“Nelia, anak, ano nang balak mo ngayong nakapagtapos ka na ng pag-aaral? Wala ka pa rin bang balak na makipagsalamuha sa iba? O susubukan mo nang lumabas sa kweba mo? Para naman maging masaya ka, anak, at masulit mo ang buhay mo. Dalawang dekada ka nang nabubuhay pero ni minsan, hindi mo nagawang makipagkaibigan. Nag-aalala na ako sa kalagayan mo, anak, lumabas ka naman ng bahay natin at maghanap ng trabaho,” tuloy-tuloy na sambit ni Anily sa kaniyang nag-iisang anak, isang umaga matapos niyang ihatid ang mga damit nito.
“Tapos ka na sa talumpati mo, mama? Pupwede niyo na pong isara ang pintuan ng kwarto ko, may gagawin pa po ako,” malamig na sagot ni Nelia habang patuloy sa pagguhit ng paborito niyang artista.
“Anak, hanggang kailan ka ba iiwas sa mga tao?” pang-uusisa pa nito dahilan para siya’y mainis.
“Hanggang kailan ko ba ipapaliwanag sa inyo, mama, na hindi ako komportable sa ibang tao? Ayokong maraming mata ang nakatingin sa akin, ayokong pinag-uusapan ako at lalong ayokong makipag-usap sa iba,” mataray niyang sagot saka agad na hinila palabas ang kaniyang ina.
“Subukan mo lang, anak, gusto kong makita kang may kaibigan hangga’t buhay pa ako,” tugon nito saka kusang lumabas sa kaniyang silid dahilan para siya’y mapatigil at mapaisip sa sinabi nito.
Isa ang dalagang si Nelia sa mga taong mas gustong mag-isa kaysa napapaligiran ng mga tao. Sa katunayan, nakapagtapos siya ng kolehiyo habang siya’y nasa bahay lamang.
Simula kindergarten siya hanggang sa makuha niya na ang diploma sa kolehiyo, dinadalhan lang siya ng mga aklat, modules at iba pang gamit na kailangan niyang pag-aaralan sa kaniyang silid. Mag-isa niyang pag-aaralan ang mga ito, sasagutan at ipapasa ng kaniyang ina sa paaralan upang siya’y makapasa.
Gustuhin man ng kaniyang ina na siya’y lumabas upang siya’y maging masaya, wala itong magawa kapag sinasabi niyang, “Masaya naman ako kahit mag-isa ako,” dahilan para ganoon na lang nito ibigay ang nais niya.
Kaya lang, nitong mga nakaraang araw matapos niyang makapagtapos sa kolehiyo, napansin niyang may dinadamdam na karamdaman ang kaniyang ina. Tanungin man niya ito, palagi nitong tugon, “Kapag lumabas ka, sigurado, gagaling ako,” na kaniyang ikinaiinis dahil ayaw na ayaw niyang siya’y pinipilit.
Noong araw na ‘yon, nang muli niyang marinig ang nais ng kaniyang ina, may iba siyang naramdaman sa loob niya. Bigla siyang nakaramdam ng takot at pangamba na baka mawala ang kaniyang ina.
Kaya naman, agad siyang naghanap nang mapapasukang trabaho na malapit lamang sa kanilang bahay kahit na siya’y sobrang kinakabahan. Wika niya, “Bahala na, basta gusto ko mapasaya si mama.”
Sakto namang naghahanap ng graphic artist ang isang kumpanya na hindi naman kalayuan sa kanila dahilan para siya’y agad na magbihis at magpaalam sa kaniyang ina.
“Ano? Aalis ka? Makikipagsalamuha ka sa mga tao?” gulat na gulat na wika nito, agad naman siyang tumango dahilan para magdiwang ito, “Salamat sa Diyos! O, sige, mag-ingat ka, ha? Ipagluluto kita ng paborito mong ulam mamayang gabi!” sabik na sabik na wika pa nito saka siya hinalikan sa noo.
Sa kaniyang pagbiyahe, nakararamdam man siya ng takot sa presensya ng mga tao sa paligid niya, laking tuwa niya ng may isang binatang biglang nagpahiram sa kaniya ng earphone. Sabi pa nito, “Makinig ka na muna ng music kung hindi ka kumportable.”
Sinunod niya nga ito hanggang sa siya’y makarating na sa kaniyang paroroonan. Kaya lang, siya’y biglang natakot nang mapansing sumusunod ito sa kaniya dahilan para siya’y magmadaling maglakad.
“Huwag kang matakot, parehas lang tayo ng patutunguhan,” nakangiti nitong wika saka siya hinayaang mauna maglakad.
Pagkarating niya sa kumpanyang iyon, napag-alamanan niyang ang binatang ito pala ang kaniyang makakatuwang sa trabaho. Naiilang man siya na kausapin ito dahil nga hindi siya sanay makipag-usap sa iba, natuwa siya sa magiliw nitong pakikitungo sa kaniya.
Pagkauwi niya, lahat ng nangyari ay ikinukwento niya sa kaniyang ina at sa sobrang tuwa nito, inanyayahan nito ang binatang iyon sa kanilang bahay upang makapagpasalamat.
Hindi niya lubos akalaing pagkalipas ng ilang buwan, siya’y niyaya nitong lumabas at dahil nga bahagya na rin siyang nahuhulog dito, hinayaan niya itong ligawan siya.
Wala nang mas sasaya pa sa kaniyang ina noong mga oras na iyon. Nalaman niya na ring ito pala’y may dinadamdam na depresyon dahil sa labis na pag-aalala sa buhay na mayroon siya noon.
“Salamat, Panginoon, hinayaan Mo na akong makaranas ng tunay na saya, pinagaling Mo pa ang nanay ko,” panalangin niya habang siya’y nakikinig ng sermon sa simbahan kasama ang kaniyang ina at ang binatang iyon.