
Todo Tanggap ng Regalo ang Dalagang Ito sa mga Lalaking Nagkakagusto sa Kaniya, May Masama Pala Itong Dulot
“Aba, mukhang marami ka na namang nabingwit na kalalakihan sa bagong trabaho mo, ha? Sandamakmak na naman ang mga regalong natatanggap mo! Iba talaga ang ganda ng kapatid ko, manang-mana sa ate niya!” masayang wika ni Glenda sa kapatid nang sumalubong sa kaniya ang sandamakmak na mga regalong mayroon ito pagkauwi niya galing trabaho.
“Sinabi mo pa, ate! Alam mo ba, pati nga manager ko, binigyan ako ng regalo! Sa kaniya nga galing ‘yang pinakamalaking kahon na ‘yan, eh!” pagmamalaki ni Glaiza saka ituro sa kapatid ang malaking kahong nasa sulok ng kanilang bahay.
“Naku, talaga? Diyos ko, buksan mo na! Baka kabang-kabang pera ang laman niyan!” nasasabik na wika nito saka agad na binuhat palapit sa kaniya ang naturang kahon.
“Imposible, ate! Nasipat ko na ‘yan kanina, isang tipikal na teddy bear lang ang laman. Ni wala ngang sulat na kasama!” reklamo pa niya.
“Kuripot pala ‘yon, eh! Huwag mong hayaang ligawan ka no’n, ha? Baka umiyak ka sa lalaking ‘yon at ipamukha sa’yo ang pera niya!” wika pa nito.
“Ayoko rin naman do’n, ate, masungit na, puro utos pa!” pagsang-ayon niya.
“Iekis mo na sa listahan ‘yong lalaking ‘yon at magligpit ka na riyan! Ang kalat-kalat na naman ng bahay dahil sa’yo!” utos pa nito saka agad na siyang iniwang mag-ayos ng mga natanggap na regalo sa kanilang sala.
Kahit wala namang okasyon, halos araw-araw may natatanggap na regalo ang dalagang si Glaiza. Kahit nga araw ng mga taong sumakabilang-buhay, mayroon pa rin siyang natatanggap na regalo o kung hindi nama’y mga bulaklak mula sa mga lalaking nagkakagusto sa kaniya.
Siya kasi ang tipo ng dalagang babalikan talaga ng tingin kapag napadaan. Itim na itim ang kaniyang mahaba’t kulot na buhok, balingkitan ang katawan, mapupungay ang mga mata at makinis na balat na talaga nga namang nakakaagaw ng atensyon ng mga binatang naghahanap ng magiging nobya.
Kahit saan man siya magpunta, hindi mawawalan ng lalaking hindi mababaliw sa kaniya lalo pa kapag siya’y nakausap na. Magiliw kasi siya at hindi nauubusan ng kwento na lalo pang nakakahakot ng atensyon ng mga kalalakihan.
Kaya lang, dahil sa mga atensyong ito na kaniyang nakukuha, siya’y bahagya nang nagiging mahangin. Hindi na siya tumatanggap ng regalo mula sa mga regular na binata. Ang tanging tinatanggap niya lang, mga regalong mula sa mga lalaking alam niyang may kaya sa buhay.
Katwiran niya, “Mayaman at galanteng lalaki ang kailangan kong mapangasawa para hindi na ako magtrabaho sa hinaharap. Ang mga mala-diyosang kagaya ko, hindi dapat nahihirapan,” dahilan para ganoon niya na lang ipagpatuloy ang pangongolekta ng mga regalong mula sa mga mayayamang lalaking nagkakagusto sa kaniya.
Lalo pang dumami ang regalong kaniyang natatanggap simula nang siya’y magtrabaho sa isang sikat na hotel sa Maynila. Doon, kahit mga kustomer, minsa’y hinihintay siyang makalabas para lang siya’y abutan ng regalo na labis naman niyang ikinatutuwa.
Dumoble ang saya niya nang makitang may regalong iniwan ang kanilang manager sa tapat ng kaniyang locker ngunit agad naman siyang nadismaya nang makitang isa lamang itong teddy bear. Kahit pa ganoon, inuwi niya pa rin ito at inilagay sa kaniyang kwarto.
Kaya lang, isang araw, habang siya’y nagpapahinga sa loob ng kaniyang kwarto pagkatapos ng kaniyang trabaho, napansin niyang tila may kakaiba sa mata ng teddy bear nito.
Bukod sa mas maliit ito kaysa sa kabilang mata ng naturang teddy bear, hindi pa ito purong kulay itim at nang ito’y kaniyang labis na pagmasdan, doon niya napagtantong para itong isang kamera dahilan para agad siyang mapatakbo sa kaniyang kapatid dahil sa takot na naramdaman niya!
Binuksan ng kaniyang kapatid ang loob ng teddy bear na ito at doon nga nilang nakumpirmang ang isang mata nito ay isang kamera.
“I-ibig sabihin, ate, nakita na niya ang buong katawan ko?” uutal-utal niyang tanong, bumuntong-hininga lang ito saka agad siyang hinila patungong pulisya.
Doon nila napag-alamanang may ganitong uri na pala ng kaso ang manager niyang iyon isang dekada na ang nakakaraan dahilan para ganoon na lang siya labis na mabigla at matakot.
“Kung naging maingat lang sana ako sa pagtanggap ko ng mga regalo mula sa mga hindi ko kilalang tao,” iyak niya sa kaniyang kapatid.
Tuluyan nga nilang ipinakulong ang lalaking iyon at todo hingi naman ng tawad ang hotel na kaniyang pinagtatrababuhan sa traumang naidulot nito sa kaniya.
Simula noon, tinigil niya na ang pagtanggap ng regalo mula sa kung sinu-sinong lalaki at naghintay sa binatang may purong pagmamahal para sa kaniya. Mahirap man limutin ang pangyayaring ito, sinubukan niya itong ibaon sa limot kasabay ng pagbulok ng manager niyang iyon sa kulungan.