
Hindi Makahanap ng Trabaho ang Lalaki; Dahilan Nga Ba Ito Para Humanap ng Iba ang Misis Niya?
“Mahal, alis na ako!” sigaw ni Ernie sa asawang si Kristine na abala sa kusina.
Dali-dali itong lumabas mula sa kusina bitbit ang isang maliit na bag na gawa sa papel.
“Ano ‘to?” takang tanong niya habang nakatingin sa iniabot nito.
“Pagkain. Baka gutumin mo na naman ang sarili mo sa pagtitipid mo,” tila nanenermong sagot nito.
Ngiting ngiti si Ernie habang naglalakad papuntang sakayan ng jeep. Sa totoo lang ay napakaswerte niya sa kaniyang asawa.
Nagmula ito mula sa may-kayang pamilya subalit pinili siya nito kahit na isa lamang siyang ordinaryong empleyado.
Nagpakasal sila at plano sana nilang mag-ipon upang magkaroon ng maliit sanang negosyo para sa bubuuin nilang pamilya subalit sa kamalas-malasan naman ay nawalan siya ng trabaho nang malugi ang kompanya na pinagtatrabahuhan niya.
Ngayon ay halos apat na buwan na siyang naghahanap ng trabaho subalit bigo pa rin siya. Halos paubos na rin ang kakarampot niyang ipon. Nahihiya na siya sa asawa niya na pinangakuan niya ng maginhawang buhay. Mabuti na lamang at ni minsan ay hindi niya ito naringgan ng reklamo.
Nang araw na iyon, bigo na naman siya nang umuwi siya sa bahay. Lahat kasi ng limang kompanya na sinubukan niya ay pawang hindi siya tinanggap.
Nagtaka siya nang pag-uwi niya ay walang ilaw na bukas at balot ng dilim ang kanilang bahay.
“Mahal?” tawag niya sa asawa, subalit napagtanto niyang wala ito sa bahay.
Nagluluto siya ng makakain nang dumating ito. Bakas sa mukha nito ang pagod.
“Mahal? Saan ka nanggaling?” bungad niya sa asawa.
Lumikot ang mata ng asawa. “Ah. Lumabas lang ako kasama si Mina,” tukoy nito sa matalik na kaibigan.
Tumango tango siya. “Halika, kain tayo. Nagluto ako ng hapunan,” yaya niya sa asawa.
Subalit tumanggi ito. “Hindi na, mahal. Kumain na ako,” sagot nito bago siya iniwan sa kusina.
Napakibit balikat na lamang siya. Naisip niya na marahil ay pagod ang asawa. Lalambingin niya pa sana ito subalit nang makapasok siya sa kanilang silid ay mahimbing na ang tulog nito habang nakatalikod.
Nang mga sumunod na araw ay napansin ni Ernie ang pagbabago ni Kristine. Kung dati ay maaga itong gumigising para ipaghanda siya nito ng pagkain, ngayon ay mas nauuna na siyang nagigising dito.
Subalit ang pinaka-kinababahala niya ay ang pag-alis alis nito. Madalas niya itong maabutan na wala sa bahay at kapag tinatanong niya naman ito ay iba-iba ang sagot nito.
“Nakipagkita lang ako sa kaibigan ko.”
“Pumunta lang ako sa bahay nila Mama.”
“Dinalaw ko lang ang mga anak ni Ate Larissa.”
Hindi niya tuloy maiwasan na maghinala. Hindi kaya nagsawa na sa kaniya ang asawa at nakahanap na ito ng magbibigay dito ng magandang buhay?
Kaya nang mga sumunod na araw at ganoon pa rin ang kaniyang asawa ay wala siyang nagawa kundi ang manmanan ito.
Karaniwan ay nauuna siyang umalis kaya naman sinabi niya sa asawa na umalis na siya kahit pa ang totoo ay nanatili lang siya sa isang tagong bahagi na malapit sa bahay nila. Makalipas ang isang oras ay nakita niya ang pag-alis ni Kristine. Sinundan niya ang asawa.
