana ang Nagturo ng Aral sa Kaniya

“Jessie, parang nakita kong pagala-gala sa palengke ‘yong nanay mo, hindi na ba sa bahay mo umuuwi ‘yon? Kawawa naman kasi, eh, tirik na tirik ang araw, naglalakad, wala pang payong o kahit saplot sa paa,” kwento ni Jovie sa kaniyang kapitbahay nang ito’y bumili ng kape sa kaniyang tindahan, isang umaga habang siya’y abala sa pagsasalansan ng kaniyang mga paninda.

“Hay naku, matagal ko nang pinalayas sa amin ‘yon, perwisyo, eh! Mantakin mo, ha, tinuturuan mo nang sa banyo dudumi at iihi, sa kwarto ko pa rin pumapasok kapag magbabanyo! Isang araw nga, pagdating kong galing palengke, naabutan kong naglilinis ang anak ko dahil nagkalat ang mga dumi niya sa buong kwarto ko!” inis na kwento ni Jessie saka binayaran ang kapeng kaniyang binili.

“Nag-uulyanin na kasi siya, intindihin mo na lang. Nanay mo pa rin naman ‘yon kahit anong gawin mo at ikaw lang ang tanging makakapag-aalaga roon,” pangaral nito sa kaniya na ikinagulat niya’t ikinainis dahil may iba pang tsismosang nakapaligid sa tindahan nito.

“Bakit ka ba nangingialam sa buhay namin, ha? Ikaw ba ang mahihirapan kapag kinupkop ko ulit ‘yon? Ikaw na lang kamo umampon sa matandang ‘yon para matigil ka nang tsismosang pakialamera ka!” sigaw niya rito, nang makita niyang sasagot pa ang naturang ginang, agad niya itong pinandilatan ng mata at nilayasan.

Suko na sa kaniyang nanay na nag-uulyanin na dahil sa katandaan ang ginang na si Jessie. Hindi na niya matiis ang buhay na mayroon siya kapag kasama niya ito sa kanilang bahay. Para na kasi itong sanggol, kailangan niya pa itong subuan para lang kumain, alalayang maglakad para hindi sumakit ang tuhod, hindi gaano makarinig at higit sa lahat, ang labis niyang ikinaiinis, palagi niya pang nililinis ang mga dumi nito sa katawan at sa kaniyang silid kung saan ito palaging dumudumi.

Ito ang dahilan para isang araw, bigla niya na lang palayasin ang kaniyang ina kahit na alam niyang wala itong pupuntahan. Ni hindi niya inisip kung makakakain ba ito o tatagal pa ang buhay sa lansangan, basta ang nais niya lang, makawala mula sa konsumisyong dulot nito at sa nag-iisa niyang anak na may sarili na ring pamilya.

Makalipas lang ang ilang linggo simula nang tarayan niya ang isa sa kanilang mga kapitbahay, bigla na lang siyang nakatanggap ng balita na natagpuan ng mga barangay tanod na wala nang buhay ang kaniyang ina sa dulo ng palengke.

Ngunit imbis na magluksa, siya’y nakaramdam pa ng tuwa. Wika niya pa, “Salamat naman sa Diyos, kinuha na siya. Matitigil na rin ang panghuhusga ng mga tsismosa kong kapitbahay!” Ni hindi niya nagawang iburol ang ina, basta niya na lang itong pinalibing at tinirikan ng kandila sa panchong.

Ilang buwan pa ang lumipas, bigla na lang siyang nakaramdam ng paninikip ng kaniyang dibdib at dahil may kakarampot naman siyang ipon, agad siyang nagtungo sa ospital para makapagpatingin.

Doon niya nalamang may sakit siya puso at agad na pumasok sa isip niyang baka maghirap din siya katulad ng kaniyang ina.

“Ayokong matulad sa nanay ko! Ayokong maging pabigat sa anak ko!” wika niya sa sarili saka agad na sinabi sa kaniyang anak ang kalagayan ng kalusugan niya, “Paoperahan mo ako, anak, ayokong matulad sa lola mo,” iyak niya rito.

“Gagawan ko po ng paraan, mama, pero hindi ko maipapangako dahil manganganak ako ngayong taon at ikakasal na kami ng asawa ko. Bukod pa roon, sobrang laki ng kailangang pera para sa operasyon mo at wala pa kaming ganoong kalaking pera, mama,” sagot nito na labis niyang ikinalungkot.

Matiyaga siyang naghintay sa tulong ng kaniyang anak. Nais man niyang kumayod upang makapag-ambag sa gastusin niya sa gamot at oxygen sa tuwing hindi siya makahinga, wala siyang magawa dahil hindi na rin siya maayos na nakakakilos.

Hanggang sa dumating na nga ang kinatatakot niya, nagawa na siyang sigaw-sigawan ng kaniyang anak, sumbatan at kagalitan araw-araw dahil sa bigat na nabibigay niya, katulad na katulad kung anong ginagawa niya sa ina niya noon. Wala siyang ibang magawa kung hindi ang maiyak at magmakaawang huwag siya nitong palayasin.

“Kung naging mabuting anak lang sana ako noon, sana hindi ko mararanasan ang hirap na ito ngayon. Patawarin mo ako, nanay, hindi kita naalagaan hanggang sa huling hininga mo,” iyak niya habang kumakain ng tanghalian kasama ang kaniyang anak na katatapos lamang siyang pagalitan.

Patuloy pa rin siyang nananalanging sana may himalang bumagsak mula sa langit na makapagpapaalwan sa kaniyang kalagayan.

Advertisement