“Pare, halika, samahan mo ako tumambay doon sa kanto! Wala akong magawa sa bahay namin, eh. Kanina pa ako paikot-ikot doon, wala naman akong mapaglibangan!” yaya ni Kiko sa matalik na kaibigan nang ito’y makita niyang naglalaro ng online games sa sala ng bahay nito.
“Saan naman tayo tatambay? Doon na naman sa kanto para makapag-abang ka ng mga dalagang sisitsitan mo?” tanong nito dahilan para siya’y mapakindat.
“Aba, siyempre! Wala pa naman akong natutuklasang ibang libangan, eh. Dali na, halika na!” sambit niya pa saka agad na sinitsitan ang dalagang dumaan sa bahay ng kaniyang kaibigan, agad naman siyang hinagisan nito ng unan upang masaway.
“Gabi na, pare, ayoko nang umalis. Kung gusto mo, manuod na lang tayo ng pelikula rito sa amin. Baka mamaya kasi, mapahamak pa tayong dalawa sa ginagawa mo,” alok nito na ikinatawa niya.
“Naku, wala ka talagang kasing duwag, Bino! Lalaki ka ba talaga, ha? Hindi naman tayo maghahanap ng away sa kanto, eh, maghihintay lang tayo ng mga magagandang dalagang pupwede nating pormahan!” sigaw niya pa rito saka ito hinila patayo.
“Ayoko nga, ikaw na lang kung gusto mo! Mahal ko pa ang buhay ko!” tanggi nito habang patuloy na nagpapabigat upang huwag niya mahila.
“Ewan ko sa’yo! Duwag!” bulyaw niya rito saka agad na lumabas sa bahay na iyon mag-isa.
Kinawiwilihan ng binatang si Kiko ngayon ang pagtambay sa kanilang kanto habang nag-aabang ng mga dalagang dadaan. Kung hindi niya sisitsitan ang mga ito o tatawaging “sexy”, titingnan naman niya nang malagkit ang mga ito mula ulo hanggang paa.
Malimit niya iyong ginagawa sa tuwing wala siyang magawa sa kanilang bahay o sa tuwing nagsasawa na siyang maglaro ng online games. Naisip niya rin itong paraan upang makabingwit na ng dalagang nonobyahin, matagal na rin kasi siyang walang nobyo dahil sa kaniyang pagiging makamundo.
Wika niya pa sa sarili, “Malay natin, may mahulog sa kagwapuhan kong ito habang nakatambay ako sa kanto. Baka makahuli pa ako ng malusog at masarap na isda sa pamamagitan ng mga tingin ko!”
Sa katunayan, hindi baba sa dalawangpu’t limang babae ang natatawag niya sa araw-araw na pagtambay niya rito. Ang iba’y hindi siya pinapansin habang ang iba naman ay iniirapan lang siya na kaniya namang ikinatatawa.
At dahil alam niyang mas masaya kapag siya’y makasama sa kalokohan niyang iyon, palagi niyang niyaya ang kaniyang matalik na kaibigan na nakatira lang din malapit sa kanilang bahay.
Ngunit kahit ayaw nitong sumama sa kaniya dahil sa takot na baka sila’y may makaaway, tinutuloy niya pa rin ang pagtambay doon kahit mag-isa lamang siya.
Nang gabing iyon, matapos siyang tanggihan ng kaniyang kaibigan, agad siyang naglakad patungo sa kanilang kanto. Naupo siya sa isang bato roon saka nag-abang na ng mga dalagang papasok sa kanilang lugar.
May mga grupo ng dalaga siyang nakita, mayroon namang mag-isa lang, at sa lahat ng mga ito, siya’y nagpapansin sa pamamagitan ng pagsitsit, pagsasabi ng “ganda”, “sexy” at “babe” ngunit lahat ng mga ito siya’y binalewala.
Hanggang sa may dumaang isang nakasalaming babae. Maganda at balingkitan ang katawan nito kahit na may salamin ito at nakasuot ng damit pangpasok sa paaralan.
At katulad ng iba pang babaeng dumaan, hindi niya ito pinalagpas. Sinitsitan niya ito at nang tumingin ito sa kaniya, sabi niya rito, “Baby, baka gusto mong samahan kitang umuwi tapos alam mo na,” at halos manlaki ang mata niya nang ngumiti ito at unti-unting lumapit sa kaniya. “Gusto mo ba talaga?” tanong nito dahilan para agad siyang mapatango-tango.
Ngunit lalo niya pang ikinagulat ang sumunod na ginawa nito. Hinawakan siya nito sa kwelyo at binalibag sa semento. Sigaw nito, “Walang sinuman ang may karapatang mangbastos ng babae! Tandaan mo, hindi lahat ng babae, mahina! Ang iba, mas malakas pa sa’yong salot ka!” saka siya nito muling dinaganan.
Hindi pa nakuntento ang dalagang ito, tumawag pa ng tulong mula sa ibang mga taong dumadaan at siya’y ipinadala sa barangay.
Nireklamo siya nito at doon niya nalamang may kaso siyang maaaring matanggap sa ginagawa niyang ito sa mga babae kahit pa hindi niya ito hawakan o lapitan dahilan para ganoon siya labis na magmakaawa sa dalagang iyon na huwag siyang ipakulong.
“Hindi ako papayag, kailangan mong matuto,” tangi nitong sambit saka na siya ipinadala sa pulisya.
Labis na pagsisisi ang kaniyang naramdaman habang siya’y namamalagi sa kulungan at doon, nangako siya sa kaniyang sarili na hindi na muli iyong gagawin kapag siya’y muling nakalaya.