Ganun na lamang ang pagkabog ng dibdib niya nang pumasok ito sa isang malaking bahay. Sinalubong ito ng isang lalaki na sa tingin niya ay kaedaran nilang mag-asawa. Malaki ang ngiti nito nang papasukin nito si Kristine sa loob ng bahay.
Natulala lamang si Ernie sa nasaksihan. Mukha ngang nagsawa na ang asawa niya sa mahirap nilang buhay.
Napapitlag siya nang tumunog ang kaniyang cellphone. Isang ‘di kilalang numero ang tumatawag.
“Hello?”
“Ito ba si Mr. Ernesto Aguila?” tanong ng nasa kabilang linya.
“Ako nga ho, sino ho sila?” kalmado niyang balik tanong.
“Ako si Giselle ng CG Electronics. Masaya kong ibinabalita na natanggap ka sa posisyon na in-applyan mo!” wika nito.
Tipid siyang nagpasalamat sa babae bago niya ibinaba ang tawag. Noon tumulo ang kaniyang mga luha.Nakahanap nga siya ng trabaho, subalit tila ang asawa naman niya ang mawawala.
Nang araw na iyon ay nag-isip isip si Ernie. Mahal na mahal niya ang asawa kaya bibigyan niya pa ito ng isa pang tiyansa. May trabaho na naman siya. Makakabawi na sila.
Nang dumating ang asawa niya ay may masaya itong ngiti. Sandamakmak din ang pinamili nitong pagkain na aabot yata ng pang isang buwan ang dami.
Nang makita niya ang masayang ngiti ng asawa ay tuluyan nang napaiyak si Ernie. Mukhang alam niya na kung saan nanggaling ang pera ng kaniyang misis.
“Mahal, bakit ka umiiyak?” tarantang tanong ni Kristine.
“Nakahanap na ako ng trabaho,” wika niya sa asawa.
Kumislap ang mata ng babae. Subalit agad iyong napalitan ng pagtataka.
“Eh magandang balita pala, eh! Bakit ka umiiyak?” usisa nito habang hinahagod ang kaniyang likod.
“Nakita kita kanina. Pumasok ka dun sa bahay ng lalaki. Ipinagpalit mo na ako dahil hindi kita kayang bigyan ng magandang buhay!” umiiyak na kwento niya sa asawa.
Subalit nagulat siya ng tumawa ito nang malakas.
“Ano ka ba naman, mahal! Nababaliw ka na ba? Ikaw lang ang mahal ko, bakit kita ipagpapalit?”
Nagulat siya sa sumunod na sinabi nito.
“‘Yung lalaking nakita mo, si Mr, Rafael ‘yun. Boss ko. May asawa ‘yun, si Mrs. Rafael. Napakabait ng mag-asawa na ‘yun. Kinuha nila akong tutor ng mga anak nila. ‘Yun ang dahilan kaya lagi akong gabi na kung umuwi noong mga nakaraang araw,” paliwanag ng asawa.
Tila isang malaking tinik ang nawala sa dibdib ni Ernie. Mali naman pala ang kaniyang akala!
“Eh bakit hindi mo sinabi sa akin?” nagtatampong usisa niya sa asawa.
“Siyempre, ayoko na ma-pressure ka sa paghahanap ng trabaho. Plano ko sana sabihin sa’yo kapag natanggap ka na,” katwiran ng babae.
Napaluha si Ernie. Sadyang napakabait talaga ng asawa niya. Siya pala ang inisiip nito!
“Magtatrabaho na rin muna ako, mahal. ‘Pag nakaipon na tayo, pwede na tayong magkaroon ng baby at makalipat sa magandang bahay,” pahayag nito.
Kay laki ng pasasalamat ni Ernie. Mabuti na lamang at mali ang akala niya!
Iyon nga ang ginawa ng mag-asawa. Sabay silang nagtrabaho at nag-ipon para sa pamilyang bubuuin nila.
Ilang taon lamang ang lumipas ay isinilang ni Kristine ang isang malusog na batang babae. Kasama ang kanilang munting anghel ay namuhay ang mag-asawa ng may pagmamahal at tiwala sa isa’t-isa.